ILANG beses nang sumubok ang mga nakaraang administrasyon sa planong amyendahan ang 1987 Philippine Constitution pero ni isa dito ay hindi naging matagumpay.
Nagsimula ito sa panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos kung saan si House Speaker Jose de Venecia ang naging pasimuno dito. Sinundan ito sa panahon ni Pangulong Joseph Estrada subalit dahil napatalsik siya sa kapangyarihan dulot ng EDSA 2 ay hindi rin ito natuloy. Maging sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hindi rin ito nagtagumpay.
Sa panahon ni Pangulong Ninoy Aquino, naging tahimik ang usapin dahil naipasa ang 1987 Constitution sa panahon ng kanyang ina na si Pangulong Corazon Aquino.
Hindi rin ito naging matagumpay sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahi naging abala siya sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga at ang kanyang matagumpay na Build Build Build program.
Ngayon, sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may pagtatangka muli na baguhin o amyendahan ang Saligang Batas o mas popular na tinatawag na Charter Change o Cha Cha.
Mga paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas
Ayon kay Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno, founding dean ng Dela Salle College of Law at chairman ng Free Legal Asistance Group (FLAG), “Puwedeng baguhin ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Assembly (tinatawag na “Con-Ass”), o Constitutional Convention (tinatawag na “Con-Con”) at ngayon ay tinatawag na People’s Initiative o PI.
“Sa Con-Ass, Kongreso ang mismong magtitipon para mag-propose ng pagbabago sa Saligang Batas. Ibig sabihin, mga senador at congressmen ang mismong gagawa ng proposal.
“Sa Con-Con naman, pipili ng representatives o delegates mula sa taumbayan, na siyang bubuo ng grupo at magpo-propose ng babaguhin sa Konstitusyon.
“Kasama sa Con-Con ang kinatawan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan- gaya ng academe, economists, business, labor, urban poor, farmers and fisherfolk, at indigenous peoples.
“Sa parehong Con-Ass at Con-Con, pagkatapos gumawa ng proposal ay magkakaroon ng national plebiscite, kung saan pagbobotohan ng taumbayan kung sang-ayon ba tayo sa mga gusto nilang baguhin sa Saligang Batas.
Samantala, ang People’s Initiative (PI), ayon pa rin kay Atty. Diokno, “ay paraan para mag-propose ng pagbabago sa 1987 Constitution pero hindi ito basta-basta puwedeng gawin dahil may mga limitasyon.
“Una, ayon sa Constitution, Congress shall provide for the implementation of the exercise of this right. Ibig sabihin, kailangan munang gumawa ng batas ang Kongreso na naglalatag kung paano ito i-implement. At hanggang wala ito, hindi magagawa ang People’s Initiative.
“Pangalawang limitasyon, ang mga amendments o simpleng pagbabago ng 1987 Constitution ang sakop ng People’s Initiative. Hindi puwedeng i-revise ang istruktura ng gobyerno o ang kapangyarihan ng mga sangay nito.”
Layunin ng pag-amyenda sa Saligang Batas
May iba’t ibang layunin kung bakit kakailanganin ang pag-amyenda sa Saligang Batas. Maaaring layunin ng Charter Change ang pag-aayos o pagbabago sa mga probisyong nakasaad sa Saligang Batas na hindi na naaangkop o hindi na epektibo sa kasalukuyang panahon. Puwede ring gawin ito upang magpahintulot ng mga reporma gaya ng sistema ng pamahalaan, pagbabago sa mga proseso ng eleksyon, o pagsasaayos ng mga economic provisions na may kaugnayan sa patakaran sa pag-aari ng mga dayuhang negosyante.
Sa pinaplanong Cha-Cha ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas, isinusulong umano nito ang mga economic provisions upang maging kaakit-akit sa mga dayuhang negosyante ang mamuhunan sa Pilipinas. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran
(May karugtong)