ANG Talaang Gintô: Makata ng Taón ay isang patimpalak sa pagsulat ng tulâ na itinaguyod ng KWF na naglalayong pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilála sa mga batikan at baguhang talino at tinig sa sining ng tulâ.
Bukás ang timpalak sa lahat ng mga Pilipino, babae man o laláki, maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak. Gayundin, ang mga nagwagi ng limang beses bílang Makata ng Taón na ituturing nang Hall of Fame ay hindi na rin kalipikadong lumahok.
Ang entring ipapása ay maaaring isang mahabang tulâ (humigit-kumulang sa isang daang (100) taludtod) o isang koleksiyon ng sampung (10) maiikling tulâ (maaaring kulang sa 10 taludtod o humigit sa 15 taludtod ang bawat tulâ) na may magkakaugnay na tema. Kinakailangang may pangkalahatang pamagat ang ipapásang koleksiyon.
Malayà ang paksâ ngunit kailangang tumatalakay sa isang mahalagang paksaing panlipunan sa kasalukuyan. Ang ipapásang mahabang tulâ o maiikling tulâ ay malayà (walang tugma at súkat). Maaari ding ialinsunod ang paksâ ng kalipunan ng mga tulâ sa paksang “Gampanin ng Panitikan sa Pagpapanatili ng Kapayapaan ng Bansa.”
Ang lahok ay kailangang orihinal at nasusulat sa Filipino, hindi salin ng nalathala nang tulâ, at hindi pa nalalathala sa alinmang publikasyon. Ang sinumang mahúli at mapatunayang nagkasála ng pangongopya ay kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nitó sa timpalak at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.
Itinatagubilin ang paggámit ng KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (i-downlaod para sa libreng sipi) bílang gabay sa mga aspekto na mahalaga at kahingian upang makasunod sa mga tuntuning nakasaad dito.
Pára sa pagsusumite ng lahok, ilakip sa brown envelope ang sumusunod:
- Apat (4) na kopya ng kompiyuterisadong lahok. Gamitin ang font na Arial 12 pt, may dobleng espasyo, at may isang pulgadang palugit sa bawat gilid na nakaprint sa short bond paper na may súkat na 8 ½ x 11 pulgada.
- Kinakailangang magtataglay lámang ng sagisag-panulat (pen name) na kailanman ay hindi pa ginamit at walang kahit anong pahiwatig ng tunay na pangalan ng kalahok.
- Notaryo na nagpapatunay na orihinal ang lahok
- Entri form
- Curriculum vitae at/o bionote ng makata
- Isang 2×2 retrato ng kalahok na ipadalá ang lahok sa koreo sa:
Lupon sa Talaang Ginto 2024
Komisyon sa Wikang Filipino
2/P Gusali Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel
San Miguel, Lungsod Maynila
Para sa onlayn na pagpapadala ng lahok:
- Kopya ng kompiyuterisadong lahok (.doc format). Gagamitin ang font na Arial 12 pt, single spaced sa 8 ½ x 11 in (short bond paper) na may palugit na isang (1) pulgada sa itaas, ibabâ, at magkabiláng gilid. Kung makinilyado ang lahok, i-scan at isumite nang naka-pdf format;
- Kinakailangang magtataglay lámang ng sagisag-panulat (pen name) na kailanman ay hindi pa ginamit at walang kahit anong pahiwatig ng tunay na pangalan ng kalahok;
- Notaryo na nagpapatunay na orihinal ang lahok;
- entri form;
- Curriculum vitae at/o bionote ng makata;
- Isang 2×2 retrato ng kalahok (.jpeg format); at
- Sagutan ang link at ilakip ang mga dokumento https://docs.google.com/…/1FAIpQLSd…/viewform
Ang hulíng araw ng pagsusumite ng lahok ay sa 2 PEBRERO 2024, 5:00 nh. Isasara din ang link para sa onlayn na pagsusumite ng lahok. Sa mga nagpadala ng lahok sa pamamagitan ng koreo sa hulíng araw, mag-email ng pruweba ng pagpapadala nitó sa [email protected] upang makonsidera sa paghihintay ng lahok. Hindi na mauurong ang araw ng pagsusumite.
Sa mga nagsumite sa pamamagitan ng koreo, magpapadalá ang KWF ng mensahe (text) kung natanggap na ang lahok.
Ang mga gantimpala ay ang sumusunod:
⦿ Unang gantimpala, PHP30,000 (net) + titulong “Makata ng Taón 2024”, tropeo, at medalya;
⦿ Ikalawang gantimpala, PHP20,000.00 (net) at plake;
⦿ Ikatlong gantimpala, PHP15,000.00 (net) at plake.
Ang pasya ng Lupon ng Inampalan ay pinal at hindi na mababago.
Ang lahat ng mga natanggap na lahok ay hindi na ibabalik at angkin ng KWF ang unang opsiyon sa paglilimbag ng mga nagwaging akdâ.
Pára sa karagdagang detalye, mag-text o tumawag sa 0928-844-1349 o mag-email sa [email protected].