26.4 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Obiena, no. 6 noon, no. 2 ngayon, no. 1 sa susunod na taon?

- Advertisement -
- Advertisement -

POLE vaulting, isang laro na karaniwang pinagwawagihan ng mga taga-Kanluran ngunit nitong nagdaang mga taon ay unti-unting pinasok ng isang manlalarong Pilipino hanggang tanghaling ikalawa sa pinakamagagaling na manlalaro sa buong mundo sa kasalukuyan.

Si Ernest John ‘EJ’ Obiena, 28 taong gulang, ipinagmamalaki ng Tondo, ay tumalon nang tumalon hanggang umabot sa pinakamataas na naghatid sa kanya ng 15 beses sa podium at tanggapin ang pagkilala sa 16 na patimpalak na kanyang sinalihan mula Europa hanggang sa Asya.

Sinimulan ni Obiena ang kanyang sunod-sunod na napakagandang laban sa pamamagitan ng pag-reset ng Southeast Asian Games record sa 5.65 meters noong Mayo sa Phnom Penh, Cambodia na kahit isang malakas na pag-ulan sa pagitan ng kumpetisyon ay hindi nakapigil sa kanya sa pagsungkit ng kanyang ikatlong sunod na medalyang ginto.

Noong Setyembe, nakuha ni Obiena ang kanyang unang medalyang ginto sa Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China nang makapagtala ng bagong Asian records sa pole vaulting na 5.90 meters.

Sa gitna ng mga nabanggit na torneo, nalampasan ni Obiena ang 6.0m sa Bergen Jump Challenge sa Norway para itala ang bagong Philippine at Asian records noong Hunyo. Dahil dito, napasali si Obiena sa elite club ng mga pole vaulter na umabot ang lundag sa nasabing taas.

Pagmamay-ari rin ni Obiena ang dating national at Asian standards na 5.94m clearance na kanyang naitala sa 2022 World Athletics Championships noong nakaraang taon sa Oregon, United States, kung saan siya ang naging unang Pilipino na nakaakyat sa podium ng torneo nang makuha ang medalyang tanso.

Ngayong taon, nagawang maging pilak ni Obiena ang medalyang nakamit sa ginanap na World Athletics Championships sa Budapest, Hungary, kung saan napantayan niya ang kanyang personal at Asian high record na 6.0m noong Agosto.

Winasak din si Obiena ang record sa Asian Athletics Championships sa pamamagitan ng pag-reset ng record sa 5.91m noong Hulyo. Nalagpasan niya ang lumang record na 5.71m na siya mismo ang nagtala noong 2019 edition nang manalo siya sa una ng kanyang back-to-back na mga titulo.

Ang huli ngunit tiyak na hindi ang pinakamaliit, at kung mayroon man, ito ang pinakamahalagang tagumpay ni Obiena sa taon: Kwalipikado siyang muli para sa Olympics at susubukin ang kanyang sarili para makaakyat sa isang Olympic podium.

Ang ikalawang pinakamahusay na pole vaulter sa buong mundo ay nakapasok sa Paris Olympics sa susunod na taon matapos na malagpasan ang Olympic standard entry height na 5.82m sa Bauhaus-Galan sa Sweden noong Hulyo.

Dahil dito, si Obiena, na pumangalawa sa naghaharing World at Olympic champion na si Armand ‘Mondo’ Duplantis sa nasabing patimpalak, ang naging unang Pinoy na nag-qualify sa Paris Games sa susunod na taon.

Mula sa pagiging ika-anim sa mundo noong 2021 Tokyo Olympics, malaki ang tiwala ni Obiena na makakatungton siya sa podium sa Hulyo ng susunod na taon dahil na rin nakamit na tagumpay na nagdala sa kanya sa ikawalang puwesto.

“I think it’s pretty good [my podium chances] but there’s still a long way to go. A lot of things can change but I’m pretty confident and I think we have better odds than the last time,” ani Obiena.

Isa si Obiena sa mga nangungunang atleta sa Pilipinas na pararangalan ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa pagdaraos nito ng tradisyonal na Gabi ng Parangal sa Enero 29 sa Diamond Hotel sa Maynila.

Si Obiena, kasama ang kapwa Asian Games gold medalists na sina Meggie Ochoa, Annie Ramirez, at Gilas Pilipinas, ang mangunguna sa mahabang listahan ng mga pararangalan ng pinakamatandang media organization sa bansa.

Ang apat, kasama ang Filipinas football team, ay nag-aagawan para sa prestihiyosong Athlete of the Year award. Halaw mula sa artikulo sa Year-End Report ng The Manila Times

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -