HINIKAYAT ng Philippine Statistics Authority (PSA) Calabarzon ang publiko na makilahok sa mga aktibidad na inilatag ng kanilang ahensya para sa obserbasyon ng Civil Registration Month sa darating na buwan ng Pebrero.
Sa panayam kay Marife Bautista, registration officer ng PSA Calabarzon, sa programang PIA Ngayon R4A, sinabi nito na nakahanda na ang kanilang ahensya para sa pagdiriwang ng Civil Registration Month na may tema ngayong taon na “CRVS: The Future of Seamless Services.”
Aniya, “seamless services” ang ginamit na termino upang maipabatid ang pagbibigay ng isang maayos at mahusay na serbisyo publiko.
Ayon kay Bautista, bibigyang daan ng pagdiriwang ang pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa kahalagahan ng pagrerehistrong sibil sa mga kapanganakan, kasal, kamatayan, gayundin ang pagsasaayos sa mga angkop na dokumento.
Dagdag ni Bautisa, inatasan na ng PSA Calabarzon ang kanilang mga katuwang na local civil registrars sa rehiyon na magsagawa rin ng mga kaugnay na aktibidad.
Sisimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang fun walk na gaganapin sa unang araw ng Pebrero. Isang exhibit din aniya ang bubuksan sa publiko tampok ang mga mahahalagang impormasyon patungkol sa civil registration at vital statistics.
Ilan pa sa mga aktibidad na nakalinya sa buwan ng Pebrero ang pagkakaloob ng libreng civil registry documents, pagsagawa ng seminars, civil registration quiz bee para sa mga local civil registry employees, poster making at slogan making contest, at iba pa.
Dagdag pa ni Bautista, maraming lokal na pamahalaan ang nag-iimbita sa kanilang ahensya upang maging saksi sa mga isinasagawang kasalang bayan na malaking tulong sa mga mamamayan lalo na sa mag-asawang nais mapagtibay ang kanilang pagsasama.
Binigyang-diin pa nito ang kahalagahan ng pagtatalang sibil sapagkat malaking tulong ito sa pagkikilanlan at sa pagkakaroon ng legal na dokumento na kailangan ng isang tao lalo na sa kasalukuyan. (BPDC, PIA Batangas)