25.7 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

49 scholars sa Marinduque, nagtapos sa pagsasanay sa wikang Ingles

- Advertisement -
- Advertisement -

UMABOT sa 49 na indibidwal ang nagtapos sa pagsasanay ng english proficiency na isinagawa ng National Language Skills Center (NLSC) sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) at ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO).

Ang pagsasanay ay naglalayong maturuan ang mga iskolar sa tamang paggamit ng wikang Ingles para mapakinabangan sa paghahanap ng trabaho bilang customer service workers gayundin upang mahasa ang kakayahan at kumpiyansa na magtrabaho sa iba pang front office services.

Dumalo sa pagtitipon si Chief Tesda Specialist at NLSC Administrator Mitzi Samson-Endriano kasama sina Leilanie Unciano, Jaffet Ong at Aileen Educalan mula sa NLSC, Gov. Presbitero Velasco Jr. at PESO Manager Alma Timtiman.

Sa mensahe ni Velasco, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsasanay bilang bahagi ng isa sa mga plano ng pamahalaang panlalawigan na magtatag ng Marinduque Economic Zone (MAREZ) at tutulong sa mga naghahanap ng trabaho sa iba’t ibang kumpanya ng business process outsourcing (BPO). Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga natatanging bisita mula sa NLSC.

Ang mga iskolar ay tumanggap ng Certificate of Training at Certificate of Achievement kasama ang kanilang allowance sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP).

Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng pasasalamat ang mga nagsipagtapos dahil sa karanasang ibinigay nito sa pagpapalawak ng kanilang bokabularyo sa wikang Ingles. (RAMJR/PIA Mimaropa – Marinduque)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -