MASAYANG nag-post si Vice President Sara Duterte sa kanyang opisyal na Facebook page na Inday Sara Duterte ng tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Department of Edukasyon sa Go Negosyo.
Post niya, “Isang malaking karangalan para sa akin ang maging panauhing pandangal sa ika-18 anibersaryo ng Go Negosyo kamakailan.”
Dagdag pa niya, “Sa loob ng 18 taon, malaking bahagi ang ginagawa ng Go Negosyo sa mga aspiring Filipino entrepreneurs sa pagbibigay ng gabay at suporta na magbibigay-daan sa kanilang pag-unlad sa larangan ng entrepreneurship.”
“Bilang kalihim ng Department of Education, naniniwala ako na upang makamit natin ang isang progresibong bansa, kailangan nating magsimula sa pamamagitan ng pagkintal ng makabagong pag-iisip sa ating mga kabataang Pilipino.
“Kaya naman sa espesyal na selebrasyong ito, pormal ring nilagdaan ng DepEd at ng Go Negosyo ang isang Memorandum of Agreement (MoA) upang ipakilala ang entrepreneurship sa mga high school students. Isa sa mga proyekto ng kasunduang ito ang pagtataguyod ng “Pampaaralang Taniman ng mga Agribida” kung saan ipapakilala natin ang mga pangunahing konseptong pang-agrikultura, paglulunsad ng mga school-based gardens at pag-cultivate ng cash crops sa mga paaralan.
“Kasama rin sa kasunduan ang pagtataguyod ng Agribusiness Education, Mentoring Entrepreneurs through our Teachers, at Youthpreneur Mentorship Program.
“Layunin natin na magbigay inspirasyon sa mga bagong henerasyon ng agricultural leaders sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga programang ito, makakabuo tayo ng isang kinabukasan kung saan handa tayong tumugon sa anumang mga social at economic changes na maaring darating sa hinaharap.
“Mga kababayan, patuloy tayo maging Matatag sa pagtataguyod ng isang Bansang Makabata at mga Batang Makabansa.
“Lahat ng ating ginagawa ay para sa Diyos, Bayan, at Pamilyang Pilipino.”