SINABI ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na nagkakaisa ang Senado laban sa proposed revision sa people’s initiative kung saan tatanggalan ng boses ang Senado sa proseso ng pagbabago ng Konstitusyon.
Sa kanyang post sa kanyang Facebook page, sabi niya, “Nagkakaisa ang inyong Senado laban sa proposed revision sa people’s initiative, kung saan tatanggalan ng boses ang Senado sa proseso ng pagbabago ng Konstitusyon.
Dagdag pa niya, “Ang bawat senador ay may mandato sa buong bayan. Kaya hindi lang Senado ang tinatanggalan ng boses dito, kundi ang milyun-milyong Pilipino na aming pinagsisilbihan.
“Hindi tayo papayag na lapastanganin ang ating Konstitusyon, ang ating bansa, at ang ating mga mamamayan.
“Anumang pagbabago sa ating Saligang Batas ay dapat dumaan sa malalim na pag- aaral at konsiderasyon, at hindi dapat mag-ugat sa makasariling mga motibo. Kalayaan nating lahat ang nakataya dito.”
Samantala, inalala din ng Senate President ang kahalagahan ng anibersaryo ng Malolos Republic.
“Ngayong anibersaryo ng Malolos Republic, alalahanin natin ang mga nagsulat ng unang Konstitusyon ng Pilipinas, at patuloy nating protektahan ang kalayaang ipinaglaban nila, sabi ni Zubiri.
Sabi pa niya, “Karangalan ko po na maging bahagi ng selebrasyon para sa ika-125 na anibersaryo ng Malolos Republic sa Barasoain Church, Malolos, Bulacan.
Bilang unang republika ng Pilipinas, ang Malolos Republic ang kanlungan ng ating demokrasya. At ang pundasyon nito, ang Malolos Constitution, ay naging pundasyon ng ating kalayaan, at nagbigay hugis sa isang tapat na pamahalaan.
Ngayon, patuloy nating isinusulong at pinoprotektahan ang kalayaan na ipinaglaban ng mga nagtatag ng Malolos Republic at nagsulat ng Malolos Constitution.
Hindi natin malilimutan ang kanilang kontribusyon sa bayan. Itutuloy natin ang kanilang laban.”