31.5 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 27, 2024

Mobile Kusina, katuwang sa iba’t ibang programa ng pamahalaan sa Mindoro

- Advertisement -
- Advertisement -

SIMULA nang dumating ang unang Mobile Kusina (MK) sa Occidental Mindoro noong 2022, naging bahagi na ito ng iba’t ibang programa at aktibidad sa loob at labas ng lalawigan.

Pangunahing tungkulin ng Mobile Kusina, ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer (PDRRMO) Mario Mulingbayan, ay makapagsilbi ng mainit na pagkain sa mga naapektuhan ng sakuna at kalamidad. (VND/PIA OccMdo)

Pangunahing tungkulin ng MK, ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer (PDRRMO) Mario Mulingbayan, ay makapagsilbi ng mainit na pagkain sa mga naapektuhan ng sakuna at kalamidad. Ngunit sa nagdaang halos dalawang taon, higit pa rito ang ginagampanang papel ng nasabing pasilidad.

Inilahad ni PDRRMO operation and warning division chief Mariefel Cabile na kabilang sa mga sinerbisyuhan ng MK ang mga sinalanta ng mga bagyong dumaan sa bansa gaya ng bagyong Egay. Naghatid din ang MK ng mainit na pagkain sa mga pamilyang lumikas patungo sa mga evacuation centers, gayundin sa mga na-stranded sa mga pantalan.

Sa mga panahong wala namang sakuna, naging aktibo ang MK sa iba’t ibang kaganapan sa lalawigan.

Nagdala ito ng mainit na pagkain sa lahat ng nakiisa sa earthquake drill sa bayan ng Looc noong Marso 2023; nagbigay ng almusal sa mga kumuha ng Civil Service Examination sa San Jose National High School at Pedro T. Mendiola Sr. Memorial National High School noong Agosto 2023 sa bayan ng San Jose; at, naghatid ng masarap na pagkain sa mga sibilyang naapektuhan ng engkwentro ng militar at mga rebelde sa bayan ng Calintaan noong Hunyo 2022.

Ipinadala ito ng Kapitolyo ang Mobile Kusina sa Oriental Mindoro upang mag serbisyo sa mga naapektuhan ng oil spill noong Abril 2023. Larawan mula sa PDRRMO OccMDo. (VND/PIA OccMdo)

Sa ilang pagkakataon, lumabas pa ng lalawigan ang MK. Ipinadala ito ng kapitolyo sa Oriental Mindoro upang mag serbisyo sa mga naapektuhan ng oil spill noong Abril 2023, partikular sa mga isinagawang feeding program sa mga bayan ng Pola at Naujan.

Ngayong may ikalawang Mobile Kusina na ang probinsiya na pinasinayaan mismo ni Governor Eduardo Gadiano.

Ayon kay Gadiano, inaasahang marami pa ang mapaglilingkuran ng bagong pasilidad. Itatalaga ang bagong MK para magserbisyo sa gawing timog ng lalawigan– ang mga bayan ng San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan (Samarica).

Dagdag pa ni Gadiano, malaki rin ang magiging papel ng MK bilang isa mga interbensyon upang labanan ang malnutrisyon sa lalawigan, lalo na sa mga bayan ng Paluan at Abra de Ilog.

Nabatid mula sa mga nakaraang panayam sa Provincial Nutrition Action Office na bukod sa pagpapakain ng masustansyang pagkain sa mga malnourished children, maaaring gamitin ang MK sa pagtuturo sa mga magulang ng pagluluto ng masustansiyang pagkain. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -