28.1 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

Pagkatapos ng pangungutang ng mga bansa noong panahon ng pandemya, paano na minamaneho ng mga bansa ang mga utang na ito?   

- Advertisement -
- Advertisement -

DAHIL sa pakikibaka ng mga bansa sa pandemya, tumaas ang general government debt (GG debt) sa buong mundo kumpara sa Gross Domestic Product (GDP). Ang GG debt ang pinakamalawak na sukatan ng utang ng pamahalaan o ang tinatawag na public sector. Kasama rito ang utang ng central government, local government units (LGUs), social security institutions (SSIs) at mga korporasyon na umaasa lamang sa kaban ng bayan sa malaking bahagi ng kanilang revenues. Kasama rin dito ang utang  sa loob at labas ng bansa. Ngunit di kasama rito ang utang ng public sector sa kanyang mga sariling ahensiya. Kunwari kapag inilagak ang surplus ng mga LGUs at SSIs sa Treasury Bills at Treasury Bonds, tinatanggal ang halagang ito ng credit rating agencies sa kabuuan ng GG debt.

Ang GDP rin ay ang pinaka-komprehensibong sukatan ng kakayahang magbayad ng utang. Kapag mataas ang GDP, mas maraming pinagkukunan ng pamahalaan para bayaran ang utang. Mas mataas ang makokolekta nitong buwis na siyang madalas ginagamit ng pamahalaan na pambayad ng utang.

Kapag mataas ang GDP growth, mas mataas din ang paglago ng maaaring hiramin ng isang bansa. Kaya maski tumaas ang utang, kapag mabilis ang paglago ng ekonomiya, hindi binababaan ng credit rating agencies ang credit rating ng mga bansang ito. Dahil ang emerging Asian countries na nakalista sa Table 1 ang mga pinakamataas ang growth rate sa mundo at may pinakamalakas sa lebel ng competitiveness, magandang ikumpara ang Pilipinas sa mga ito.

Ang ratio ng general government debt sa GDP ay siyang ginagamit ng credit rating agencies sa pag-analisa ng credit rating ng mga bansa. Dahil mahalaga ang sustainability sa kanilang pag-aaral, magandang magpakita ang mga bansang umuutang ng mahabang record ng mataas na GDP growth. Kapag tuloy-tuloy ang GDP growth, inaasahan nilang kayang-kaya ng bansang bayaran ang kanyang mga utang sa hinaharap.

Noong 2019, ang Pilipinas ay may pangatlong pinakamababang general government  debt ratio sa GDP. Ito ay 37porsiyento kumpara sa average na 46.3 porsiyento ng 9 na Asian countries. Ngunit noong pandemya, tumaas ito sa 51.6 porsiyento noong 2020 at 57.0 porsiyento noong 2021. Tumaas na lang nang bahagya sa 57.5 porsiyento noong 2023 at base sa IMF data  ay umakyat ito sa 57.6 porsiyento noong 2023. Ang pagtaas nito ay dahil patuloy ang mataas na badyet ng infrastructure projects kung saan inilalaan ang malaking bahagi ng mga proceeds ng pangungutang.


Ang Pilipinas ay isa sa mga pinakamataas ang pag-akyat ng GG debt-GDP ratio noong pandemya. Tumaas ang GG debt ratio ng 20 porsiyento mula 2019 to 2021. Sumusunod ang Thailand na tumaas ang GG debt ratio nang 17.3 porsiyento at sumusunod ang Malaysia nang 12.1 porsiyento at China nang 11.4 porsiyento.  Ang ibig sabihin nito ay ginawa ang lahat ng apat na bansa ito ang lahat na maaaring itulong sa mga biktima ng pandemya.

Sa kaso ng Pilipinas, itinuloy nito ang infrastructure projects kahit noong gitna ng pandemya. Mula 5.6 porsiyento of GDP noong 2019, bumaba nang bahagya sa 4.9 porsiyento ang National Government (NG) capital outlays noong 2020 ngunit tumaas ulit ito sa 5.8 porsiyento noong 2021, 6 porsiyento noong 2022 at 5.6 porsiyento noong 2023. Ang mataas na capital outlays ang dahilan kung bakit mabilis ang economic recovery at patuloy ang malakas na GDP growth.

Halos ganoon din ang nangyari sa mga ibang Asian countries. Tumaas ang average GG debt ng 9 na Asian countries sa 55.8% noong 2021 mula 46.3 porsiyento noong 2019. Sa 9 Asian countries, dalawa lang ang patuloy ang pagbaba ng GG debt maski may pandemya. Ito ay ang Vietnam at Taiwan. Nagtipid ang dalawang ito maski noong gitna ng pandemya.

Maski mataas ang pondong kailangan ng pandemya, ayon sa Asian Development Bank (ADB), mababa pa rin ang GG debt ng emerging economies ng Asya sa post-pandemic era. Inaasahan nito na di lalagpas sa 63.5 porsiyento ng GDP ang magiging resulta noong katapusan ng 2020, na mas mababa kaysa global average na 105.4 porsiyento. (Jong Woo Kang, ADB Vlog). Ayon naman sa IMF, ang adjusted GG debt-to-GDP threshold sa post-pandemic era ay 70 porsiyento. Sa 9 countries na nasa Table 1, dalawa lang ang lumagpas sa 70 porsiyento, ang China at India.  Ngunit maski mataas ang lebel ng GG debt nila, ang dalawang bansang ito ay may mataas na savings rate. Mataas ang bahagdan ng kanilang GDP ang pumupunta sa savings — 46 porsiyento sa China at 30 porsiyento sa India. Dahil dito, hindi natinag ang kanilang credit rating noong pandemya.

- Advertisement -

Ang itinuturo ng pandemya ay maliwanag — kailangang mag-impok sa panahon ng kasaganaan para may madudukot sa panahon ng kagipitan. Napababa ng Pilipinas ang GG debt ratio sa 37.0 porsiyento noong 2019 at dahil dito’y nagkaroon tayo ng pagkakataon na umutang ng 20 porsiyento of GDP para labanan ang pandemya at maghanda para sa economic recovery. Pag bumalik na ang pre-npademic growth rate na 6-7 porsiyento at maayos na ang krisis sa world economy, maaari na nating bawasan ang depisit  at bumalik uli sa mabababang lebel ng utang na gaya noong 2019.

 

Table 1. GENERAL GOVERNMENT DEBT STOCK  
Percent of GDP  
  2019 2020 2021 2022 2023
   
   
Philippines 37.0% 51.6% 57.0% 57.5% 57.6%
Indonesia 30.6% 39.7% 41.1% 40.1% 39.0%
Malaysia 57.1% 67.7% 69.2% 65.6% 66.9%
Thailand 41.1% 49.4% 58.4% 60.5% 61.4%
China 60.4% 70.1% 71.8% 77.0% 83.0%
South Korea 42.1% 48.7% 51.3% 53.8% 54.3%
Taiwan 32.7% 32.1% 30.1% 29.7% 26.6%
India 75.0% 88.5% 83.8% 81.0% 81.9%
Vietnam 40.8% 41.1% 39.1% 35.3% 34.0%
AVERAGE (9 Asian countries) 46.3% 54.3% 55.8% 55.6% 56.1%
   
SOURCE: International Monetary Fund        
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -