25.1 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Kalihim ng DoLE: Pagbuti ng bilang ng trabaho bunga ng sama-samang pagsisikap sa paggawa

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG patuloy na pagbuti ng employment rate ay isang patunay sa pagsisikap ng sektor sa paggawa na lumikha ng trabaho at pagtataas ng kasanayan ng mga manggagawa, pahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority na bumaba pa sa 3.1 porsiyento ang unemployment rate noong Disyembre 2023.

Isinasalin ang pagbaba sa 1.60 milyong indibidwal na walang trabahong noong Disyembre 2023, na bumuti mula noong Nobyembre 2023 na 3.6 porsiyento, o 1.83 milyong walang trabaho, at mula Disyembre 2022 na 4.3 porsiyento, o 2.22 milyong walang trabaho.

Nangangahulugan din ito na 96.9 porsiyento, o 50.52 milyong indibidwal, ang nagtrabaho noong Disyembre 2023, pagtaas mula sa 96.4 porsiyento, o 49 milyong indibwal na may trabaho noong Nobyembre 2023 at tumaas mula sa naiulat na 95.7 porsiyento, o 49.64 milyong inidibidwal na may trabaho noong Disyembre 2022.

Tumaas ang year-on-year labor force participation ng 66.6 porsiyento mula sa 66.4 porsiyento, habang ang underemployment ay bumaba ng 11.9 porsiyento mula sa 12.6 porsiyento, isang pag-unlad na “nagbibigay-diin sa mga positibong pamamaraan sa paglikha ng mas inklusibo, mahusay, at matatag na merkado ng paggawa.”

“Ang pangkalahatang pag-unlad na ito ay isang testamento sa mga estratehiya na naglalayong pataasin ang kakayahan na makapagtrabaho, paggamit ng digital na teknolohiya para sa pagpapaunlad ng mga kasanayan, at pagpapalawak ng access sa mga oportunidad sa trabaho,” wika ni Secretary Laguesma sa kanyang pahayag sa Disyembre 2023 Labor Force Survey.

“Ang aming pagtuon sa mga sektor tulad ng konstruksiyon, transportasyon, logistik, at sa sektor ng kabataang manggagawa, ay naging sentro ng aming estratehiya para sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho,” dagdag ng Kalihim ng Paggawa.

Sa unang press briefing ng DoLE ngayong taon, sinabi ni Secretary Laguesma na ang pinakahuling istatistika ng trabaho ang magtutulak sa DoLE upang higit na pagbutihin pa ang pagpapatupad ng mga programa nito na nakakatulong sa sektor ng paggawa.

“Ang layunin ng DoLE, ang plano ay patuloy na palakasin ang mga programang nakabatay at nakapaloob sa Labor and Employment Plan (LEP) 2023-2028 na siya namang nagbibigay-buhay sa Philippine Development Plan 2023-2028,” wika niya.

“Nais po naming tiyakin na mga prayoridad, istratehiya, at programa na ang layunin ay ihanda ang ating mga maggagawa lalo na ang mga kabataan ay gagampanan po ng DoLE,” dagdag niya.

Kalidad ng trabaho

Upang mapabuti ang kalidad ng trabaho sa bansa, sinabi ni Employment and Human Resource Development Cluster Undersecretary Carmela Torres na tinitiyak nila ang mahigpit na pagtutulungan ng industriya at sektor ng edukasyon ng pamahalaan.

“Para kung anuman ang kinakailangang skilled workers ng ating mga industry, dapat din ‘yon ang ipo-produce sa ating education sector. Sinasabi nga natin, i-avoid natin ang jobs, skills mismatch,” aniya.

Sinabi ni Undersecretary Torres na sinusubaybayan din nila ang impormasyon sa labor market upang matukoy ang mga profile ng mga naghahanap ng trabaho at mga bakanteng trabaho upang matiyak na “ang mga naghahanap ng trabaho ay makakakuha ng tamang trabaho at ang mga employer ay makakakuha ng tamang kasanayan ng manggagawa.”

Binanggit ni Secretary Laguesma ang pagtatatag ng mga balangkas ng kakayahan at kasanayan sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority upang matugunan ang hindi pagkakatugma ng trabaho at manggagawa, at pagtataas ng kalidad ng trabaho.

Samantala, sa usapin ng sahod, sinabi niya na lahat ng regional wage board, maliban sa Davao region, ay naglabas na ng wage order para itaas ang minimum na sahod sa kani-kanilang rehiyon.

Tiniyak ng labor secretary na malapit nang makumpleto ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board ng Region 11 ang proseso ng pagtukoy sa sahod na naaayon sa “pangako na matugunan ang mga agarang pangangailangan ng ating mga manggagawa habang binabalanse ang mga realidad at kahirapan na kinakaharap ng mga employer.”

“Ang mga pagsasaayos ng sahod na ito, kasama ng mas malawak na mga estratehiya sa merkado ng paggawa, ay nagpapahiwatig ng aming dedikasyon sa isang merkado ng paggawa na tumutugon sa patas, at kapaki-pakinabang para sa parehong manggagawa at employer,” wika niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -