26.4 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Wanted: Mga magulang na kasamang nanunuod ng TV ng kanilang anak

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAGAL na nating nakikita ang nakapaskil na “G” (General Patronage), “PG” (Parental Guidance) at “SPG” (Strong Parental Guidance) sa mga screen ng ating telebisyon patungkol sa isang palabas. Kapuri-puri naman talaga ang ginawang klasipikasyon ng MTRCB sa bawat programang panunuorin natin. Nandoon ang pagsasaalang-alang sa kaangkupan ng isang palabas sa mga manunuod, partikular sa mga bata.

At ‘yun pa nga, kahit nagpapalit-palit pa ang pamumuno sa MTRCB, hindi pinakikialaman ng nauupong chairperson ang nakasanayang klasipikasyon. Kaya sa paglipas ng mga taon, nasanay na tayong may gabay na nakapaskil sa ating TV screens. Ang tanong: namanhid na ba tayo sa mga naturang gabay-paalala? May kahulugan pa ba ito sa atin? Isinasaalang-alang pa ba natin ang ganitong klasipikasyon?

Nitong nakaraang taon, sa ilalim ng pamumuno ni Hon. Diorella Sotto-Antonio, muling pinasigla ng MTRCB ang kampanya tungo sa pagpapatatag ng maayos na panuorin sa telebisyon. Tinawag nila itong Responsableng Panunuod campaign. Dito’y inaanyayahan nila ang mga Parent-Teacher’s organizations (PTAs) at mga DepEd officials na lumahok sa ganitong pagtitipon, pati na rin ang iba pang stakeholders ng makabatang panuorin. Ako mismo ay inanyayahang makibahagi sa programang ito ng MTRCB.

Bagama’t napakaganda ng ginawa ng MTRCB sa pagbibigay ng gabay sa mga pamilya tungkol sa TV program na panunuorin pero in reality, ilan ba talagang magulang ang nanunuod ng TV kasama ng kani-kanilang mga anak? Ilang magulang ang talagang nakatutok sa content na pinanunuod ng kanilang anak? Ilang magulang ang ina-analyze ang content ng pinanonood ng kanilang anak?  Mahalaga kasi ang tinatawag na ‘parental mediation’ upang maipatupad ang ating sinasabing ‘Responsableng Panunuod.’ Hindi puwedeng wala tayong pakialam sa pinanunuod ng nakababatang miyembro ng ating pamilya.

Isa pa, sakaling nandiyan nga ang mga magulang sa kanilang tabi habang nanunuod, alam kaya nilang ipaliwanag sa kanilang mga anak ang mga nakakabagabag na imahe at mensahe ng kanilang pinanuod na TV show? Isa rin itong challenge na ating kinakaharap. Dito papasok ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “media literacy training for parents.” Para kung sakaling may mga tanong ang kanilang anak tungkol sa kanilang napanuod, makatitiyak tayo na akma o appropriate ang magiging tugon ng kanilang mga magulang. We have to equip the parents (as well as the teachers, who are considered the ‘second parents’) with ‘media literacy concepts’ to prepare them for the task of implementing the ‘Responsableng Panunuod.’


Kung hindi natin gagawan ng training ang mga magulang, baka kung ano-anong paliwanag ang mangyari. Sa halip na makatulong sa mga bata, baka lalo pang makasama ang ginawang paliwanag. Gaya nung kaso na minsang idinulog sa aming atensyon. Sa naturang forum, tinanong ako ng isang nanay (na guro rin) patungkol sa isang tanong na nagpabagabag sa kanya. Aniya, sabi raw ng anak nyang lalaking onse anyos, “bakit po ba tumitigas ang patutoy ko kapag nanunuod ako ng _____ (isang noontime show) at nakikita ang mga dancers na sexy ang suot?”

“E, paano n’yo po ito sinagot?” tanong ko.

“Sabi ko po, ang ibig lang sabihin nun….ay lalaki siya talaga!”

Siyempre pa ay sinalubong ng tawanan ng audience ang naturang sagot.

- Advertisement -

Biniro ko naman si Misis na parang ginawa yata niyang ‘diagnostic tool’ ang pagtayo ng ari. Na “tunay na lalaki” ang anak niya kapag tumayo; at “nakakaduda ang pagkalalaki” ng bata kung di tumayo.

Pero paano nga ba sinasagot ang gayong tanong?

Heto ang naging paliwanag ko sa kanya –

“Puwede n’yo pong banggitin sa kanya na nasa puberty stage na siya kaya ganun ang naging reaksiyon ng katawan niya. Aktibo na ang male hormone na testosterone sa katawan niya. Ang kaso, nakapanuod siya sa isang noontime show ng mga dancers o models na halos hubad na ang mga katawan. Hindi ito akma sa kanyang gulang. Na sadyang nakaka-disturb ang images ng mga babaeng ito habang patuwad-patuwad at pabuka-buka ang mga hita,” dagdag ko pa.

Kami sa National Council for Children’s Television (NCCT) ay sadyang nakikiisa sa pagtataguyod ng responsableng panunuod sa TV at pelikula. Talaga namang dapat ay concerted effort ito upang maabot natin ang goal ng makabatang panuorin. Pero kahit pa nandito ang mga ahensyang nais magpatupad ng child-friendly programming sa TV – kagaya ng MTRCB at NCCT – kung hindi naman kami tutulungan ng mga magulang (at guro) sa pagpapatupad nito, hindi ito magtatagumpay.

Kaya kailangan namin ang pakikiisa ng bawat isa.

- Advertisement -

Dahil sa paglabas at pagiging popular ng social media (o digital media) ngayon, kahit sino na lamang ay puwedeng mag-upload ng content sa youtube o facebook. Basta’t malakas ang wifi connection, agad-agad tayong nakakapag-upload. Nang mauso at maging popular ang Tiktok, lalong dumami ang naglabas ng content sa online world. Hindi rin patatalo ang Twitter (na ngayon ay “X” na) sa paglalabas ng content mula sa kanilang subscribers na minsa’y nakaka-offend sa sensibilidad natin.

Marami tuloy ang panuorin na hindi nakalulugod sa bata, mga kabataan, at maging sa iba pang miyembro ng pamilya. Wala nang nagaganap na vetting o quality assurance. Wala kasing editor na sasala sa mga nilikhang content. Dito nagiging mapanganib ang youtube o iba pang social media platform.

Ang trend daw ngayon sa Amerika pagdating sa mga palabas na pambata sa telebisyon ay ang pumili ng konsepto mula sa mga nailathala nang aklat pambata. Kumbaga, sa mga naturang aklat pambata hahanguin ang mga kuwento o konseptong ipalalabas sa TV. Sa gayong paraan daw kasi, nakatitiyak tayo na ang nilalaman o content ng palabas ay sadyang makabata. Bilang awtor ng mga aklat pambata, sumasang-ayon ako sa sinabi nilang ito sapagkat ang bawat aklat pambata ay dumaan sa masusing mata ng mga awtor at editor na tutok ang lente sa sensibilidad na pambata at makabata.

Ayon kay Kwame Alexander, kilalang children’s book author sa Amerika ngayon, karamihan daw sa kanyang mga nobelang pangkabataan (young adult novels) ngayon ay binabalak nang gawing pelikula o TV series sa Amerika. Kung matatandaan, marami na ring aklat pambata (picture book man o nobela) ang naging pelikula na rin kagaya ng Matilda, Charlie and the Chocolate Factory, Wonka, at ang tanyag na Harry Potter book series.  Kahit ang mga akda ni Mars Ravelo gaya ng Darna, Dyesebel, at Captain Barbel ay hango rin sa mga babasahing komiks noong araw. Nandiyan din ang Mga Kuwento ni Lola Basyang na naipalabas na sa telebisyon at maging sa pelikula.

Kung susundan natin ang padron ng Amerika at iba pang progresibong bansa patungkol sa pagpo-produce ng mga palabas na hango sa aklat pambata, hindi tayo magkukulang sa mapagkukunan ng materyal para sa palabas sa telebisyon. Lalo pa nga sigurong sisipagin ang mga lumilikha ng aklat pambata (publisher, awtor, ilustrador, at editor) kung makikita nilang naisasalin sa ibang medium ang kani-kanilang akda.

Biruin n’yo, mula sa mga pahina ng aklat, mapapanuod natin ang mga karakter na hango sa aklat na ginagampanan ng mga artista sa TV o di kaya’y gumagalaw na cartoon kung animation ang ginawang adaptation sa TV. Di ba’t ibang karanasan din ito? Hinihikayat ko kung gayon ang mga producers ng mga child-friendly TV shows na tuklasin ang yaman ng karanasan at impormasyon na nakapaloob sa mga aklat pambata.

Kung magsisimula tayong humango ng kuwentong pantelebisyon mula sa ating mga lokal na aklat pambata, hindi tayo kakaba-kaba na baka mapalungi ang mga bata’t kabataan ng ating bansa. Tiyak na magbubunga nang maganda ang pagbibigkis ng telebisyon at ng industriya ng panitikang pambata.

Sa isang panahon na marami ang nagtatanong kung relevant pa ba ang telebisyon sa pagdating ng social media, ang aking panawagan ay ito: paghusayin at palutangin ang makabuluhang content sa telebisyon, mga content na makaka-relate ang mga manunuod, mga content na magpapalutang ng ating pagka-Pilipino, mga content na magpapatatag ng karakter ng mga bata’t kabataan, at mga content na mag-aalay ng pag-asa (hope) sa mga manunuod.

Iyon siguro ang maipantatapat ng telebisyon sa teknolohiyang social media. Hinihingi rin namin ang mas tutok na paggabay ng mga magulang at guro sa kanilang mga anak at estudyante, sa nagbabagong media at teknolohiya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -