AKO ay Novo Ecijano, marangal na anak ng gilik at putik. Ipinaghele ako ng mga kuliglig at dinalaw ng mga alitaptap sa aking kamusmusan. Lumaki akong tinatakbo ang malalawak nitong bukid, nilalanghap ang halimuyak ng palay na bagong sapaw, minamasdan ang mga bundok ng Sierra Madre sa mga hangganan. Dito sa sinisintang lalawigan – dito iniluluwal ang pinakamapipintog na butil ng palay, dito naghahalo ang anghang ng bawang at tamis ng mais, dito sagana ang sibuyas, at dito’y malulugod ang dila sa tamis ng mangga, melon, at pakwan.
Novo Ecijano ako. At sa tuwing umagang titingalain ko ang ating bandila, nakikita kong nagliliwanag ang isa sa walong sinag ng araw nito, ipinaaalala sa akin na ang aking lalawigan ay isa sa walong nag-alsa laban sa mga dayuhan. Tutop ang dibdib habang naglu-Lupang Hinirang, dinadalaw ako ng alaala ng mga bayaning Novo Ecijanong gaya nina Heneral Manuel Tinio at Heneral Mariano Llanera. Sila na di nangiming manguna sa paghihimagsik sa mga dayuhan sa ngalan ng kalayaan. Hindi ko na kailangang tingnan pa ang kabayanihan nina Rizal at Bonifacio. Kailangan ko lamang na lingunin ang halimbawa ng aking kababayan. “Huwag ka sanang lilimot, apo,” bilin ng Lolo ko.
Novo Ecijano ako. Natural sa akin ang pagiging matiyaga at masipag sa pag-aaral. Taglay ko ang mataas na pagpapahalaga sa kapangyarihan ng edukasyong mabago ang buhay ng tao. Sa mga pamantasang Wesleyan, NE-UST, Araullo, at CLSU, dito nililinang ang aming talino. Nang binanggit kong pangarap kong maging doktor sa kabila ng pagiging ‘anak ng gilik at putik,’ ang sabi nila’y ‘maaari namang maging magsasaka ang doktor (o sino mang propesyunal) pero hindi puwedeng manggamot ang isang magsasaka.’ Kaya hindi nila sinagkaan ang aking munting pangarap. Anila, sa bayan man o sa kanayunan, kailangan ang mga manggagamot. Sino ang gagamot sa nananakit na balakang o sa nirarayumang tuhod ng mga kababayang di makuhang maghugas-kalawang? “Oo nga’t magbubukid tayo pero edukado,” ganyan ang pagmamalaki ng aking Lolo.
Novo Ecijano ako. At maraming makasaysayang lugar na makikita sa aming lugar. Inaanyayahan kitang dalawin ang ang pinakamalaking Prisoner of War Camp sa buong Pilipinas – ang Camp Pangatian Memorial Shrine – kung saan ikinulong ng mga Hapon ang higit 8,000 Amerikano. Habang nandoon, bakasin ang alaala ng mga magigiting na sundalong Amerikano at gerilya na nagligtas sa nalalabing 500 bilanggo ng digmaan. Sa Fort Magsaysay, muling sulyapan ang kuwartong-seldang naging piitan ng democracy icons na sina Ninoy Aquino at Jose Diokno noong panahon ng Martial Law. Sa Plaza Lucero ng Cabanatuan, sa tapat mismo ng katedral ni San Nicolas, magbigay-pugay sa monumento ni Heneral Antonio Luna na nakatayo mismo sa kanyang libingan. “Di dapat limutin ang kanilang kabayanihan, apo ko,” bilin ni Lolo.
Novo Ecijano ako. Sulyapan natin ang pambihirang limestone rock formation sa Minalungao National Park sa General Tinio. Dalawin na rin ang pinakamalaking dam sa Pilipinas – ang Pantabangan Dam – at tingnan kung paanong naging posible ang irigasyon sa mga kabukiran ng lalawigan. Tingnan din natin ang Philippine Carabao Center at siyasatin ang siyensiya sa pagpaparami ng mga kalabaw sa Gitnang Luzon. Silipin din natin ang Science City ng Munoz at alamin kung paanong dinadalisay at pinaghuhusay ang mga binhing palay. Saksihan din natin ang taunang pagdiriwang ng “Taong Putik Festival” sa bayan ng Aliaga. “Ipagmalaki mo ang lahat ng ito, apo,” paalala ni Lolo.
Novo Ecijano ako. Kababayan ko ang magagaling na manunulat sa Panitikang Filipino na sina Rogelio Sikat, Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas, at ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Lazaro Francisco. Dito namulaklak ang kanilang panulat, dito nagsimula ang kanilang mga haraya, buong-tapang nilang tinalakay ang mga isyung pang-agraryo sa kanilang mga kuwento. “Basahin mo sana ang kanilang libro at ipamuhay ang kanilang mga kuwento,” tagubilin ni Lolo.
Novo Ecijano ako. At di ko inakalang ang EDSA pala ay ipinangalan sa aking kababayang Epifanio de los Santos, na dating Gobernador ng lalawigang ito. Dito sa kaniyang abenida, sa dating Highway 54, dito kinandili ang mapayapang rebolusyon, dito kinilala ng mundo ang kadakilaan ng mga Pilipino. “Lumingon ka sana sa kasaysayan, apo,” paalala ni Lolo.
Novo Ecijano ako. At sa aming mga kamay inihabilin ang patuloy na paglinang sa parang at pagtatanim ng palay. Tungkulin itong tinanggap ng aking lalawigan kung kaya’t ito’y tinawag na “Bangan ng Bigas” ng sangkapuluan. Katulong ng Lolo ko ang kalabaw naming si Kalakian sa pag-aararo. Lumaki akong nakikita ang mga traktora, mga tilyadora, at mga kababayang lumulusong sa bukid na nababalutan ng kasuotang tanging mukha lang ang nakikita. “Huwag na huwag mong ikahihiya ang pagsasaka, apo,” hiling ni Lolo.
Novo Ecijano ako, anak ng gilik at putik. Kagaya ko’y isang butil ng palay na inihasik sa pinatubigang bukid. Handa na akong sumibol, sumapaw, at magkalaman. Pagkatapos, ako naman ang magbibinhi para sa susunod na salinlahi.
Novo Ecijano akong anak ng gilik at putik. Salamat kay Lolo, at salamat sa inyo. Taas-noo ako ngayong nakaharap sa mundo.
(Note: Ang awtor ay tubong-Talavera sa lalawigan ng Nueva Ecija. Ito’y isang piyesang ginamit sa isang timpalak sa pagbigkas bilang bahagi ng pagdiriwang ng araw ng Nueva Ecija. Hanggang ngayon, ang kanilang pamilya ay may mga lupa pa ring sinasaka.)