26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Bagong farmers at fishermen training center, agri office bukas na

- Advertisement -
- Advertisement -

MAAARI nang mapakinabangan ng mga magsasaka, mangingisda at kawani ng Provincial Agriculture Office o PAO ang bagong tayong farmers at fishermen training center at agriculture office sa compound ng kapitolyo.

Pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando (pangalawa mula kaliwa) ang inagurasyon ng bagong tayong Farmers/Fisherfolks Training Center o FFTC, dormitory, at agriculture office sa bakuran ng kapitolyo. Ang FFTC ang magsisilbing sanayan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan upang mapaunlad ang kanilang mga gawain sa bukid at palaisdaan, at gayon din ay gumanda ang kanilang kita. Kasama rin sa larawan mula kaliwa sina Chairman of Provincial Agriculture and Fishery Council Ruperto Hernandez, Provincial Agriculturist Ma. Gloria SF. Carrillo, Bise Gob. Alexis Castro, at Bausa Integrated Farm and Training Center Inc. Chairman Luis Bausa. (Larawan mula sa PPAO).

Ang dalawang palapag na istruktura na nagkakahalaga ng P14 milyon ay magsisilbing tanggapan ng PAO at training center upang mas mabigyan ng kasanayan ang mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan.

Sa unang palapag ay may silid para sa Program Management, Agribusiness and Marketing Assistance Division, Farmers’ Information and Technology Services Center, Provincial Agriculture and Fisheries Extension Center, at dalawang silid para sa training rooms.

Mayroon namang apat na silid sa ikalawang palapag para sa Crops Development Division, Fisheries Development Division, Conference Room, at tig-isa para sa Administrative Division at Tanggapan ng Provincial Agriculturist.

May hiwalay ding gusali  na siyang magiging Farmers/Fisherfolks Training Center dormitory at guest room.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, umaasa siyang higit na makatutulong ang nasabing pasilidad upang mas higit na yumabong ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa lalawigan.

Dagdag naman ni Provincial Agriculturist Ma. Gloria SF. Carrillo na sa pamamagitan ng training center, mabibigyan ang mga magsasaka at mangingisda nang angkop na kaalaman upang higit na mapaunlad ang kanilang mga gawain sa bukid at palaisdaan, at gayon din ay gumanda ang kanilang mga kita. (MJSC/VFC-PIA 3)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -