26 C
Manila
Linggo, Disyembre 1, 2024

Ang halalang baka magdala ng giyera sa Asya

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

Huli sa Dalawang Bahagi

SA unang bahagi nitong pitak noong Enero 19, tinukoy ang malamang na pagtindi ng girian sa China dahil sa halalan sa Taiwan noong Enero 13. Kontra ang gobyerno sa Beijing sa panalo ni Lai Ching-te bilang pangulo ng isla dahil sa malaong pagsusulong nito ng independensiya para sa Taiwan.

Tapos, sinabayan pa ng pagbati kay Lai mula sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mismo. Siya lamang sa lahat ng mga pinuno ng mga bansang may ugnayan sa China ang direktong nagpugay sa bagong halal na presidente ng Taiwan.

Tuloy, di-gasino ang pagtuligsa kay Marcos ng Ministro ng Ugnayang Panlabas sa Beijing na ipinag-alma naman ng mga opisyal natin, lalo na si Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro ng Tanggulang Pambansa.

Samantala, nagbabala rin ang China sa pahayag ni Heneral Romeo Brawner, ang hepe ng ating Sandatahang Lakas, na magtatayo ang Pilipinas ng mga gusaling titirhan at gagamitin ng mga kawal at iba pang Pilipino sa mga islang hawak natin sa pinagtatalunang bahagi ng South China Sea (SCS).


Pasok ang Amerika

Kung medyo nag-iinit na ang China sa Taiwan at Pilipinas, ano pa kaya kung papasok sa girian ang Estados Unidos (US), lalo na pagtindi ng kampanya para sa halalan ng US sa Nobyembre?

Sa ngayon, ilag ang pamahalaan ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika sa giyera, sa pangambang baka kapusin ang hukbong US kung mapapasabak ito hindi lamang sa Europa, kundi sa Gitnang Silangan at Asya rin.

Kung lalaban sa Ukraina ang alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO) na pinangungunahan ng Amerika, tapos idedepensa pa ng US ang dalawang pangunahing kaalyado, Israel at Taiwan, pihadong maraming Amerikano ang mamamatay.

- Advertisement -

Kung magkamatayan ng mga kawal US at matalo pa ito sa mga labanan, pihadong ikatatalo ito ni Pangulong Biden. At kapos na rin sa armas ang NATO dahil sa pagpapadala sa Ukraina ng napakaraming sandata.

Kaya naman sa nagdaang mga buwan, tahimik na sinasabihan ng NATO makipagpulong ang Ukraina sa Rusya, matapos ang halos dalawang taong pag-uudyok at pag-ayuda na ituloy ang digma upang manghina ang Rusya.

Pinipigil din ng mga Amerikanong opisyal ang pag-atake ng Israel sa Gaza Strip, sa pangambang lulusob ang mga karatig-bansang Muslim kung labis-labis ang mga Palestinong mapapatay ng mga Hudyo, lalo na ang kababaihan at mga bata.

At gaya ng nasabi sa unang bahagi nitong pitak, nagkasundo sina Pangulong Biden at Xi Jinping magkaroong muli ng komunikasyon ang mga puwersang US at China upang maiwasan ang di-sinasadyang pagsilakbo ng labanan.

Subalit huwag muna tayong magdiwang sa iwas-putukan ng administrasyong Biden sa hangad huwag mapasama sa tingin ng mga botanteng Amerikano. Mangyari, may banta pa rin ng labanan dahil sa halalang US.

Sa ngayon, lamang ang inaasahang katunggali muli ni Biden, si Donald Trump, sa mga tanong-publiko o survey ng mga botante. Kung manalo siya, inaasahang babawasan o ihihinto niya ang pagpapalakas at pakikidigma ng hukbong US sa ibayong dagat.

- Advertisement -

Hindi ito gusto ng maraming matataas na opisyal ng US. Kaya may posibilidad na magbunsod ng munti at saglit na labanan ang grupong ito upang mag-alma ang mga Amerikano at sumuporta sa pananatili ng malakas na hukbong US sa ibayong dagat.

Kung magkagayon, sa Pilipinas malamang maganap ang munting putukan, sapagkat sa Israel, Ukraina, Taiwan at Korea, baka mabilis na lumubha ang tagisan at umabot pa sa giyera atomika.

Pero rito, puwedeng pigilin ang sagupaan ng China at, halimbawa, mga barko ng Pilipinas at Amerikang nagpapatrolya sa SCS. Subalit kahit maikli, palalakihin sa media ang sagupaan upang itulak ang US magpadala ng malaking puwersa sa Asya. Baka rin maudyukan ang ibang bansa sa Asya magpapasok ng tropa at sandatang Amerikano.

Mga kabalyero ng imperyo at giyera

Ngayon, sa paglakas ng mga puwersang Amerikano at kaalyado sa Asya at sa Europa rin, dala ng giyerang Ukraina, pihadong mag-aalma at magpapalakas din ang China at Rusya. Gayon din ang mga bansa sa Gitnang Silangan.

Kung akala natin maiiwasan ang digmaan sa pagdami ng armas at paglago ng mga alyansiya sa ilalim ng mga dambuhalang bansa, mali ito. Sa katunayan, kabaligtaran ito ng nasa Kasulatang Banal.

Sa Kabanata 6 ng Aklat ng Pahayag o Revelation, ang tinaguriang “pahayag ni Hesukristo“ sa simula’t-simula nitong huling libro ng Bibliya, isinalaysay ang apat na mangangabayong maghahatid ng kamatayan sa mga huling araw bago bumalik ang Panginoon.

Unang kabalyerong nakaputing kabayo ang mananakop na may pana at korona. Sunod ang mangangabayong pula ang sinasakyan, nakaespada at nagbubunsod ng digma.

Masasabing sagisag ang dalawang kabalyero ng mga puwersa ng imperyo o paghahari sa mundo at ng mga puwersa at sandata ng digma.

Ito ngayon ang babala ng langit sa lupa: Kung kakapit ang tao sa mga naghaharing superpower at sa palakasan at paramihan ng hukbo at sandata, hahantong ito hindi sa kapayapaang sandaigdigan, kundi sa malawakang kamatayan.

Babala ni Hesus mismo sa Ebanghelyo ni Mateo (26:52): “Ang nabubuhay sa espada, mamamatay sa espada.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -