IPINAABOT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon, Pebrero 7 ang P265 milyong halaga ng tulong pinansyal sa Rehiyon ng Davao para sa mga residenteng naapektuhan ng shear line at low-pressure area.
Ang tulong pinansyal ay bukod pa sa emergency fund transfer na ibinigay ng gobyerno sa mga apektadong pamilya sa rehiyon.
“I released the P265 million to make sure that the response is immediate and maramdaman agad ng tao na mayroon silang tulong, maramdaman nilang – mayroon silang gagamitin sa pangangailangan nila,” sabi ni Pangulong Marcos.
Samantala, nagsagawa din ng aerial inspection si Pangulong Marcos Jr. sa Barangay Masara sa Maco, Davao de Oro kahapon. Ito’y kasunod ng pagguho ng lupa sa lugar kahapon, dulot ng shear line at low pressure area sa Davao Region.
Sa isang situation briefing sa Davao City, nagbigay si Pangulong Marcos Jr. ng direktiba sa mga ahensya na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong lugar upang matugunan ang pagbabaha.
Iniutos din ni PBBM ang pagbibigay-prayoridad sa pagsasaayos ng mahalagang imprastraktura, pagpapatupad sa flood-control projects, at pagpapabuti ng mga inisyatiba para sa disaster resilience at climate adaptation.
Sanib-pwersa ang buong pamahalaan sa paghahatid ng agarang tulong sa Davao Region pagkatapos ng pananalanta ng shear line at trough ng low-pressure area (LPA).
Narito ang suportang naibigay ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang Department of Agriculture, Department of Education, Philippine Coast Guard, Department of Human Settlements and Urban Development, at Office of the President:
Teksto at mga larawan at graphic mula sa Presidentila Communications Office