DUMALO ako sa paglulunsad ng ikapitong isyu ng Santelmo, isang napapanahong dyornal na pampanitikan na inilalathala ng San Anselmo Press. Idinaos ito sa Blue Rocket Café sa may Scout area sa Quezon City at dinaluhan ni Virgilio Almario, ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, kasama sina Krip Yuson, Marne Kilates, Dr. Joti Tabula, at Dr Alice Sun-Cua. Nandoon din ang mag-asawang Atty Marvin Aceron at Celeste Lecaroz, ang mga publisher ng naturang journal.
‘Liwanag sa Dilim’ ang tagline ng Santelmo. Kung matatandaan, ang ‘santelmo’ ay tumutukoy sa ‘St. Elmo’s fire.’ Pinaniniwalaang ang santelmo ay isang espiritung nasa anyo ng isang ‘bola ng apoy.’ Sinasabing ito ay ‘mga kaluluwa ng taong namatay malapit sa ilog, lawa, karagatan, habang umuulan, at bumabalik sila upang maghiganti sa kanyang kalaban o kaya naman ay humingi ng hustisya.’ Nilalayon ng naturang literary journal na magsilbing ‘liwanag sa dilim’ sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng ating lipunan.
Ang ikapitong isyu ng Santelmo ay pumapaksa sa mga akdang may kinalaman sa kalusugan, kagalingan, at panitikan: ang Health, Wellness, at Literature. Siyempre, naanyayahan ang maraming manggagamot na manunulat din na magpadala ng kani-kanilang akda. Espesyal na paksa ang tungkol sa Health and Wellness kaya talaga namang ibinahagi ng mga manggagamot ang kanilang kakaibang karanasan sa pasyente, sa loob man o labas ng klinika o ospital. Pero hindi naman puro mediko lamang ang kasali sa tomong ito.
Tuwing ikatlong buwan lumalabas ang naturang journal. Noong Hunyo 2023, naglabas sila ng ‘The Justice Issue’ kung saan ang nasa cover ay si dating Senador Leila De Lima. Sa ikapitong isyu ng Santelmo, naglaan muli ng pahina para sa kanya: ‘An Afternoon with Sen. Leila M. De Lima.’ Dito niya ibinahagi ang mahalagang papel na ginampanan ng pagsusulat habang siya’y naka-detain: ‘Writing became my lifeline. I wrote to the world so that the world will not forget about me lest I become an overlooked footnote in the history of those unjustly incarcerated.’
Ang naging patnugot ng Health and Wellness issue ay isang manggagamot din – si Dr Joti Tabula – na isang internist at makata. Matatandaang si Dr Tabula rin ang nanguna sa pagtatayo (at Founding President) ng Philippine Society for Literature and Narrative Medicine (PSLNM) na naglalayong tipunin sa isang samahan ang mga doktor na manunulat. Ginabayan siya ng kanyang mentor na si Dr. Marjorie Evasco ng De La Salle University. Nagkaroon din muna ng pagsasanay o workshop sa pagsulat ng creative non-fiction ang mga manggagamot na nahalina sa pagsusulat.
Karapatdapat papurihan ang pagtatangkang ito ng isang baguhang publisher na isulong sa pamamagitan ng prosa at tula ang mga napapanahong isyu. Nang makausap ko si Atty Marvin Aceron, ang publisher ng San Anselmo Press, binanggit niya na siya man ay sumusulat din ng tula. Na-inspire daw siya sa halimbawa ni Almario na nagsusulat ng isang tula bawat araw. Naging kabahagi raw siya ng mga palihang isinagawa ni Almario noong dekada 90. At kahit pa ang tinahak niyang karera ay tungkol sa Batas, hindi pa rin siya sinukuan ng musa ng pagtula. Naging santuwaryo nga raw niya nag pagtula at kalauna’y tinawag niya itong ‘Wellness Therapy.’ Bawat araw, pinipilit niyang humabi ng isang tula o isang akda. “Minsan, pakiwari ko’y parang mauubusan na ako ng papaksain sa pagtula, pero lagi’t laging may darating na inspirasyon sa akin.”
Nang alukin daw siya na magkaroon ng isang isyu na ang tampok ay ‘Health and Wellness,’ hindi na siya nagdalawang-isip pa bilang publisher. Si Atty Aceron na rin ang nagsabi na bahagi ng kanyang paglalakbay ang makasulat ng akda na nagsisilbing therapy o lunas, di lamang sa mga mambabasa kundi maging sa manunulat din. May isang dula pa nga raw siyang nalikha na nasa anyong berso.
Kagaya ng ibang literary journals, naglalaman din ang Santelmo ng mga essays/sanaysay, stories, mga tula/poems, dagli, book review. May dalawang keynote din na nakabilang sa isyung ito: ang talumpating pagtanggap ng inyong lingkod sa ibinigay na Gawad Dangal ng Lahi ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong Nobyembre 2023, at ang keynote na ibinigay ni R. Torres Pandan sa ‘Doctor’s Night’ ng The Bacolod Doctors’ Hospital sa paanyaya nina Dr. Rafael Jocson at Dr. Jose Pandan. Bahagi ng binanggit ni Torres Pandan ay ito: “doctors are in that unique space as storytellers. You have extraordinary stories of life and death to tell. During the Covid pandemic, doctors and other medical practitioners were at the center of the action. Why would you leave it up to novelists and poets to write about that epochal period of human history.’
Sa sanaysay na pinamagatang ‘The Salve that Soothes: How Literature Nurtures Empathy in Medicine,’ binanggit ng Palanca award-winning hematologist-oncologist na si Dr. Noel Pinoy na ‘it is the physician’s duty to recognize that what he says to a patient matters a lot, and it is a choice between allowing words to come across as scalpels that pierce and hurt or as salves that comfort and soothe.’
Mula naman sa National Book Awardee na si Dr. Wilfredo Liangco, isang oncologist na nakapaglathala ng isang libro ng mga sanaysay – ang Even Ducks Get Liver Cancer and Other Medical Misadventures, isang heartwarming essay ang kanyang isinulat sa ‘Come back, Marcus.’ May kakambal pa itong isang sanaysay, pinamagatang ‘Innocent,’ tungkol sa pasyente niyang si Vanessa Mae na namayapa sa metastatic breast cancer. Winakasan niya ito ng mga linyang aantig sa puso, “But I think there’s still value when patients get to hear this difficult truth from their doctors. That we’ve taken this as far as we can, and we need to lay down our arms. That the physical body, with its multitudes of imperfections, can only suffer so much. That it’s time.”
Ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario, sa kanyang sanaysay na ‘Bantayog sa mga Martir ng Pandemya,’ ay nagbigay-pugay sa mga manggagamot na nasawi sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19. May isang linyang sinabi niya ang umagaw ng aking pansin, “mapapansin na bukod kay Rizal ay wala tayong pambansang bantayog para sa doktor at alagad ng agham. Puro mga politiko at militar ang mga nakatindig sa plasa.”
Saksihan sa ‘The Unbearable Moment’ ni Dr Alice Sun-Cua, isang obstetrician, ang hiwaga ng pagsilang ng isang sanggol. Matutunghayan din sa isyu na ito ang iba pang mga sanaysay, tula, at kuwento ng iba pang doktor-manunulat gaya nina Drs. Rocky Lim, Elvie Victonette Razon-Gonzalez, Ella Mae Masamayor, Korina Ada Tanyu, Kenneth Samala, at Michaela Ann Gonzales-Montalbo. Samantala, isang book review ng aklat na ‘Bloodred Butterflies’ ni Jim Pascual Agustin ang ibinahagi ng mahusay na journalist na si Joel Pablo Salud.
May bahagi rin ng journal na nagbigay-pugay sa dalawang mahuhusay na journalists na namayapa na: sina Conrado de Quiroz (sinulat ni Celina Cristobal) at Rina Jimenez-David.
Kay ganda rin ng pabalat ng Santelmo 7. Ito’y likhang sining ni Jon Altomonte kung saan ay ipinakita niya ang pag-iisang dibdib nina Binaye, ang babaeng espiritu na nangangalaga sa mga inaning palay, at Bulungabon, ang espiritong nangangasiwa sa ‘peace and order’ sa komunidad. Ito’y hango mula sa isang mito ng mga Mangyan. Nandoon din ang kapatid ni Jon Altomonte na si Emily Altomonte Abrera, dating presidente/CEO ng McCann Erickson Philippines, upang sumuporta sa naganap na paglulunsad ng literary journal.
Noong nakaraang pandemya, madalas nating marinig ang salitang ‘intubation’ kung saan ay nilalagyan ng tubo papasok sa trachea ang pasyente upang alalayang huminga. Ito rin ang naging pamagat ng tula ng naging editor ng isyung ito na si Doc Joti Tabula:
Ganito ko/pinagagaan/ang paghinga mo.
Pinatatango ko/ang katigasan/ng iyong ulo.
Isinasantabi ko/ang katabilan/ng iyong dila.
Pinaliliwanag ko/ang lihim na dilim/ng iyong ngalangala.
Inaasinta ko/ang tubong plastic/sa iyong hikaing trakeya.
Sa paglalagak ko ng tubo/madali ko ring matatanggal/ang plema ng iyong pulmonya.