27.6 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Mga deboto balik Traslacion 2024

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAPOS ang ilang taong hindi nakapagsagawa ng Traslacion ang mga deboto ng Itim na Nazareno dahil sa pandemya, inaasahan na dadagsaing muli ang prusisyon ng mga debotong Katoliko na magsisimula sa Quirino Grandstand at magtatapos sa Simbahan sa Quiapo sa Enero 9, 2024.

Libu-libong nakaapak na mga Katolikong Deboto ang dumalo sa prusisyon ng Pista ng Itim na Nazareno o Traslacion 2024, na nag-umpisa sa Qurino Grandstand sa Manila ngayon, Enero 9, 2024. Mga larawan ni Mike Alquinto/The Manila Times.

Sa isang artikulo na nakalathala sa quiapochurch.com, isinusulong ni Msgr. Jose Clemente Ignacio, ang kura paroko ng Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala sa tawag na Quiapo Church, ang suporta sa popular na debosyon ng mga Pilipinong Katoliko.

Hindi man lubos na nauunawaan ng buong kaparian ang Traslacion na itinuturing na isang ‘popular religiosity,’ sa pamamagitan nito, aniya, ay nabubuksan ang puso ng mga deboto upang magkaroon ng matibay na pananalig sa Diyos.

Aminado siya na maging ang mga pari ay kinakailangan pang pag-aralan at unawain ang debosyong ito dahil maging ang kaparian ay may alinlangan sa gawaing ito, hindi aniya ito maaaring iisantabi.

Ngunit sa kabila ng mga kritisismo na natatanggap ng mga pari ng Quiapo Church gaya ng: ang gawaing ito ay panatikal at pagsamba sa imahe (idolatrous), ayon kay Padre Ignacio, mauunawaan lamang ang isang deboto kung susubukan mo ring maging isang ordinaryong deboto. At ito aniya ang nagpaunawa sa kanila sa tindi ng debosyon at sinseridad ng mga deboto.


Ayon sa konklusyon ng naturang artikulo, may mga elemento pa sa gawaing ito ng mga deboto na kailangan pang salain ng Simbahang Katoliko.

Ang popular religiosity noon, ayon sa artikulo ni Msgr. Ignacio, ay ibinibilang na labas sa normal at katangggap-tanggap at aprubadong gawain ng Simbahan.

Kung kaya, hinimok ni Padre Father Catalino Arévalo, SJ na magsagawa ng pananaliksik patungkol sa isipiritwalidad ng Itim na Nazareno, ayon sa isa pang artikulo sa website.

Magkagayunman, binigyang-diin ng may akda ang sinabi ni Padre Arevalo na ito: “Looking at how deeply devoted the people are to the Black Nazarene, we can really say, it is real and the people’s devotion is an authentic faith experience!”

- Advertisement -

Ayon din sa obserbasyon ni Padre Arevalo na ang ‘popular religiosity’ ang isa sa mga pinakamakapangyarihang okasyon kung saan ang mga tao ay nakakakonekta sa kanilang pananampalataya. Sa pamamagitan nito, aniya, maraming pamilya ang nakatagpo sa Panginoon at nabuhay ang pananampalataya.

Maraming biyaya, aniya, ang nagaganap sa ganitong mga debosyon gaya ng mga napaulat na paggaling sa karamdaman, milagro, mga nasagot na dasal at pagpapalit ng relihiyon. “If we do not ‘catch’ this, grace might pass by our Church.  We might lose the opportunity for evangelization and waste the gifts God is offering to us,” aniya.

Mga bandang 5 n.u., tinatayang nasa 1,340,000 mga deboto na ang bilang ayon sa Quiapo Church. Ayon naman sa mga otoridad, tinatayang 700,000 ang dumalo bandang 6 n.u., samantalang 200,000 katao ang nanatili sa Quirino Grandstand at tinatayang 30,000 sa Quiapo Church.

Paano nga ba nagsimula ang debosyon na ito ng mga Katoliko? 

Ayon pa rin sa naturang website ang imahe ng Itim na Nazareno ay dinala sa Maynila noong 1606 sakay ng isang galyon mula sa Mexico. Ito ay unang inilagak sa unang simbahan ng Recoletos sa Bagumbayan na ngayon ay kilala nang Luneta (Kung kaya’t nag-uumpisa ang prusisyon sa Luneta grandstand. Editor). Ang patron ng simbahang ito ay si San Juan Bautista.

Taong 1608 nang magtayo ng pangalawang pinakamalaking simbahan ang mga Recoletos sa Intramuros na ang patron naman ay si San Nicolas Tolentino, inilipat dito ang Itim na Nazareno dahil sa dumarami nitong deboto.

Nabuo naman ang Cofradia de Jesus Nazareno, isang samahan ng mga kalalakihan sa Maynila na may malalim na debosyon sa Itim na Nazareno noong taong 1621.

- Advertisement -

Noong Abril 20, 1650, kinilala ni Pope Innocent X ang malakas na debosyon sa Itim na Nazareno, 29 taon matapos itong ilunsad.

Sa kautusan ng taong 1767 ng Arsobispo ng Maynila na si Basilio Sancho De Santas Justa y Rufina, inilipat ang Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo na ang patron ay si San Juan Bautista.

Patuloy na dumami ang mga deboto ng Itim na Nazareno at ang mga patotoo na ito ay naghihimala ay kumalat sa buong kapuluan.

Taong 1791 nang magkaroon ng sunog at natupok ang Simbahan ng Quiapo pero hindi nasira ang imahe ng Itim na Nazareno.

Isang lindol ang yumanig sa Maynila taong 1863 na nagdulot ng matinding sira sa Simbahan ng Quiapo at gayundin sa Katedral ng Maynila pero hindi nito nasira ang imahe ng Itim na Nazareno.

Muling itinayo ang simbahan ng Quiapo noong 1864 at natapos ito taong 1898. At nang ika-19 na siglo, binendisyunan ni Pope Pius VII ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Mula noon, inilagay na ito sa pinakamataas na altar ng Simbahan ng Quiapo.

Taong 1929 na matupok ng apoy ang simbahan at taong 1933 nang simulan muli itong itayo. Nalampasan din ng simbahan ang pagbobomba noong Huling Digmaang Pandaigdig noong 1945.

Habang tumatagal ay dumarami ang mga deboto ng Itim na Nazareno kung kaya pinalakihan ang simbahan taong 1984 at ganap itong naging Minor Basilica ng Itim na Nazareno noong Disyembre 11, 1987 dahil sa ginampanan nito upang dumami ang deboto ng Panginoong Hesus at pagkamaka-Diyos ng mga Pilipino.

Taong 2009 nang simulan ang Traslacion o “transffer” o prusisyon ng Itim na Nazareno mula Bagumbayan o Luneta hanggang Quiapo Church.

Pinakamatagal na prusisyon ng Itim na Nazareno sa kasaysayan ay noong 2012 na umabot ng mahigit 22 oras.

Nakayapak na naglalakad ang mga tao sa prusisyon bilang simbolo ng kababaang-loob at tinitiis nila ang hirap sa pagdalo sa prusisyon at mahawakan ang Itim na Nazareno  na pinaniniwalaan nilang mapaghimala dahil na rin sa mga sunog, lindol, at pagbobomba na pinagdaanan nito ngunit hindi pa rin ito nasira.

Ang pinakahuling Traslacion bago ngayong taon ay noon pang 2020 kung saan may tatlong milyong deboto ang sumali sa prusisyon na umabot ng 16 oras, ayon sa ulat ng GMA News Online.

Noong lockdown dahil sa pandemya sa halip na magkaroon ng Traslacion, ang imahe ng Itim na Nazareno ay dinala sa iba’t ibang simbahan sa Maynila.

Sa halip na tradisyonal na ‘pahalik,” naging ‘patanaw’ na lamang ito noong 2021 at 2022 dahil sa banta ng Covid-19 virus.

Deklarado nang isang special non-working holiday sa Maynila ngayong Enero 9, 2024.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -