NAGBIGAY ng kanyang opening statement si Senador Hontiveros sa pagdinig ng grabeng ilegal na recruitment sa Italy na pinamunuan ni Chairman Senador Raffy Tulfo noong Pebrero 78, 2024.
Ani Hontiveros, “Gusto kong magpasalamat kay Chair Raffy sa pagbubukas ng usaping ito dito sa komite, hindi lang para mapunan ang pagkukulang sa ating mga batas at polisiya, kundi matulungan ang mga kababayan nating nabiktima ng mga scam na ito.
“Ako po ay naghain ng resolusyon together with Sen. Raffy, upang bigyan tulong na marinig ang kanilang reklamo, kasama natin ang ilan sa grupo ng Alpha 400. Masaya ako sa desisyon nilang maghain ng pormal na kaso para makamit sa lalong mabilis na paraan ang hustisya.
“Masakit pong umasa sa wala. At lalong masakit na ang perang pinaghirapang kitain o ipinangutang pa nga, para sana mag-apply at makapagtrabaho sa ibang bansa, ay mawala na lang na parang bula. Ganyan po ang nangyari sa mga nabiktima nitong consultancy firm na Alpha Assistenza SRL. Pinangakuan sila ng work permit visa, ng pagkakataong makapaghanapbuhay sa Italya, pero mukhang pinagkakitaan at sinamantala lang ang kanilang pangarap na magkaroon ng magandang buhay.
“Hindi po ito ang unang pagkakataon na narinig natin ang ganitong klaseng kwento. Sa aming komite sa Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, ilang beses na ring naging highlight ang human trafficking at illegal recruitment sa mga pagdinig. At kung titingnan, pare-pareho ang diskarte ng mga manlolokong ito. Ginogoyo ang mga biktima na may lehitimo umanong trabaho, pero malalamang hindi pala ito totoo. Itigil na natin ang mga ganitong pang-aabuso sa mga kapwa natin Pilipino.
“Kahirapan at kawalan ng magandang oportunidad ang nagtutulak sa kanila para makipagsapalaran sa ibang bansa. Karamihan sa kanila ay nangutang at nagbenta ng mga ari-arian para makalipad. Kaya’t wag nating hayaan na lalo silang maghirap at mawalan ng pag-asa dahil sa mga scam na gaya nito.
Marami pa tayong dapat trabahuin para sa kapakanan at proteksyon ng mga OFWs. But one thing is for sure, we must put an end to illegal recruitment, as the chairman said, to ensure that no Filipino is ever again victimized, that no one’s hard-earned money is wasted, and that no one’s aspirations are stolen.