27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Ano ang peer review sa Asean at ano ang maitutulong nito sa pag-iwas sa krisis pang-ekonomiya?

TINGIN SA EKNOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG peer review ay itinatag ng Asean para maiwasan ang krisis pang-ekonomiya sa Asean. Itinayo ito pagkatapos ng Asian crisis na nagpahirap sa mga bansa sa Asya. Bago nito, ang Asean at mga kapitbansa nito sa East Asia ang may pinakamataas na paglago sa mga ekonomiya sa buong mundo.

Nagsimula ang Asian crisis sa Thailand ng Hulyo 1997. Biglang bumulusok ang  halaga ng Thai baht dahil sa matinding krisis sa  balance of payments. Mataas ang utang panlabas ng Thailand na di kayang tustusan ng kaniyang exports. Nagkaroon ng capital flight at dahil dito’y lahat ng nagpapautang sa mga Asian countries ay muling tumingin sa lahat ng bansang nasa paligid. Binawasan ng mga lenders at investors ang daloy ng pautang at puhunan kaya lumala ang kalugihan ng mga negosyo.  Gumulong ang tinatawag nilang contagion mula sa krisis sa Asean at sa mga newly industrialized countries ng Asia. Pinakamalakas ang epekto ng krisis sa South Korea, Indonesia at Thailand.  Naapektuhan din ang Hong Kong, Laos, Malaysia at Pilipinas. Hindi masyado ang epekto sa Tsina, Japan, Singapore, Taiwan, at Vietnam  pero ang lahat ay nakaranas ng pag-devalue ng currency at pagbaba ng kumpiyansa sa pamumuhunan. Lahat ng bansa sa Asya ay nagtaas ng interest rates at nagtipid sa badyet. Para matustusan ang budget deficit, tatlong bansa (di kasali ang Pilipinas) ay umutang ng $40 bilyon sa International Monetary Fund (IMF) at $7.8 bilyon sa Asian Development Bank (ADB) upang mabayaran ang mga utang na nag-mature at ang lumalabas na puhunan at maibalik ang stability ng mga currencies. Lahat ng bansa ay nagtaas ng interest rates, nagbawas ng budget deficit, nag-postpone ng mga proyekto at nagtipid. Noong 1997 at 1998, lumagapak ang mga ekonomiya ng Asya nang 7.8 porsiyento. (Table)  Dahil mabilis ang implementasyon ng reporma, noong gitna ng 1998, bumaba na ang interest rates at noong 1999, nagsimula nang lumago ulit ang mga ekonomiya sa Asya.

Ano ang mga natutunan ng Asean+3 sa krisis na ito?

Una, kailangan ng regional cooperation para masugpo ang espekulasyon at maling palisiya dahil ang contagion ay walang pinipili. Gumugulong ang krisis at kasama ang mga bansang nasa paligid na noong una ay di kasali sa krisis. Nagkaroon ng kasunduan ang mga ASEAN+3 countries na isakatuparan ng repormang pang-ekonomiya para hindi na ito maulit. Nagtatag ng peer review ang ASEAN+3 kabilang ang sampung bansa sa ASEAN kasama ang Japan, China at South Korea. Itinayo nila ang ASEAN+3 Macroeconomic Research Office (AMRO) para itaguyod ito.  Layon ng peer review na pag-aralan ng mga mga economic developments, mag-identify ng early warning indicators at magmasid sa mga kaganapan sa lahat nang ekonomiya para di na muling mangyari ang krisis na gaya nito. Nagrekomenda sila ng repormang pang-ekonomiya para masugpo ang krisis bago ito magsimula.

Ikalawa, pinalawig ng Asean+3 ang Chiangmai Initiative (CMI), ang unang rehiyonal na currency swap agreement na inilunsad ng Asean+3 countries noong Mayo 2000 sa miting ng Asian Development Bank (ADB). Layon ng CMI na i-address ang mga short-term liquidity difficulties sa rehiyon at dagdagan ang financial arrangements na magagamit ng mga miyembro.


SA halip na bilateral o dalawang bansa lang ang kasali, ito’y naging multilateral o pangkalahatan sa mga miyembro kaya naging CMIM o Chiangmai Initiative Multilateralization.  Ang CMIM ay pinirmahan noong 2009 at inilunsad noong 2010. Tinataya ng Bloomberg na ang mga miyembro ng CMIM ay may international reserves na $4.1 trilyon noong 2009 na puedeng  gamitin sa pagsugpo ng anumang espekulasyon laban sa mga currencies ng mga miyembro.

Ikatlo, dahil ang krisis ay nagsimula sa labis na pangungutang at pamumuhunan ng mga bangko at negosyo, inayos ng mga bansa ang kanilang banking regulations para maging gabay sa mga desisyon ng mga bangko sa pangungutang at pagpapautang. Inayos ang accounting system para mailibro kaagad ang tunay na halaga ng kanilang mga financial assets at nag-require ang mga bangko sentral na magtayo ng mga allowances para sa credit losses.  Nagpatibay ang mga central banks sa rehiyon ng bagong financial ratios gaya ng ratio of nonperforming loans to total loans, ceiling on real estate loans, net open foreign exchange position, liquidity coverage ratio, atbp. Nagtalaga ang mga bangko sentral  ng mga patakaran para hindi gamitin ng bangko sa long-term investments ang short-term na pondo at hindi magkaroon ng liquidity mismatch. Ang liquidity mismatch o hindi pagtugma ng foreign exchange assets at foreign exchange liabilities ang kadalasang simula ng suliranin sa bangko. Nagsagawa din ng bank stress test ng mga bangko para malaman kung gaano ang kapasidad ng financial system na salubungin ang volatility ng capital flows at espekulasyon ng mga players sa sistema. Pag naayos na ang banking rules, maaari nang mag-liberalize ng capital accounts. Ang ibig sabihin nito’y puwede nang payagan ang mas liberal na pangungutang at pagpasok ng puhunan.

Ikaapat, dahil sa maling polisiyang pang-ekonomiya  nagsisimula ang krisis, nagrekomenda ang Asean+3 ng pag-ayos ng kanilang macroeconomic fundamentals, gaya ng:

  1. Pagbawas sa deposit sa badyet at current account para di malagay sa alanganin pag nagsimulang humina ang mga ekonomiya ng mundo. Sa badyet, ang ibig sabihin nito ay magbawas ng gastusin at magdagdag ng revenues. Sa current account naman, babawasan ang pangungutang sa labas ng bansa at pagtanggap ng foreign placements lalo na ang hot money o mga perang mabilis umalis pag nagkaroon ng suliranin. Kailangang mabilis ang mga bangko sentral sa pagtaas ng interest rates para masugpo ang overinvestment na siyang nagsimula ng krisis.
  2. Pag-iipon ng sapat na international reserves na maaaring dukutin pag panahon ng taghirap. Umabot ng hanggang 15 buwan ang international reserves ng Asean+3 pakatapos ng Asian crisis samantalang sinasabing 2-3 buwan ay sapat na para maiwasan ang krisis.
  3. Payagang gumalaw nang mas liberal ang exchange rate at interest rates. Kapag tumataas ang importasyon at pamumuhunan, naga-adjust nang mas mabilis ang exchange rate at awtomatikong nababawasan ang importasyon at pamumuhunan.
  4. Palawigin ang domestic capital markets para di masyadong umaasa sa external debt at external investment. Pag may sarili kang pondo na hindi naman basta-basta lilipat sa kabilang bansa, mas matatag ang iyong finances at di ka masyadong maapektuhan ng krisis sa labas ng bansa.

 

- Advertisement -
ASIAN ECONOMIES NOONG ASIAN CRISIS
GDP growth, in %
1996 1997 1998 1999
Thailand          5.9           (1.7)       (10.2)          4.2
South Korea          7.1            5.5         (6.7)        10.7
Indonesia          8.2            1.9       (14.2)          2.0
Philippines          5.8            5.2         (0.6)          3.1
Malaysia        10.0            7.3         (7.4)          6.1
AVERAGE          7.4            3.6         (7.8)          5.2
Source: World Bank

 

Mga bansang naapektuhan ng Asian crisis

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -