28.3 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Pahayag ni Sen Hontiveros sa pagtitipong ecumenical ng Koalisyon laban sa ChaCha

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBIGAY si Senador Risa Hondiveros ng kanyang pahayag sa pagtitipon ng Koalisyon laban sa ChaCha sa Plaza Roma, Intramuros, Manila nitong Pebrero 22, 2024.

“Mapagpala’t mapagbantay na umaga po sa lahat ng kasama sa ating Koalisyon Laban sa ChaCha. At higit sa lahat, sa mga kababayang umiibig at naninindigan kay Inang Bayan.

“On these very days, 38 years ago, libo libo at milyon-milyong Pilipino ang nagtipon-tipon at nagsagawa ng EDSA People Power para sa demokrasya at para sa katarungang panlipunan.

“Pero ngayon, may nagbabadya. May nagtatangka. Ginagapang na naman ang karapatan ng mamamayan.

“Kaya tayo naririto ay para sabihin, na sa ating mga dasal, sa ating mga boses, at sa ating lakas, hahadlangan natin ang pagsusumikap nilang iyan. Yang pagsusumikap nila, hindi magtatagumpay.

“Malinaw na yung ChaCha at yung binuhay na naman na People’s Initiative ng Pirma ay nagsusulong lamang sa interes ng iilan, laban sa ating bansa. Sabi nga po, isang huwad na pangako, na tayo lamang taong bayan ang mapapako muli.

“Kaya nandito po tayo para hadlangan iyan.

“Malinaw na yung ChaCha na iyan at yang People’s Initiative ng Pirma na iyan ay para lamang lituhin tayong mga Pilipino.

“Para hindi na mapansin ang pangungurakot sa kaban ng bayan. Para makalimutan ang mga paglabag sa mga karapatang pantao. Para mabalewala ang gutom, ang kahirapan, ang kawalan ng disenteng pamumuhay na iniinda ng mamamayan.

“Eh bakit, kapag ba natuloy ang bangayan ng mga institusyon ay tataas ang sahod ng manggagawa? Hindi, diba?

“Kapag nakuha nila yung mga political o economic man na amyenda sa Konstitusyon, maghahatid ba iyan ng pagkain sa hapag-kainan ng pamilyang Pilipino? Hindi, diba?

“Kapag matuloy yung paulit ulit nilang pinagpupumilit na joint voting, yan ba ay magtatayo ng bahay para sa mga walang tahanan? Hindi rin.

“Kaya sa mga sumusunod na araw, linggo, buwan — o taon, kung kailangan — ituloy  tuloy po natin ang pagsasanib ng dasal, ng boses, ng ating lakas, para ipanalo ang mamamayan.

“Huwag po tayong mapapagod na magdasal, magbantay, at magpaliwanag. Magsumikap po tayo na makinig at makipag-ugnayan.

“Sa mga susunod na araw, tuloy tuloy lamang po itong ating pagkilos, ng Koalisyon Laban sa ChaCha. Tuloy tuloy na dumadami ito ng ating mga kababayan, pumapasok sa ating Koalisyon Laban sa ChaCha, at sa iba pang mga katulad ng grupo.

“Sa tulong at awa ng Panginoon, mananaig muli ang taumbayan. Sa ating pananampalataya at sa ating pagibig kay Inang Bayan, mapapawi muli ang kadiliman. Maraming salamat mga kasama, at mabuhay po ang sambayanan.”

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -