MAPAPAAGA ng isang buwan ang pasukan sa paaralan matapos maglabas ng Department Order ang Department of Education (DepEd) kamakailan.
Ayon sa DepEd Order No. 003 s. 2024, ang simula ng klase ngayong taon ay Hulyo 29 at magtatapos sa Mayo 16, 2025.
Nagsimulang mabago ang umpisa ng pasukan sa mga paaralan at unibersidad sa Pilipinas nang kumalat ang Covid-19 taong 2020.
Dahil sa pandemya, isang memorandum ang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ipinag-utos niyang Oktubre 5 ang simula ng klase para sa School Year 2020-2021.
Ang dating Hunyo na pasukan, naging Oktubre at ang mga mag-aaral, hindi naman talaga pumasok sa mga pisikal nilang paaralan, sa halip naging online, pagsagot sa modyul at panonood ng aralin sa telebisyon ang naging paraan upang sila ay matuto.
Nangapa ang lahat, pribado man o publikong paaralan, kung paano ang gagawing paraan para matuto nang hindi kinakailangang magharap-harap dahil sa banta ng nakahahawa at nakamamatay na virus.
Humarap sa matinding pagsubok ang DepEd, mga guro, mga mag-aaral, at mga magulang upang maipagpatuloy ang edukasyon sa kabila ng kinaharap na pandemya.
Sa isang artikulo ng The Manila Times, sinabi rito na sa ginawang pag-aaral ng T4 Education and EdTech Hub, lumalabas na ang limitasyon sa teknolohiya ang pinakamalaking balakid ng mga mag-aaral at guro para sa epektibong online classes sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Mahal na load, hiraman sa gadget, kawalan ng interaksyon sa klase at palpak na pagtataya sa progreso ng mag-aaral at pagtukoy sa kakulangan sa pag-aaral ang naging suliranin ng educational system ng Pilipinas nang panahon ng pandemya.
Hinaing pa ng mga magulang, kung mayroon mang load at gadget, problema naman sa malalayong lugar ng bansa lalo na sa mga probinsya ang mabagal na internet at mahinang signal ng cell sites kung saan may iba na kinakailangan pang umakyat sa puno o bubong ng kanilang bahay para makasagap ng ‘signal.’
Sa kabila ng hirap na ito, pinakahuli ang Pilipinas sa buong mundo na nagbalik sa ‘face-to-face’ o in-person classes.
Noong Nobyembre 15, 2021 sinimulan ng 100 pampublkong paaralan ang isang pilot test ng face-to-face classes.
At nang sumunod na taon, sa bisa ng DepEd Order No. 034, series of 2022 na nilagdaan ni DepEd Secretary Sara Duterte, itinakda ang simula ng klase sa loob ng mga paaralan sa Agosto 22, 2022 at magtatapos sa Hulyo 7, 2023.
Taong 2023 naman ay sinimulan ng Agosto 29 ang klase at itinakda na Hunyo 14, 2024 ito magtatapos.
Ngayong taon, pinag-usapan sa Kongreso na unti-unting ibalik sa Hunyo ang simula ng pasukan ngunit hindi pa ito mangyayari ngayong taon, ayon kay DepEd Director Leila Areola.
Sa halip, mapapaaga lamang ng isang buwan-mula sa dating Agosto ay magiging Hulyo naman ang pasukan ngayong taon. Ayon sa DepEd Order No. 003 s. 2024, ang simula ng klase ngayong taon ay Hulyo 29 at magtatapos sa Mayo 16, 2025.
“Sa ngayon ang galaw namin ay unti-unti itong ibalik sa Hunyo (For now the move is for us to gradually revert to June),” ani Areola sa isang pagdining sa Senado.