PATULOY na tutulungan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga jeepney driver at operator na apektado ng Public Utility Vehicle Modernization Program sa pamamagitan ng programang pangkabuhayan nito na “enTSUPERneur”.
Ayon kay DoLE Secretary Bienvenido Laguesma, bawat apektadong transport worker ay binibigyan ng pinakamababang halaga na P30,000 in-kind livelihood assistance sa pamamagitan ng nationwide alternative livelihood program.
Sinabi ni Secretary Laguesma na may listahan ang DolLE ng mga proyektong-pangkabuhayan na maaaring pagpilian ng mga benepisyaryo, kabilang ang rice retailing, variety store at food stall establishment, animal raising, agricultural input provision, at tailoring, at iba pa.
“More than 4,500 na pong transport workers ang nabigyang-ayuda, at iyon pong naibigay sa kanila ay umaabot na rin sa humigit-kumulang P123 million,” pahayag niya sa isang panayam sa telebisyon noong Miyerkules ng umaga.
“Itong taon na ito, mayroon pong naka-lineup na 1,500 transport workers na nagnanais ding makakuha, na habang nagnanais silang sana tuloy-tuloy ang kanilang talagang pangunahing hanapbuhay, ay matulungan natin, magabayan natin na mayroon silang alternatibong pagkakakitaan,” dagdag niya.
Sinabi ng kalihim na ang livelihood package ay naglalaman din ng mga materyales, inputs, at market linkages upang matulungan ang mga benepisyaryo.
Ang programang-pangkabuhayan na “enTSUPERneur” ay pinagsamang inisyatiba ng DoLE, Department of Transportation, Office of Transportation Cooperatives, at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Nang tanungin kung sapat ang programa na tumulong sa tinatayang 30,000 jeepney drivers at operators na hindi nakasali sa modernization program, sinabi ng kalihim na nagtutulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan para mapondohan ang nasabing programa.
“Mayroon din nga pong direktiba ang ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mag-converge ang mga departamento na mayroong resources na puwedeng pagsama-samahin at matulungan po yung mga apektadong manggagawa,” pahayag niya.
Samantala, nagbibigay naman ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) ng skills development training sa mga jeepney workers, lalo na sa mga apektado ng modernization program, sa pamamagitan ng programa nitong “Tsuper Iskolar” simula pa noong 2019.
Nagbibigay ang programa ng libreng technical vocational skills training, assessment, at certification sa mga displaced driver, operator, at miyembro ng kanilang pamilya, na may training allowance na P350 kada araw na hindi hihigit sa 35 araw.
Sinabi pa ni Secretary Laguesma na nakatutok ang DoLE sa pagpapataas ng employability, o kapasidad ng manggagagawang Pilipino na makakuha ng trabaho, na kabilang sa mga prayoridad ng Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028.