27.4 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Pagpapatupad ng E-GASTPE law pinarerepaso ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon upang repasuhin ang pagpapatupad ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act o ang E-GASTPE law (Republic Act No. 8545).

Sa Proposed Senate Resolution No. 925, binigyang diin ni Gatchalian ang pangangailangan para sa maayos na pagpapatupad ng programa sa GASTPE. Aniya, layunin dapat ng programa na iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral at tiyaking may access sa dekalidad na edukasyon ang nangangailangang mga kabataan. Sa ilalim ng 2024 national budget, P40.48 bilyon ang nilaan para sa GASTPE. 

 Inamyendahan ng Republic Act No. 8545 ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (Republic Act No. 6728) upang bigyan ng tulong pinansyal ang mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan sa high school, kolehiyo, at technical-vocational level. Matatandaang pinalawak ng Republic Act No. 6728 ang programa ng Educational Service Contracting (ESC). Sa ilalim ng naturang programa, babayaran ng pamahalaan ang matrikula at iba pang mga bayarin ng mga labis na nangangailangang mag–aaral mula sa mga pampublikong paaralan na papasok sa mga pribadong paaralang may kontrata sa Department of Education (DepEd).

Nagbigay daan naman ang pagpapatupad ng K to 12 curriculum sa pagpapalawak ng E-GASTPE at pagkakaroon ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP).

Ngunit patuloy na humaharap sa mga hamon ang pagpapatupad ng mga programa sa GASTPE. Ayon sa 2019 Performance Audit Report on GASTPE ng Commission on Audit, may mga ulat na hindi mapatunayan ng mga paaralan na tunay na mag-aaral ang naitalang mga benepisyaryo. May mga iba ring benepisyaryo ng ESC na hindi pareho ang paralaan kung saan sila nakarehistsro at kung saan sila talagang nag-aaral. May ibang mga benepisyaryo namang hindi na pumapasok o kaya nadoble ang pagkakalista. Ayon pa sa ulat, hindi napunan ang ilang ESC slots batay sa pangangailangan ng mga nagsisikipang mga pampublikong paaralan. 

Ayon pa sa COA, mababa ang participation at retention rates ng mga benepisyaryo ng SHS VP mula sa mga pampublikong high school. Hindi naman hinihingi sa mga paaralang lumalahok sa SHS VP na dumaan sila sa recertification upang tiyakin ang kalidad ng edukasyon at kung sumusunod sila sa minimum compliance. 

“Katuwang natin ang mga pribadong paaralan sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon, ngunit tungkulin din nating tiyakin na nagagastos sa tamang paraan ang tulong pinansyal na hinahatid natin sa kanila. Napapanahong suriin natin ang E-GASTPE law upang masuri natin kung paano magiging mas epektibo ang mga programa natin para sa mga pribadong paaralan,” ani Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -