ANG microfinance program ay itinatag noong 1993 pagkatapos ng Economic and Social Caucus na inilunsad ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Pagkatapos nito, itinatag ang Department of Finance National Credit Council (DoF-NCC) para balangkasin ang programa at kung paano ito ipatutupad.
Bago ang 1993, ang pamahalaan ay umasa sa mga directed credit programs (DCPs) para magpautang sa mga maliliit na negosyo. Ang mga DCPs ay mga programang pautang na may malaking subsidiya na ini-implement ng mga tanggapan ng pamahalaan. Dahil ang nagtataguyod sa mga ito ay tanggapan ng gobyerno, hindi na nagbayad ang mga nangutang kaya mababa ang repayment rate. Hindi rin napunta ang mga pautang sa mga karapat-dapat na benipisyaryo. Sa pagdaan ng panahon, naubos ang mga milyon-milyong pisong pautang at nagsara ang credit window. Mga 86 na DCPs na pinag-aralan ng DoF-NCC, halos 20 porsiyento lamang ang repayment rate at iilan na lang ang may perang puwedeng ipautang. Nadamay pang nalugi ang maraming mga rural banks na siyang retailer-oulets ng mga pautang.
Umasa din ang pamahalaan sa mga mandatory credit quota na ipinapataw ng batas sa mga bangko. Sa pamamagitan ng Agri-Agra Law (Republic Act No. 10000 na naipasa noong 2008, inatasan ang mga bangko na maglaan ng 30 porsiyento sa kanilang loanable funds para sa agrikultura at maliliit na negosyo. Ngunit dahil sa ayaw ng mga bangko na magpautang sa mga walang credit rating at malamang na hindi na makabayad, napakababa ang compliance. Binabayaran na lang ng mga bangko ang penalty na nakasaad sa batas.
Ang DoF-NCC ay pinapanguluhan ng Department of Finance at ang mga kasama nito ay mga government financial institutions (GFIs) na Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), Small Business Corporation (SBC), Quedancor at mga government agencies — Department of Agriculture (DA), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Insurance Commission, at Cooperative Development Authority (CDA).
Pagkatapos ng mga konsultasyon sa buong bansa at sa tulong ng USAid, nailunsad ang National Strategy on Microfinance na nagtatalaga ng pag-provide ng microfinance services ng pribadong sector at paggamit ng market interest rates. Ang gobyerno ay di na magpapautang kundi siya ay magpo-provide na lamang ng policy at regulatory framework para umusad ang programa. Ang gobyerno ay nagbibigay na lamang ng mga training tungkol sa magagandang practices na makatulong sa programa. Umikot ang DoF-NCC sa buong bansa para magkonsulta sa mga stakeholders sa pagbalangkas ng Standardized Chart of Accounts for Credit Cooperatives and Microfinance Entities para sa mga libro ng mga accountants ng providers. Ang libro ay ginagamit para maitala ang mga transaksyon at magkaroon ng performance record na gabay sa pagmamaneho nang mahusay. Gumawa rin ang DoF-NCC ng Performance Indicators System na gaya ng PEARLS sa ibang bansa na tinawag nating COOP-PESOS. Itoý naglalaman ng mga financial indicators kung saan makikita ang financial condition ng mga providers at makagawa ng paraan ang mga managers na makaiwas sa kalugihan at pagsasara.
Inilipat ng DoF-NCC ang mga DCPs sa GFIs pati ang mga maliliit na balance ng mga naglahong DCPs. Dahil dito, nawala ang unfair competition na siyang dahilan kung bakit ayaw ng pribadong sector na magpautang at magbisnes ng pautang.
Lumago nang mabilis ang lebel ng pautang sa agrikultura at maliliit na negosyo. Tumaas ang access ng mga tao sa microfinance; lumaki ang kliente ng microfinance mula 0.5 million to 16.32 milyon, 14.4 porsiyento na paglago taun-taon. Lumago rin ang kabuuang pautang mula sa P6.02 bilyon noong 1997 sa P312.6 bilyon noong 2022, 16.1 porsiyento na taunang paglago o 11.0 porsiyento kapag tinaggal ang inflation. Ikumpara ito sa 8.6 porsiyento na taunang paglago ng total credit sa buong bansa o 5.6 porsiyento kapag tinanggal ang inflation. (Table 1)
Habang lumalaki ang pautang, naramdaman ng stakeholders ang pangangailangan ng insurance sa mga businesses at kamag-anak ng mga microfinance beneficiaries. Ang Pilipinas kasi ay dinadalaw ng tinatayang 20 bagyo kada taon kasama ng mga di mabilang na lindol, pagputok ng bulan, at El Nino at La Nina events na sumisira sa mga kabuhayan ng mga benepisyaryo. Idagdag pa ang mga peligro ng pagkakasakit at disgrasya ng mga pamilya nila. Dahil dito, nagkaroon ng microinsurance program. Kaya noong 2010, inilabas ng DoF-NCC ang National Strategy on Microinsurance na tumutok sa sustainable, private sector provision at ang tulong ng pamahalaan sa pagbuo ng enabling policy at regulatory framework.
Hindi madali ang mag-introduce ng bagong produkto lalo na’t hindi maganda ang karanasan ng mga bumibili ng insurance sa mga scams at mga kumpanyang nagsara nang biglaan na siyang karaniwang nangyari noong nakaraan. Kailangang umikot ang DoF-NCC sa buong bansa para magkampanya para sa microinsurance. Gumawa ang DoF-NCC ng mga video, jingle at mga ads at gumawa ng mascot na ang tawag ay Enzo. Gumawa rin ang DOF-NCC ng mga modules para sa training of trainers at nagtayo ng technical working group na kasama ang mga eksperto ng pampubliko at pribadong sektor para mag-disenyo ng produkto. Ang kinalabasan nito ay ang produktong Bahay-Buhay-Kabuhayan, isang bundled microinsurance product na magbigay ng proteksyon sa peligro sa bahay, buhay at kabuhayan. Kailangang di lalampas ang halaga nito sa 7.5 porsiyento ng daily minimum wage.
Habang ginagawa ang disenyo ng produkto, naglabas ng Insurance Commission (IC) ng regulatory framework para sa microinsurance. Nakasaad dito ang mga financial ratios na kailangang ma-comply ng the microinsurance providers. Pagkatapos ay dinisenyo ang network ng wholesale at retail outlets para sa mga produkto.
Mabilis lumobo ang microinsurance industry. Sa unang taon pa lang (2010) ay nagtala na ng lampas sa 5 milyon na kliente ang industrya. Ito ay lumukso sa 27.9 milyon noong 2014 at umabot sa 57.75 milyon noong 2022. Mula 27.5 porsiyento sa population noong 2024, umakyat ang microinsurance coverage sa 52.1 porsiyento noong 2022, ang pinakamataas na antas sa mga emerging economies. Ang premiums ay lumago rin mula P3.83 bilyon noong 2014 sa P11.534 milyon noong 2022. (Table 2)
Ginawang modelo ang Pilipinas sa mga proyekto ng GIZ, ang development partner natin, sa pag-implement nila ng kaparehong proyekto sa pitong bansa sa Asya. Kapansin-pansin ang paggaya ng Indonesia at Cambodia sa ating National Strategy on Microinsurance.
Ang sabi ng Milliman, isang kilalang global research firm, na nagpablis ng kanilang study sa Asia Insurance Review, ang microinsurance ng Pilipinas ay “highly developed market.” Itoý dahil sa malaking clientele nito, maraming distribution outlets at malawak na outreach sa buong bansa.
Sa study na ginawa ko para sa Philippine Tax Academy (PTA), Malaki ang naiambag ng microfinance at microinsurance programs sa pagpapabuti sa distribution of income at pagsugpo ng kahirapan sa Pilipinas. Gamit ang regression analysis, lumalabas na significant variable ang mga programang ito sa inaasam-asam na pagkakapantay-pantay ng kita at zero poverty ng bansa.
Table 1. MICROFINANCE COVERAGE | 1997 | 2000 | 2003 | 2006 | 2009 | 2012 | 2013 | 2016 | 2019 | 2022 |
Number of microfinance clients (M of families) | 0.5 | 0.84 | 1.42 | 2.4 | 5.84 | 7 | 10 | 12.47 | 16.41 | 16.32 |
Microfinance loans (PB) | 6.02 | 10.16 | 17.15 | 28.93 | 48.44 | 80 | 114.29 | 181.14 | 343.09 | 312.60 |
Source: DOF-NCC |
Table 2. MICROINSURANCE | |||||||||
2014 | 2015 | 2016 | 2017 | 2018 | 2019 | 2020 | 2021 | 2022 | |
Coverage (million people) | 27.9 | 28.7 | 27 | 32.2 | 38.2 | 48.7 | 53.7 | 53.7 | 57.75 |
% of population | 27.9% | 28.4% | 26.6% | 31.2% | 36.4% | 45.7% | 49.6% | 49.2% | 52.1% |
Premiums (in billion pesos) | 3.83 | 4.53 | 5.42 | 7.13 | 8.4 | 8.82 | 7.8 | 10.117 | 11.534 |
% of GDP | 0.03% | 0.03% | 0.0358% | 0.0431% | 0.0460% | 0.0452% | 0.0435% | 0.0521% | 0.0524% |
Sources: PSA & Insurance Commission |