27.2 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Mga Senador nagpahayag ng suporta kay Villanueva

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGPAHAYAG ng buong suporta ang mga senador kay Majority Leader Joel Villanueva sa gitna ng walang patid na pag-atake sa kanya kaugnay ng ginawa niyang pagbubunyag sa pekeng people’s initiative.

Larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines

Inilarawan ng mga senador si Villanueva bilang masipag, epektibo at tapat na public servant na nais lamang gawin ang tama para sa mamamayang Pilipino.

Sabi ng mga senador, hindi dapat ilayo ng mga kritiko ang totoong isyu at sa halip ay harapin na lang nila si Villanueva.

“I hope our friends in the House are circumspect. Hindi maganda ang mga paratang na ganyan. It is not good for inter-parliamentary courtesy. Tayo po rito ay nagtatrabaho,” sabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Ayon naman kay Senadora Pia Cayetano, kilala si Villanueva bilang “outspoken” at “vocal” sa mga isyung may kinalaman sa publiko.

“Kung naglabas siya ng ebidensya, bakit hindi siya sagutin nang maayos? Tayo ay naninindigan at nagbibigay ng suporta dahil ang gustong gawin ng ating kaibigan ay trabaho,” saad ni Cayetano.

Iginiit naman ni Senador Sonny Angara na hindi dapat palagpasin ang mga pag-atake laban kay Villanueva na nagsusumikap para sa interes ng taumbayan.

Pinuri rin ni Angara ang kanyang kaibigang si Villanueva sa pagkuwestiyon sa people’s initiative signature drive para amyendahan ang 1987 Constitution.

Aniya, hindi dapat magkaroon ng “fastbreak” pagdating sa pagrebisa ng Charter at kailangan ng masusing konsultasyon at partisipasyon ng karamihan tulad ng idinidiin ni Villanueva.

“It’s not something to trifle with. Hindi po biro, seryosong usapan ito. I would like to pay tribute to our Majority Leader for fighting for our institution, but more than that, for fighting for the Filipino people,” ani Angara.

Sinabi naman ni Deputy Majority Leader Joseph Victor Ejercito na saksi siya sa kasipagan sa trabaho ni Villanueva at madalas aniya nilang pinag-uusapan ang tungkol sa isyu ng korapsyon at kahirapan.

Payo naman ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga kritiko ni Villanueva: “To those who want to attack Sen. Joel Villanueva, please attack him on the issues that we are tackling. Do not attack him personally, because kung personal na attack-an na ito, they will be attacking the 23 senators who are solidly behind Sen. Joel Villanueva. This is how we do it in the Senate.”

Sa bahagi naman ni Villanueva, pinasalamatan niya ang kanyang mga kapwa senador sa kanilang suporta, na isang pagpapakita ng pagkakaisa ng mataas na kapulungan ng Kongreso.

“Nakakataba po ng puso ang suporta ng ating mga kasamahan sa Senado kaya mas lalo po tayong nagkakaroon ng lakas ng loob na manindigan at makipaglaban hindi lamang po para sa institusyon kundi lalong-lalo na para sa ating mga kababayan,” sabi ng Majority Leader.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -