LUBOS na ikinatuwa ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang balita na nagsimula nang matanggap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa nabangkaroteng Saudi Arabian construction companies ang kanilang kompensasyon.
Ayon kay President Bongbong Marcos, may kabuuang 1,104 indemnity cheques mula sa Alinma Bank na nagkakahalaga ng P868,740,544 ang naproseso na ng Overseas Filipino Bank at Land Bank. Sa nasabing bilang, 843 na ang naayos at naibigay sa kinauukulang OFWs.
Taong 2015 at 2016 ng ma-terminate sa trabaho ang 10,544 na OFW sa Saudi Arabia.
“Bilang Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, lubos ang aking kasiyahan dahil matapos ang halos siyam na taon na paghihintay ng ating mga Saudi OFW ay makukuha na nila ang kanilang insurance claims.
“Ito ay bilang pagtupad sa pangako ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman na babayaran ng kanilang gobyerno ang ating mga OFW,” saad niya.
Labis naman ang pasasalamat ni Sen. Idol kay PBBM sa kanyang dedikasyon sa pagtulong at pagtutok sa kapakanan ng mga tinagurian nating mga makabagong bayani — ang ating mga OFW. Gayundin ang pasasalamat ni Sen. Tulfo kay Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman dahil sa pagtupad sa kanyang pangako.