MULING naiuwi ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan Ang Seal of Good Local Governance o SGLG sa 2023 National Awarding Cluster 2 na ginanap sa Maynila.
Ito na ang ang ika-pitong magkakasunod na taon na nakamit ng probinsya and seal matapos ilunsad and SGLG noong 2014.
Ang parangal ay nagpapakita ng epektibo at matapat na pamamahala ng lalawigan sa paghahatid ng serbisyo sa mga Bulakenyo.
Tumanggap ang Bulacan ng P4 milyong pisong halaga ng SGLG Incentive Fund Subsidy na magagamit sa mga high-impact project sa lalawigan.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ang pagkilala ay salamin ng sama-samang pangako sa epektibong pamamahala, pag-unlad, at kahusayan sa serbisyo.
Kinilala rin ni Fernando ang mga pagsisikap ng SGLG sa pag-udyok at paghamon sa mga pamahalaang lokal upang matugunan ang mga pamantayan na nagreresulta sa mas produktibo at progresibong administrasyon na pakikinabanangan ng kani-kanilang mga nasasakupan.
Kabilang sa 493 lokal na pamahalaang nakapasa sa pamantayan para sa 2023 SGLG award ay ang mga munisipalidad ng Angat, Balagtas, Bulakan, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Marilao, Pandi, Pulilan, at Santa Maria; at Lungsod ng Baliwag, kung saan bawat isa ay tumanggap ng SGLG Incentive Fund Subsidy na nagkakahalaga ng P1.8 milyong piso.
Hinamon naman ni DILG Secretary at Council of Good Local Governance (CGLG) Chair Benjamin Abalos Jr. ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na magpatupad ng mas epektibong pamamahala.
Upang maging kwalipikado ang isang lalawigan, bayan o lungsod para sa SGLG award, kinakailangan ng mga LGU na maipasa ang assessment criteria para sa iba’t ibang governance areas kabilang na ang financial administration; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace, and order; environmental management; tourism, heritage development, culture, and the arts; at youth development. (MJSC/VFC-PIA 3)