BAGAMAN pinagsama na sa isang pitak ang “Ang Liwanag” at “Talaga,” tuloy pa rin ang kuwentong agham tuwing huling Lunes ng buwan. At bakit hindi? Biyaya ng Diyos ang siyensiyang bunga ng isipan at nagbubunsod ng karunungan.
Pero siyempre, gaya ng anumang kaloob ng Maykapal, puwedeng gamitin para sa mabuti o masama ang mga tuklas at teknolohiyang gawa ng siyentipiko at enhinyero. Ang kaalamang atomika, halimbawa, puwedeng gamiting upang lumikha ng koryenteng magliliwanag — o bombang gugunaw — sa mundo.
Sa sanaysay na ito, marahil hindi naman magbubunga ng masama ang mga tatalakaying tuklas ng agham: ang paggamit ng bakterya at kabibi upang bawasan ang “plastic pollution,” ang pag-uumapaw sa tubig at lupa ng mga supot, kasangkapan, at mga napakamunting plastic o “microplastic” na di-nabubulok at nagiging dumi sa kalikasan at sanhi pa ng sakit.
Huwag tayong labis mag-aalma, pero ayon sa ilang report na kalalabas lamang, napakaraming microplastic sa nakaboteng tubig at maging sa karne, manok at mga “plant-based meat substitute,” mga produktong mukha at lasang karne, pero gawa sa mga sangkap na galling sa halaman.
Sa pag-aaral sa Estados Unidos (US), may “nanoplastic” sa 90 porsiyento ng 16 na uring kakaning protina, kabilang ang karneng baka, “chicken nuggets”, hiniwang isda at hamburger na hango sa halaman.
Sa ulat naman ng Consumer Reports sa Amerika, nakitaan ng microplastic ang 84 sa 85 produktong sinuri. Palasak sa kakaning mabibili sa supermarket sa US ang phthalates, sangkap upang mapalambot at mapatibay ng plastik.
Kabilang sa mga produktong US na may mataas na nilalamang phthalates ang “Del Monte sliced peaches, Chicken of the Sea pink salmon, Fairlife Core Power high-protein chocolate milkshakes, Yoplait Original French vanilla low-fat yogurt, and several fast foods, including Wendy’s crispy chicken nuggets, a Chipotle chicken burrito, and a Burger King Whopper with cheese.” Pati mga pagkaing “organic” o hindi ginamitan ng kemikal sa produksiyon nakitang mataas din sa phthalates.
Samantala, sa pag-aaral ng kilalang Columbia University sa New York, natuklasang ang tatlong kilalang nakaboteng tubig may 110,000 hanggang 370,000 “nanoparticle” na napakamunti kompara sa isang hibla ng buhok, at “nanoplastic” ang malaking bahagi nitong munting plastic sa tubig.
Maaring maipon itong plastic sa katawan nang may di-inaasahang epekto sa kalusugan. Sa ilang pag-aaral, lumabas na maaring maging sanhi o pampalubha ng kanser ang plastic na nakapapasok sa katawan, gaya ng nalalanghap na microplastic na puwedeng magbunsod ng kanser sa baga. May bagong teknolohiya pa na nakakita ng microplastic sa dugo ng 17 sa 22 taong sinuri.
Microbyong kakain ng plastic
Sa awa ng Diyos at sikap ng agham, may pamamaraang lumilitaw upang labanan ang pag-apaw ng plastic sa lupa at dagat, at harinawa sa katawan din. Kabilang sa kanila ang mga mikrobyo at kabibing kumakain ng plastic.
Sa Rensselaer Polytechnic Institute, kilalang pamantasan sa may hilaga ng New York, may nalikhang bakteryang makagagawa ng parang sapot ng gagamba mula sa plastik. At protina itong hibla na maaaring sangkap sa pagkain o matibay na materyales sa pagbuo ng iba’t-ibang bagay.
Higit sa lahat, puwedeng mabulok o “biodegradable” ang hibla, maglalaho paglaon, di-gaya ng plastik na nasa lupa at tubig habang panahon. Kaya ang dating plastik na panira sa kalikasan at sanhi ng karamdaman, magagawang pagkain sa hapag at kasangakapan sa industriya (http://tinyurl.com/bddje5sv).
Dagdag itong bakterya sa mga kabibing naiulat sa dekadang nagdaan na kumakain ng plastik at inaasahang makababawas sa basurang nakatambak. Malaking biyaya ito dahil mukhang marami pang taon bago mabawasan ang paggamit at pagtatapon ng plastik sa mga lungsod, lalo na’t parami rin nang parami ang tao roon.
Noon pang 2011, natuklasan ang kabibi sa Ilog Amazon sa Timog Amerika ng mga siyentipiko ng Pamantasang Yale ng US. Itong halamang may siyentipikong pangalang “Pestalotiopsis microspore” tanging plastic ang kinakain nang matagpuan sa Ecuador. At nabubuhay ito kahit walang hangin, kaya pati sa ilalim ng lupa sa tambakan maaaring kumain ito ng plastik.
Gayon pa man, sa kabila ng mga tuklas ng agham na ito, kailangan pa ring pagsikapan nating lahat sa bansa at mundong sama-samang bawasan ang gamit at tapon ng plastic. Magtatagal bago mapalaganap ang mga natuklasang bakterya at kabibing kumakain ng plastik sa basurahan. At wala silang magagawa sa micro at nanoplastic na naiipon sa katawan.
At isang dambuhalang suliraning dapat aksiyunan ng sambayanan natin ang pangunguna ng Pilipinas sa buong daigdig pagdating sa plastic pollution sa karagatan. Noong 2019 tinatayang nagmula sa ating bansa ang 36 porsiyento ng plastik sa dagat, halos tatlong beses ng pumapangalawang bayan, ang India, bagaman halos sampung beses ng ating populasyon ang dami ng tao sa India.
At kung mas malakas ang gamit natin ng plastik kaysa sa ibang bansa, gayon ding kalubha ang maaaring pinsala, hindi lamang sa kalat at dumi ng mga lungsod, lalawigan at karagatan natin, kundi ang plastik na pumapasok sa ating katawan.
Sa ganitong problema, hindi mikrobyo at kabibi ang sagot, kundi bawas-gamit at iwas-tapon.