ITINATAGUYOD ngayon ng Sangguniang Panlungsod ng Batangas ang pagtulong sa mga nakatatanda at persons with disabilities (PWD) sa pamamagitan ng pagpasa ng resolusyon na nagsusulong na makapagtrabaho ang mga ito sa mga malls at kagayang establisimyento.
Ang nasabing resolusyon na kanilang ipinasa kamakailan ay nakabatay sa Republic Act No. 7432 na siyang nagtatakda ng pagpapalakas ng kontribusyon ng mga senior citizens at Republic Act 7277 o ang Magna Carta para sa mga PWDs.
Ayon kay Nestor Dimacuha, miyembro ng Sangguniang Panlungsod at chairman ng Committee on Senior Citizens and PWDs na siya ring may akda ng nasabing resolusyon, nararapat lamang ng mabigyan pa ng pagkakataon ang mga ito na makapagtrabaho batay sa kanilang abilidad.
Ani Dimacuha, maraming mamamayan ang nagnanais magkaroon ng marangal na hanapbuhay kaya’t dapat silang mabigyan ng pantay na pagkakataon upang makapagtrabaho.
“Maraming trabaho na maaari sa mga senior citizens at PWD tulad ng greeter, parking teller at iba pa na hindi magiging mabigat sa pisikal na kalagayan ng mga ito, tamang oportunidad lamang ang kailangang ibigay sa kanila,” ani Dimacuha.
Ang resolusyon ay nakatakdang lagdaan ng punong ehekutibo upang agarang maipatupad at mabigyan ng pantay na karapatan at pagkakataon ang mga senior citizen at PWDs sa lungsod ng Batangas. (BPDC/FSC)