29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Gatchalian: Bullying sa mga paaralan suliranin pa rin ayon sa 2022 PISA 

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang mga programa para sa proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral, kasunod ng pinakahuling resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA). Lumabas kasi sa naturang pag-aaral na nananatiling suliranin ang bullying, lalo na sa mga lalaki at sa mga pampublikong paaralan.

Dahil sa lumabas na pag-aaral na nananatiling suliranin ang bullying, lalo na sa mga lalaki at sa mga pampublikong paaralan, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mga programa para sa proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Batay sa datos ng PISA 2022, lumalabas na isa sa tatlong mag-aaral na Pilipino ang nakararanas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses isang linggo. Ang PISA ay isang pag-aaral na isinasagawa ng Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD), kung saan sinusuri nila ang kakayahan ng mga mag-aaral na 15 taong gulang.

Halos doble o higit pa ang ibinaba ng bilang ng mga mag-aaral na nakaranas ng mga karaniwang anyo ng bullying. Mula 50 porsiyento noong 2018, bumaba ng higit sa kalahati o 28 porsiyento noong 2022 ang bilang ng mga mag-aaral na iniulat na pinagkatuwaan sila ng kanilang mga mag-aaral. Mula 35 porsiyento noong 2018, bumaba sa 19 porsiyento noong 2022 ang bilang ng mga mag-aaral na nagsabing pinagbantaan sila ng ibang mga mag-aaral. Noong 2018, 33 porsiyento ng mga mag-aaral ang nag-ulat na sinadya silang iwan sa ere ng ibang mga mag-aaral. Nitong 2022, bumaba sa 14 porsiyento ang porsyento ng mga mag-aaral na nag-ulat ng parehong karanasan.

Ayon pa sa 2022 PISA, bumaba ng 11 hanggang 44 na puntos ang marka sa Mathematics ng mga mag-aaral na nakaranas ng bullying sa loob ng isang buwan.

“Alam naman natin na ang bullying ay nagdudulot ng mababang self-esteem, kawalan ng kumpiyansa, at kahirapan sa pag-focus sa pag-aaral ng mga biktima nito. Maaari ring maapektuhan ang kanilang emosyonal na kalagayan, na pwedeng magresulta sa pagbaba ng interes sa pag-aaral,” ani Gatchalian na nanawagan para sa epektibong pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627).

Pebrero nitong taon noong pangunahan ni Gatchalian ang pagrepaso sa pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013, kung saan hinimok niya ang Deparmtent of Education (DepEd) na paigtingin ang mga mekanismo nito para sa pag-uulat hinggil sa bullying. Lumabas kasing hindi tugma ang mga resulta ng international large-scale assessment at ang datos ng ahensya.

Ayon sa DepEd, 21,521 ang naitalang kaso ng bullying noong School Year (SY) 2018-2019. Bumaba ito sa 11,637 noong SY 2019-2020, posibleng dahil sa pagpapatupad ng distance learning. Binigyang diin ni Gatchalian na kung itutugma ang resulta ng 2018 PISA sa kabuuang bilang ng mga mag-aaral, lalabas na 17.5 milyong mga mag-aaral ang nakaranas ng bullying. Ayon sa mambabatas, maaaring underrported o hindi naiuulat ang lahat ng mga kaso ng bullying.

Isinusulong din ng chairman ng Senate Committee on Basic Education ang pagsasabatas ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200). Layon ng panukalang batas na gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program. Isusulong ng naturang programa ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan.

 

Caption

Dahil sa lumabas na pag-aaral na nananatiling suliranin ang bullying, lalo na sa mga lalaki at sa mga pampublikong paaralan, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mga programa para sa proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -