27.2 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Bakit nag-aatubili ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagbababa ng interest rate?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Enero 6, 2024 na hindi pa magbababa ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kahit bumaba na sa 3.9 porsiyento ang inflation rate noong Disyembre 2023. May dalawang  pangunahing dahilan kung bakit hindi nagmamadalali ang BSP sa pagbaba ng interest rate: dahilang internal at dahilang eksternal.

Sa dahilang internal, mataas pa rin ang average inflation rate noong 2023. kahit bumababa na ang inflation rate sa Pilipinas simula pa noong Oktubre 2023 mataas pa rin ang taunang average na inflation rate noong 2023 na naitala sa 6 porsiyento kung ihahambing sa target na 4.1 porsiyento hanggang 4.8 porsiyento na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas.  Idagdag pa rito, ang taunang average na inflation rate ay mas mataas pa rin sa taunang inflation rate na 5.8 porsiyento na naitala noong 2022. Kahit na patuloy na bumababa ang mga buwanang inflation rate hindi pa rin nakatitiyak ang BSP na ito ay magpapatuloy sa mga susunod na buwan. Maaaring tumaas ang inflation rate kung ibaba ng BSP ang interest rate sa pagpapautang na magpapataas sa pagkonsumo at pangangapital ng mga mamamayan. Kapag ito ang nangyari, baka mapilitan ang BSP na baguhin na naman ang patakarang pananalapi na makakaapekto sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya. Dahil dito, hinihintay marahil ng BSP ang patuloy na pagbaba ng inflation rate sa mga susunod na buwan hanggang ang taunang average na inflation rate ay pasok na sa tinatarget ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa kabilang dako, ang dahilan eksternal ay batay sa mga nangyayari sa patakarang pananalapi na ipinatutupad ng Federal Reserve sa Estados Unidos. Ayon sa mga huling impormasyon hindi rin nagbaba ng interest rate ang Federal Reserve ng Estados Unidos dahil mataas na ang employment rate sa bansa na naitala sa 60.1  porsiyento noong Disyembre 2023. Ito ay mataas pa rin sa average na employment rate ng Estados Unidos na naitala sa 59.24 porsiyento sa loob ng mahigit na pitong dekada. Samakatuwid, maituturing na matatag ang pinakahuling employment rate. Dahil dito, hindi na kinakailangan ang dagdag na tulak mula sa Federal Reserve upang pasiglahin ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagbababa ng interest rate.  Idagdag pa rito, ang inflation rate sa Estados Unidos ay nagpapakita ng pagbaba dahil nasa 3.1 porsiyento na ito noong Nobyembre 2023 mula sa 3.2 porsiyento noong Oktubre 2023. Kahit na ito ay mataas pa rin sa target na 2 porsiyento, ang patuloy na pagbaba ay nagpapakita na tinutungo nito ang katatagan. Ang mga datos na ito ay nagpapahiwatig na kayang tugunan ng mga pagbabago sa suplay sa iba’t ibang bilihan ng mga produkto at serbisyo ang pagtaas ng mga presyo. Samakatuwid, hindi na rin nangangailangan ng interbensyon ng Federal Reserve dahil ang pagbaba ng interest rate ay may dala dalang mga sakripisyo sa ibat ibang sektor ng ekonomiya.

Kapag nagbaba ng interest rate ang Federal Reserve maaaring maglipatan ang pondo tungo sa ibang bansa na hindi nagbabago ng kanilang interest rate. Dahil dito, maaaring magkaroon ng depresasyon o bumaba ang halaga ng US dolyar. Sa ganitong sitwasyon, maaaring makapag-ambag ito pagtaas ng presyo ng mga produkto sa bansa dahil nagiging mahal ang mga inaangkat at nagkakaroon ng mahigpit na kompetisyon sa mga nagluluwas sa mga takdang dami ng mga produktibong sangkap. Kung kaya naman ng mga ekonomikong sector na palawakin ang empleo at pahupain ang inflation rate ang interbensiyon mula sa Federal Reserve ay maituturing kalabisan na at magdadala lamang ito ng mabibigat na sakripisyo.

Ganoon din marahil ang inisip ng mga humuhugis ng patakarang pananalapi sa BSP dahil kung babaan nila ang interest rate gayong hindi naman nagbaba ng interest rate ang Federal Reserve ng Estados Unidos, baka ito mauwi rin sa paglabas ng dayuhang pondo sa Pilipinas at mauwi sa depresasyon ng piso. Idagdag pa rito, kahit hindi nagbabago ang interest rate patuloy na bumababa ang inflation rate sa nakaraang tatlong buwan noong 2023. Samakatuwid, umaandar ang mga mekanismo sa iba’t ibang bilihan ng produkto at serbisyo lalo na sa bilihan ng bigas sa pagpapatatag ng presyo ng mga pangunahing produkto na may mabibigat na bahagi sa inflation rate.


Sa harap ng estratehiya ng Federal Reserve ng Estados Unidos at ng BSP sa Pilipinas, mauunawaan natin ang papel ng patakarang pananalapi sa pagpapatatag ng ekonomiya. Tinitimbang ng pamunuaan ng Lupon ng Pananalapi sa mga bangko sentral ang pagbabago ng patakaran. Kaya kung namang tugunan ang problema ng empleo at pagtaas ng presyo ng kani-kanilang bilihan, dapat maging maingat ang mga bangko sentral sa pagbabago sa kanilang patakaran dahil may kakabit na sakripisyo ang ito sa iba’t ibang sector ng ekonomiya sa ngalan ng pagpapatatag ng ekonomiya.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -