SA mga digmaang Ukraina at Gaza, may puwang pa ba para sa usapang pangkapayapaan?
Kung tatanungin ang pamahalaan ng Israel sa ilalim ni Punong Ministro Benjamin Netanyahu at ng kaalyado niyang mga partidong Hudyong radikal, para lamang ang dayalogo sa pagbawi ng mga Israelitang bihag ng kalabang Hamas.
At upang hindi labis magsilakbo at lumahok sa laban ang mga bansang Arabo dahil sa pagkamatay at paghihirap ng libu-libong Palestino sa Gaza, may negosasyon din upang makapaghatid ng ayuda sa mga kahabag-habag na taga-Gazang kapos na kapos sa pagkain, inumin, gamot at iba pang pangangailangan sa buhay dahil sa labanan.
Samantala, noon pang Marso ng nagdaang taon, halos nagkasundo ang Rusya at Ukrainang wakasan ang digmaan at lumabas ng bansa ang mga Rusong mananakop. Kapalit nito, hindi na lalahok ang Ukraina sa alyansiyang North Atlantlic Treaty Organization (NATO) na pinamumunuan ng Estados Unidos (US).
Ngunit inudyukan ng US at Britanyang patuloy na lumaban ang Ukraina sa tulong ng armas, pondo at kaalamang militar ng NATO. Hangad ng alyansiyang patalsikin ng Ukraina ang Rusya — gaano mang kaimposible iyon — at manghina ang hukbong Ruso, sampo ng ekonomiya nito sa bisa ng mga sanction.
Subalit kabaligtaran ang nangyari. Lalong lumakas ang hukbo at ekonomiya ng Rusya, at lubhang nalagas at nawalan ng teritoryo ang Ukraina. Mga 10 milyong mamamayan nito ang lumikas, naagaw ng Rusya ang silangang kinalalagyan ng malaking bahagi ng industriyang Ukraina, at ang 750,000 tropang Ruso ang pinakamalaki at malakas na militar sa Europa ngayong hindi matatalo ng NATO nang walang armas atomika.
Ngayong hindi ibig ng Amerikang makipagdigma sa Europa at Gitnang Silangan, at hindi rin sa Asya, tahimik na iminungkahi ng NATO sa Ukraina na makipagdialogo sa Rusya. Subalit sa napakalaking kalamangan ng hukbong Ruso sa Ukraina at maging sa NATO, kahit magnegosasyon, maitatakda pa rin ni Pangulong Vladimir Putin ang mga kondisyon ng tigil-giyera.
Tutol sa negosasyon ang ating hukbo?
Sa Pilipinas naman, nag-anunsiyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre ng panibagong usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng komunista: Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).
Tutol sa muling negosasyon si Bise-Presidente Sara Duterte, dahil sa palagiang pagsasamantala ng NPA sa tigil-putukan upang maglunsad ng mga atakeng isisisi sa ating Sandatahang Lakas, makakuha ng armas at pondo, at magpalaya ng mga pinunong nahuli na itatalagang tagapayo diumano ng CPP-NPA-NDFP sa dayalogo.
Dahil din dito, tutol ang mga elementong militar, at inamin ito ng Tagapamuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP), si Hen. Romeo Brawner. Kaya naman hindi tinularan ng AFP ang dalawang araw ng paghinto ng atake ng NPA noong Pasko. Sa halip, nagkaenkuwentro sa Bukidnon kung saan isang kawal at siyam na rebelde ang napatay.
Sadyang salat sa tiwala ang magkatunggali sa Ukraina, Israel at Pilipinas, kaya mahirap magkaroon ng tunay na dayalogo.
Sa Israel, mahirap magtiwala ang bansa sa Hamas matapos ang atake noong Oktubre 7. Samantala, kung hangad ng Israel lipulin ang grupong Palestino, bakit makikipagdayalogo ang Hamas?
Sa Europa, mahirap magtiwala ang Rusya matapos hadlangan ng Amerika ang kasunduang tigil-giyera noong Marso 2022. At sa ating bansa, ang dugong dumanak sa nagdaang tigil-putukan ang nakapagdadalawang-isip sa AFP.
Subalit negosasyon pa rin ang kailangan upang mahinto ang labanan bago ito lumala at magbunsod ng mas malawakang giyera, lalo na sa Europa at Gitnang Silangan.
Kung patuloy ang pagdanak ng dugo at pagpapalakas ng armas at tropa, lalong mahirap makipagdayalogo. Sa halip, tumatanim sa isip ng magkalabang bansa na kailangang lipulin sa halip na kapulungin ang isa’t-isa.
Apostol ng dayalogo
Sa ganitong paghina o paghinto ng usapang pangkapayapaan, paalala sa halaga ng dayalogo ang pagyao noong Enero 6 ng masasabing apostol ng dayalogo na si Arsobispo Emerito ng Davao Fernando Capalla, 89 taong gulang.
Malaking susog si Arsobispo Capalla sa kapayapaan sa Mindanao, kasama ang tigil-digma at kasunduang pangkapayapaan ng pamahalaan at mga rebeldeng Moro. Isinulong niya ang Bishops-Ulama Council (BUC) ng mga pinunong Kristiyano at Muslim upang mapaglaganap at mapalalim ang dayalogo ng mga relihiyon.
Sa tulong ng BUC, napalakas ang pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan ng mga Pilipinong Kristiyano at Muslim, maging sa mga panahon ng matinding labanan. At sa pagsusulong niya ng dayalogong relihiyoso, nakuha rin ni Arsobispo Capalla ang tiwala at taguyod ng mga bansang Muslim. Inanyayahan siya ng Pakistan ilang dekadang nagdaan upang lumahok at magbigay-kuro sa pulong tungkol sa dayalogo ng mga relihiyon.
Harinawa, hindi maghihinawa ang mga apostol ng dayalogo sa kabila ng paglayo ng mundo sa usapan at paglago ng labanan at sandatahan.
Paghinto ang usapan, lalong lalakas ang putukan.
Sa banta ng tumitinding giyera, magawa sana ng mga dambuhalang bansa gaya ng US at Rusya, sampo ng matinding magkaaway na Israel, Iran at ilang mga bansang Arabo, na isulong ang dayalogo. Hindi ito dapat mamatay upang maiwasan ang walang hintong pagkitil ng buhay.