29.2 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

To rent or to own?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG) JUAN

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE, talaga bang pag bagong taon, bagong bahay?

Ha? Ang alam ko pag bagong taon, bagong buhay? Bagong bahay? Ba’t mo natanong, Juan?

Kasi, Uncle, yung kaibigan ko bumili na ng bagong bahay, maliit lang daw pero umutang sya sa bangko. Ayaw na daw nyang mangupahan.

Ganun ba? Alam mo ba kung anong mas maigi, ang mag-rent o mag-amortize na lang ng bahay na sa yo na pagdating ng panahon?

Maraming Pinoy ang may ganyang katanungan. Kasi nga, hindi lahat ay handa sa responsibilidad ng pagkakaroon ng sariling bahay, condo man ito o townhouse, malayo o malapit man sa pinagtratrabahuhan o pinag-ipunan o inutang sa developer o bangko.


Ang sabi ng marami, “naku, sayang ang pera mo sa kababayad ng upa. Para kang nagtatapon ng pera.”

Ang sabi naman ng ilan, ‘mas mabuti pang bumili ka na lang ng talagang sa iyo kahit pa inutang mo. At least, may napupuntahan ang pera mo. Investment ika nga.”

Hindi lahat naiintindihan na ang desisyong bumili o mangupahan na lang ng bahay ay depende sa kalagayan ng tao, edad, ang situwasyon sa trabaho, ang lifestyle at kung nasaan ka sa financial life cycle mo kasi  nagbabago ang prayoridad habang nag-iiba ang estado sa pinansyal mong buhay at sa paglaki ng pamilya.

Isang issue din ang ekonomiya kung saan apektado ang desisyon na yan ng interest at inflation rates. Pag tumataas ang inflation o ang pag-angat ng presyo ng bilihin, utilities at iba pa, pati halaga ng renta o ang construction materials para sa bahay ay tumataas din. Pag tumataas ang interest rate, mas mahal bumili ng bahay at lupa, lalo na kung ito ay uutangin sa bangko.

- Advertisement -

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, tumaas ang residential real estate price index ng 7.7 porsiyento nung 2022 kumpara sa nakaraang taon. Sa taong din yun, ang  presyo ng condominium units ay umakyat ng 12.9 porsiyento. Ang  presyo ng single detached/attached houses ay tumaas ng 10 porsiyento at grabe naman ang pagtaas ng duplex houses sa 42.9 porsiyento.

Mula sa Colliers International, ang renta ng bahay sa Metro Manila ay umakyat ng 3.9 porsiyento nung 2022 kumpara sa nakaraang taon. At inaasahang tumaas pa ang renta ng 2.3 porsiyento nung 2023.

 

Mataas na din ang interest rate sa housing loans, mula 6 hanggang 10 porsiyento sa mga fixed rate loans. Sa bawa’t isang milyon na uutangin mo, mga P8,000-P12,000 kada buwan ang puedeng amortzation mo sa dalampung taon na loan. Maliban pa dyan ang babayarang 20 porsiyentong downpayment sa kabuuang halaga ng property at iba pang fees na ipapataw ng bangko.

Ang inflation rate ay medyo bumaba na sa 3.9 porsiyento nung Disyembre ng 2023 o 6 porsiyento sa kabuuang taon. Pero inaasahang mananatiling nasa mataas na lebel pa rin ang inflation habang naririyan pa rin ang mga panganib sa presyo ng pagkain at lamgis.

Kung ganito ang takbo ng ekonomiya, mahalaga na maiintindihan lalo natin ang pros at cons ng pagrenta o pagmamayari ng isang bahay na titirhan mo at ang epekto nito sa pinansyal na aspeto ng buhay.

- Advertisement -

Tingnan natin ang tatlong K na dapat na tinatanong mo sa sarili mo para mas luminaw ang sagot mo sa tanong na, to rent or to own?

May Kakayahan ka ba? Anong Kapayapaan ba ang hinahanap mo? Anong klase bang Kinabukasan ang gusto mo?

  1. Kakayahan

Sa renta, fixed ang monthly cost mo. May isang buwang advance at isang buwang deposit ka lang, makakalipat ka na kaagad.  Pag may nasira sa bahay, wala ka ring maintenance costs. Lahat yun ay sagot ng landlord mo. Wala ka ring obligasyon tungkol sa mga amilyar o real estate taxes.

Sa mortgage mo, kung kaya mong bayaran ang 20 porsiyento na downpayment, iba pang fees, taxes at insurance, at ang monthly amortization, walang problema.

Ang rule of thumb ay dapat di lalagpas ng 30 porsiyento ng kinikita mo ang renta o amortization mo. Dapat yan lang ang naka-budget sa housing expense mo.

Dagdag mo pa dyan ang maintenance costs ng bahay mo. Habang naluluma nag bahay, imposibleng wala kang dapat ipa-repair o palitan kasi nasira na tulad ng bubong o plumbing.

Sabi ng iba, mas mura pa ring magrenta, lalo na kung sa gitna ng siyudad na mas malapit sa iyong pinapasukan at makakatipid ka pa sa transportasyon.

At pag nangungupahan ka lang daw, mas may kontrol ka sa oras at pera mo na hindi nakatali sa mortgage. Mas may flexibility ka kung saan mo mas gustong iinvest ang pera mo at lumipat sa lokasyong mas angkop sa sitwasyon ng buhay mo.

 

Siguro kung ikaw ay medyo pa-retire na o papunta na sa senior years mo, maaring praktical at lohikal ang ganitong pamumuhay na magrenta na lang at ibenta mo na lang ang mga ari-ariang nalikom mo sa panahong ikaw ay mas bata pa. Pero depende pa rin yan sa lifestyle na gusto mo, sa lagay ng pamilya mo at siyempre sa paniniwala mo tungkol sa ownership ng tirahan mo.

Pero kung ikaw ay nasa prime working years mo, mas magandang mag-invest sa bahay mong sarili kasi tumataas naman ang value ng real estate o property kahit wala kang gawin na improvements at siguradong mas may kikitain ka na higit sa binayaran mo kung sakaling gusto mo na siyang ibenta. At kung gusto mo syang ipa-refinance dahil may gusto kang ipagawang improvement, puede mong magamit ang pagtaas ng value ng property sa loan na kukuhanin mo.

  1. Kapayapaan

Pag may sarili kang bahay, may may kapayapaan daw. Walang magpapaalis sa yo. Kung ano man ang gusto mong gawin sa bahay mo, nasa sa yo ang desisyon. May kalayaan kang mag-renovate na hndi kailangang magpaalam sa landlord.

Kung nagungupahan naman, walang katiyakan kung magbago ang isip ng landlord pagkatapos ng isang taong kontrata. Pero meron ka ring pleksibilidad kung sakaling nagbago rin ang plano sa buhay at naisipang lumipat sa ibang lugar o lokasyon.

  1. Kinabukasan

Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay malaking hamon at responsibilidad. Hindi siya simple. Kailangan may kapasidad kang pinansyal. Ibig sabihin nito ay importante ang may stable at secure na trabaho para mapanindigan mo ang pagbabayad nito sa mahabang panahon. Bawal bumitaw. Dapat handa ka, hindi lamang sa pinansyal na aspeto, kundi pa na rin sa emosyonal na parte ng desisiyon na yan. Kung financial goal mo ang magkaroon ng property na sa iyo, dapat hindi ka mawala sa sinasabi natin parati tungkol sa pagba-budget, pagsa-save at pag-iinvest. Lahat ay para sa iyong financial freedom pagdating ng panahon.

Sa pangungupahan, wala namang masama. Pero ano ba talaga ang short term at long term financial goals mo. Maliwanag na kailangan mong magplano at kasama dyan ang desisyon tungkol sa pagrerenta o pagbili ng bahay o property.  Mahirap na dumaan lang ang panahon na wala tayong oras na mapag-isipan ang pros at cons ng bagay na ito at bigyan natin ang ating sarili ng pagkakataon na mangarap para sa magandang kinabukasan.

O, Juan, to rent or to own? That is the question. Tara, pag-usapan natin.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -