26.8 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Pinag-usapan namin ang kamatayan

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikaapat na Martes

(Salin ng Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

“Magsimula tayo sa ideyang ito,” sabi ni Morrie. “Alam ng lahat ng tao na mamamatay sila, pero wala namang naniniwala rito.”

Parang sa negosyante ang mood niya noong Martes na iyon. Pinag-uusapan namin ang kamatayan, ang unang isyu na nasa aking listahan. Bago pa ako dumating, nagsulat na si Morrie ng ilang mga pangungusap sa isang maliit at puting papel para hindi niya ito makalimutan. Halos hindi na mabasa nang sinupaman ang nanginginig niyang sulat-kamay; siya na lamang ang nakababasa nito. Halos Labor Day na, at mula sa bintana ng opisina’y nakikita ko ang mga berdeng dahon sa bakuran at naririnig ko ang sigawan ng mga batang naglalaro sa may unahan ng kalye, ang hulng linggo nila ng kalayaan bago magsimula ang pasukan sa eskwelahan.

Sa Detroit, naghahanda na ng isang malaking holiday demonstration ang mga nagwewelga para ipakita ang pagkakaisa ng mga unyon laban sa management. Sa eroplanong papunta kina Morrie, nabasa ko sa dyaryo ang tungkol sa isang babaeng binaril ang kanyang natutulog na asawa at dalawang anak na babae, para protektahan sila sa “mga masasamang tao.” Sa California, ang mga abogado sa hukom ni O.J. Simpson ay nagiging sikat nang celebrities.


Dito naman sa library ni Morrie, nagpatuloy ang pagdaloy ng buhay, isang mahalagang araw na nasusundan pa ng isa. Ngayo’y magkatabi kaming nakaupo, ilang talampakan lamang mula sa pinakabagong dagdag sa bahay niya: isang makina ng oxygen. Maliit lang ito at puwedeng dalhin maski saan, sing-taas ng aking tuhod. Sa ilang mga gabi, kapag hindi siya makakuha ng sapat na hangin para lunukin, ikinakabit ni Morrie ang mahabang plastik na tubo sa kanyang ilong, idiniriin ito sa mga butas ng kanyang ilong na parang linta. Ayaw kong makita si Morrie na nakakabit sa kahit anupamang makina, at sinikap kong iwasan na tumingin sa kanya habang nagsasalita siya.

“Alam naman ng lahat ng tao na mamamatay sila,” inulit niyang muli, “pero walang naniniwala rito. Kung naniniwala lang tayo rito, gagawin natin ang mga bagay-bagay sa ibang paraan.”

“So niloloko natin ang ating mga sarili tungkol sa kamatayan,” sabi ko.

“Oo. Pero may mas magandang paraan. Ang alamin na ika’y mamamatay, at ang maghanda para rito sa anumang oras. Mas maganda ‘yan. Sa ganitong paraan, mas mararamdaman mo ang iyong buhay habang nabubuhay ka pa.”

- Advertisement -

Paano ka nga ba makapaghahanda para sa kamatayan?

“Gawin mo ang ginagawa ng mga Buddhista. Araw-araw, may isang maliit na ibon sa iyong balikat na nagtatanong, ‘Ngayon na ba ang araw na iyon? Handa na ba ako? Ginagawa ko ba ang lahat na dapat kong gawin? Nagiging ako ba ang taong gusto kong maging?”

Tumingin siya sa kanyang balikat na para bang naroon ang naturang ibon.

“Ngayon na ba ang araw na mamamatay ako?” sabi niya.

Malayang humiram si Morrie sa lahat ng mga relihiyon. Ipinanganak siyang Hudyo, pero naging agnostiko nang siyang teen-ager na, dahil na rin marahil sa lahat ng mga nangyari sa kanya noong bata pa siya. Natuwa siya sa ilang mga pilosopiya ng Buddhismo at Kristiyanidad, at isa pa ring tahanan para sa kanya, sa aspektong pang-kultura, ang Judaismo. Naging mas bukas pa siya sa mga estudyanteng tinuruan niya ng maraming mga taon. At ang mga bagay na sinasabi niya sa mga huling buwan ng kanyang buhay ay lumalagpas pa sa lahat ng pagkakaiba ng mga relihiyon. Ginagawa ‘yan ng kamatayan.

“Ang totoo, Mitch,” sabi niya, “kapag natutunan mo na kung paano mamatay, matututunan mo na kung paano mabuhay.”

- Advertisement -

Tumango ako.

“Sasabihin ko uli ito,” sabi niya. “Kapag natutunan mo na kung paano mamatay, matututunan mo na kung paano mabuhay.” Ngumiti siya, at naintindihan ko kung ano ang kanyang ginagawa. Sinisigurado niyang naiintindihan ko ang puntong ito, na hindi ako hinihiya dahil hindi naman ako ang tinatanong niya. Isa ito sa mga dahilan kung bakit magaling siyang titser.

“Madalas ka bang mag-isip tungkol sa kamatayan bago ka nagkasakit?” tanong ko.

“Hindi.” Ngumiti si Morrie. “Katulad din ako ng iba pang mga tao. Minsa’y sinabi ko sa isa kong kaibigan, sa isang sandali ng pagmamalaki, ‘Ako ang magiging pinaka-malusog na matandang lalaking makikilala mo!’”

“Ilang taon ka noon?”

“Mga lagpas ng animnapu.”

“Optimistiko ka noon?”

“Bakit naman hindi? Tulad nga ng sinabi ko na, wala namang naniniwala na sila’y mamamatay.”

“Pero lahat naman tayo’y may kilala nang namatay,” sabi ko. “Bakit mahirap isipin ang kamatayan?”

“Dahil,” pagpapatuloy ni Morrie, “lahat tayo’y naglalakad nang para tayong natutulog. Hindi natin dinaranas nang buong-buo ang mundo, dahil ang kalahati nati’y natutulog, ginagawa ang mga bagay na awtomatikong naiisip nating kailangan nating gawin.”

“At babaguhin ng kamatayan ang lahat ng mga ito?”

“Oo. Tatanggalin mo ang lahat ng mga bagay na ‘yan at tututukan mo na lamang ang mahalaga. Kapag nalaman mong mamamatay ka rin, titingnan mo na nang iba ang lahat ng mga bagay.”

Napabuntong-hininga siya. “Kapag natuto ka na kung paano mamatay, matututo ka na kung paano mabuhay.”

Napansin ko na nanginginig na siya ngayon kapag iginagalaw niya ang kanyang mga kamay. Nakasabit ang kanyang salamin sa kanyang leeg, at kapag itinataas niya ang mga ito papunta sa kanyang mga mata, nadudulas ito sa tabi ng kanyang ulo, na para bang isinusuot niya ito sa ibang tao sa dilim. Inabot ko ito para isabit sa likod ng kanyang mga tenga.

“Salamat,” bulong ni Morrie. Napangiti siya nang humaplos ang aking kamay sa tabi ng kanyang ulo. Nagbibigay sa kanya ng kaligayahan kahit ang pinaka-pahapyaw na kontak sa isa pang tao.

“Mitch, may sasabihin ako sa iyo?”

“Okay,” sabi ko.

“Baka hindi mo ito magustuhan.”

“Bakit naman hindi?”

“Well, sa totoo lang, kapag nakinig ka lang sa ibon sa iyong balikat, kung matatanggap mo lang na maaari kang mamatay anumang oras — baka hindi ka na maging sing-ambisyoso nang tulad mo ngayon.”

Napilitan akong ngumiti.

“Ang mga bagay na pinagkakaabalahan mo — ang lahat ng mga trabahong ginagawa mo — ay hindi na magiging ganoon kahalaga. Baka kailangan mong bigyan ng puwang ang ilang mga espiritwal na mga bagay.”

“Espiritwal na mga bagay?”

“Ayaw mo ng salitang yan, hindi ba? ‘Espiritwal.’ Ang tingin mo rito’y mga bagay na haplos-ramdam lamang.”

“Well,” sabi ko.

Pinilit niyang kumindat, kahit nahihirapan siya, at natawa na lang ako.

“Mitch,” sabi niya na nakatawa na rin, “kahit nga ako’y hindi rin alam kung ano ang talagang ibig sabihin ng ‘espirituwal na pagyabong.’ Pero alam kong may kakulangan tayo sa ibang mga bagay. Masyado tayong nakatutok sa mga bagay na materyal, at hindi naman talaga tayo pinaliligaya nito. Ang mga relasyong mapagmahal na mayroon tayo, ang unibersong nakapaligid sa atin, hindi natin ito masyadong pinapansin.”

Napatangin siya sa bintana kung saan pumapasok ang sinag ng araw. “Nakikita mo ba ‘yan? Puwede kang lumabas doon, maski na anumang oras. Puwede kang tumakbo pataas at pababa ng bloke at magwala sa tuwa. Hindi ko na ‘yan puwede pang gawin. Hindi na ako makalabas. Hindi na ako makatakbo. Hindi na ako puwedeng lumabas nang hindi natatakot na baka ako magkasakit. Pero alam mo ba? Binibigyan ko ng halaga ang bintanang ‘yan kaysa sa pagpapahalagang ibinibigay mo.”

“Binibigyang halaga?”

“Oo. Tumitingin ako sa labas ng bintana araw-araw. Napapansin ko ang pagbabago ng mga puno, kung gaano kalakas ang pag-ihip ng hangin. Para bang nakikita ko mismo ang pagdaan ng oras sa salamin ng bintanang ‘yan. Dahil alam kong ang oras ko ay malapit nang maubos, napapalapit ako sa kalikasan na para bang nakikita ko lang ito ngayon, sa unang pagkakataon.”

Tumigil siya, at sandali kaming sabay na tumingin sa labas ng bintana. Pinilit kong tingnan ang kanyang nakita. Pinilit kong tingnan ang oras at ang panahon, ang buhay kong dumaraan nang marahang-marahan. Ibinaba ni Morrie nang konti ang kanyang ulo at ipinaling ito sa bandang balikat niya.

“Ngayon na ba, munting ibon?” tanong niya. “Ngayon na ba?”

***

Patuloy na dumating kay Morrie ang mga sulat mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, dahil sa kanyang paglabas sa show na “Nightline.” Kapag gusto niya, uupo siya at ididikta ang mga sagot sa kanyang mga kaibigan o miyembro ng pamilya na nakapaligid sa kanya para sa sesyon nang pagsagot sa mga sulat.

Isang Linggo, ang ang mga anak niyang lalaki na sina Rob at Jon ay nasa bahay. Pumalibot ang mga ito sa kanya sa sala. Nakaupo si Morrie sa wheelchair, nababalutan ng blanket ang mapayat nang mga binti. Kapag giniginaw siya, nilalagyan siya ng isang nylon na blanket sa balikat ng isa niyang kasambahay.

“Ano ang laman ng unang sulat?” sabi ni Morrie.

Binasa ng isa ring propesor ang sulat mula sa isang babaeng nagngangalang Nancy, na namatayan ng nanay dahil sa ALS. Sumulat siya para sabihin na nagdusa siya ng husto dahil sa pagkawala ng kanyang nanay at para sabihing alam niya kung paano rin nagdurusa si Morrie.

“Okay,” sabi ni Morrie nang pagkatapos basahin ang sulat. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. “Magsimula tayo sa pagsasabing ‘Mahal na Nancy, nadama ko ang iyong kuwento tungkol sa iyong nanay. At naiintindihan ko kung ano ang iyong pinagdaanan. May kalungkutan at pagdurusa sa dalawang bahagi. Nakabuti ang pagdadalamhati sa akin, at inaasahan kong sana’y nakabuti rin ito sa iyo.”

“Baka gusto po ninyong palitan ang huling linya,” sabi ni Rob.

Nag-isip si Morrie nang ilang segundo, pagkatapos ay nagsabi, “Tama ka. Ito na lang kaya? ‘Inaasahan kong mahahanap mo ang kapangyarihan ng paggaling mula sa iyong pagdadalamhati.” Mas maganda ba ‘yan?”

Tumango si Rob.

“Dagdagan mo ng ‘Salamat, Morrie,’” sabi ni Morrie.

Ang isa pang sulat na binasa’y galing sa isang babaeng nagngangalang Jane, na nagpapasalamat sa kanya para sa inspirasyong ibinigay niya sa paglabas sa programang “Nightline”. Tinawag niya si Morrie na isang propeta.

“Masyadong mataas ang pagkilalang ‘yan,” sabi ng isang kasamahan ni Morrie sa trabaho. “Isang propeta.”

Ngumiwi si Morrie. Halatang hindi siya aprubado sa pagtingin ng babae. “Pasalamatan natin siya sa kanyang mataas na pagkilala sa akin. At sabihin mo rin na natutuwa ako na ang mga salita ko’y may ibig sabihin para sa kanya.”

“At huwag mong kalimutang idagdag ang “Salamat, Morrie.’”

May isang sulat galling sa isang lalaki sa England na namatayan ng nanay at hiniling niya kay Morrie na kontakin ito sa kabilang buhay. May isang sulat mula sa mag-asawa na gustong magmaneho papuntang Boston para makilala siya. May isang mahabang sulat galling sa isang dating graduate student niya na nagsulat tungkol sa buhay niya pagkatapos ng unibersidad. Ikinuwento niya ang isang murder-suicide at tatlong batang patay na nang iniluwal. Laman din nito ang kuwento ng kanyang nanay na namatay mula sa ALS. Nagkuwento rin ito ng takot na siya, ang anak na babae, ay magkakaroon din ng ganitong sakit. Nagpatuloy pa nang nagpatuloy ang sulat. Dalawang pahina. Tatlong pahina. Apat na pahina.

Nakinig lang si Morrie sa mahaba at nakaririmarim na kuwento. Nang matapos na ito sa wakas, mahina niyang sinabi, “Well, ano ang ating isasagot dito?”

Tahimik lang ang grupo. Sa wakas ay nagsalita si Rob, “Bakit hindi natin sabihing, ‘Salamat sa iyong mahabang sulat?’”

Tumawa ang lahat. Tumingin si Morrie sa kanyang anak at nagliwanag ang kanyang mukha.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -