Uncle, pinag-usapan namin ng mga kaopisina ko yung tungkol dun sa pagtulong sa magulang ng anak. Tama naman na magkusa kaming tumulong hindi lang sa pagbibigay ng pera kundi sa iba ring paraan.
Good, Juan. Kaya dapat matuto kayo talagang mag-ipon at mag-budget para di nyo mapabayaan ang tumatandang magulang nyo.
Pero, Uncle, baligtarin kaya natin. Kasi yung kaibigan ko naman na may asawa’t pamilya na ay humihingi pa rin ng tulong pinansyal sa kanyang mga magulang na mga retired na rin at wala nang hanap-buhay. Tama ba na suportahan ng mga magulang ang kanilang mga may edad na anak?
Magandang katanungan yan, Juan. Sige, talakayin natin.
Sa ating mga Pilipino, ang pamilya ang karaniwang sandalan ng tulong at pag-asa sa mga pangangailangang pinansyal. Parang natural lang na magtulong-tulong ang magkakapamilya. At kahit na lampas na sa 18 years old ang anak, patuloy pa ring sinusustentuhan ng magulang ang anak.
Ayon sa isang consumer research ng bangkong HSBC, sa buong mundo, isa sa dalawang magulang ang hindi pinuputol ang pinansyal na suporta sa anak kahit na sila ay lampas na ng 30 years old.
Mas marami sa mga magulang sa Asya at Middle East kesa sa Amerika at Europa ang sumusuporta sa anak — sa edukasyon, sa cost of living na gastos tulad ng renta, pagkakasakit, o kahit sa pagbabakasyon.
Ang ginagastos ng mga magulang ay 37 porsiyento ng kanilang ipon at investment para sa kanilang matatanda ng anak at 56 porsiyento sa mga magulang na sinurvey ay mas matipid sa kanilang mga sarili para may matirang mas malaki para sa kanilang pamilya. Ang iba’y nagkakautang pa.
Pero malaking porsiyento rin ng mga magulang na tumutulong sa anak ay nagsasabing ang kanilang mga anak ay dapat na tumayo na sa kanilang mga paa at maging financially independent. Kaya lang wala silang kumpiyansa sa pinansyal na kakayahan ng kanilang anak lalo na’t kung sila ay magkasakit o mamatay ang asawa nila at mapilitan sila na bawasan ang suportang pinansyal na binibigay sa anak.
Naiintindihan ko ang pagiging isang magulang at mahirap tiisin ang anak lalo na kung nasa peligro ang sitwasyon nila.
Parang ang tingin natin ay obliigasyon ang tumulong kahit na mahirap sa atin. Maaring ang iba’y hindi rin naturuan ang anak na maging marunong sa mga bagay na pinansyal o di kaya’y walang nakitang magandang halimbawa sa magulang. Kaya may guilt feeling ang magulang sa kanilang pagkukulang at kaya dapat lang na sila’y suportahan.
Ganun nga siguro tayo magmahal. Walang sinusukat na kapalit. Walang expiration date ang pagtulong sa anak. Kahit tayo na rin ang maapektuhan sa dulo at tayo naman ang mangailangan ng tulong
Pero dapat rin natin sigurong itanong sa ating mga sarili, lalo na kung tayo ay retired at may edad na, kung ano ba talaga ang kahulugan ng pagtulong ng tama at pagtulong ng mali.
Pagtulong ba ng tama kung:
- Wala ka naman talagang pondong paghuhugutan?
- Nauubos na ang ipon mo na pang retirement at pagkakasakit?
- Walang katapusan ang mga gastos na sinusuportahan?
- Walang mga klarong boundaries at expectations sa pagtulong sa anak?
- Hindi ka rin naman matutulungan kung ikaw ay magkasakit at makulangan sa pang araw-araw na pamumuhay?
Kailangan din naman na magkaroon ng tamang balanse ang pagpriotize natin sa ating pangangailangan at ang hindi pagwawalang bahala sa suportang pinansyal na hinihingi ng ating mga adult na mga anak.
Sa mga magulang na retired na at hindi komportable na pabayaan ang nangangailangang anak, pag-isipan mo ang 5 Ts na ito:
T-anungin at pag-usapan. Pag pera ang topic, kailangan magpakatototoo at iwasan natin ang mga assumptions o haka-haka kung bakit kailangan ng tulong, hanggang kailan at ano ang kayang itulong. Tandaan na may malaking kaibahan ang pagbibigay at pagsasakripisyo. Handa ka bang maubos ang ipon na inilaan mo para sa retirement at old age?
T-ingnan ang sariling kakayahan. May katumbas na risks sa pagtulong. Lalo na kung di naman talaga sapat ang naitabing pondo para sa retirement at pagkakasakit. Puedeng mapektuhan ang iyong pinansyal na kondisyon at ang iyong relasyon sa mga anak. Totoo naman na nagkakaroon tayo ng sense of purpose at koneksyon sa ating mga anak sa ating pagsuporta. Pero puwede rin natin itong pagsisihan lalo na kung hindi na nating makayang mamuhay na sa sarili lang natin tayo dumedepende.
T-uruan ang anak na maging financially independent. Mula bata pa lang, dapat i-expose na natin ang mga anak sa mundo ng pananalapi at pamumuhay. Dapat nilang matutunan na patibayin ang pinansyal na aspeto ng kanilang buhay, alamın ang paraan ng pag-iipon at pagba-budget at ang pagkakaroon ng financial goals sa buhay. Ang pinakaepektibong paraan ng pagturo sa ating mga anak ay sa pamamagitan ng good example na sa atin na manggaling ang tamang pag-uugali, pag-iisip at disiplina tungkol sa pera na puwedeng pamarisan ng anak. Ika nga, lahat ay nagsisimula sa bahay, sa kultura ng pamilya.
T-anggapin na may limit at boundaries sa pagtulong. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay automatic na para tayong ATM sa ating mga anak. Mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda, dapat meron tayong mga limitasyon at boundaries sa pagbibigay, kahit pa kaya nating ibigay. Dapat matuto din ang mga anak sa kanilang mga problemang pinansyal, lalo na kung ang dahilan ng problema ay puedeng maiwasan o hindi pahintulutang gawin.
T-andaan na hindi talaga natin puedeng obligahin ang ating mga anak na tayo’y tulungan sa ating pagkakasakit o ano mang krisis na dumapo sa ating pagtanda. Kung tayo’y matutulungan, maraming salamat. Pero dapat handa tayo sa ating mga sarili na harapın ang ating mga pangangailangan habang tayo ay buhay pa at hindi tayo maging pabigat sa ating mga anak. Magagawa lang natin ito kung maging maayos tayo sa ating pinansyal na buhay at pinangalagaan natin ang savings at retirement plan natin mula nung tayo’y may kakayahan pang kumita. Kung mahalaga sa atin ang pagtulong sa anak, dapat ginawa natin ito para nasiguro natin pati kapakanan ng buong pamilya.
Juan, kaya ikaw kung nais mong pati ang mga magiging anak mo ay matulungan mo hanggang sa kanilang pagtanda, simulan mo ng mag-ipon ng mag-ipon. Kaya?