DI-KANAIS-NAIS ang Asean-Japan summit. Iyan ay kung titingnan sa punto de vista ng China. Kabilang sa mga adyenda ng pagpupulong ay ang pinagsanib na pahayag ng Asean at Japan hinggil sa tinagurian nilang lumalalang agresibong pagkilos ng China sa South China Sea, na rito ay ipinagpapalagay na nalalagay sa panganib ang mga bansang Asean.
Mangyari pa, minamasama ng China ang ganung pagtingin. Mula’t sapul pa ay hayag na sa buong mundo ang historikong pag-angkin ng China sa kalakhan ng South China Sea. Ang Nine Dashline Map na sumasaklaw sa teritoryong inaangkin ng China ay nalathala noon pang 1936, samantalang ang UNCLOS na tinitindigan ng Pilipinas bilang siyang pinagkukunan naman ng pag-aari sa pinag-aagawang mga teritoryo ay napagtibay noon lamang 1982. Dagdag pa, ang pagkakaapruba sa UNCLOS ay may malinaw na pasubali na hindi nito nilalabag ang anumang kalagayan na naroroon na bago napagtibay ang UNCLOS. Naroroon na ang pag-aari ng China sa inaangking kalakhan ng South China Sea maraming taon pa bago natatag ang UNCLOS; mismong sa sarili nitong probisyon, dapat na kinikilala ng UNCLOS na pag-aari ng China ang kalakhan ng South China Sea.
Sa katunayan, ang malawakang reklamasyon ng China sa mga pangunahing bahura sa South China Sea upang gawin itong mga kung tawagin sa Ingles ay forward military bases ay hindi na bago. Kasing luma ito ng pagwawakas ng nagdaang milenyo. Noon pang 2012, sa kanyang pagsisiwalat sa mga admiral ng US Navy, ibinunyag ng papaalis sa puwesto bilang intelligence chief ng US Pacific Fleet na si Captain James Fannel, matagal nang nakalatag ang walong kampo militar ng China sa pitong bahura ng Spratly Islands. Nagtataglay ang mga base militar na ito ng mga istruktura, pasilidad at mga kagamitang nagpapakita na ang inaangking karagatan ng China ay matagal na nga niyang napupusisyunan. Natuklasan lamang ito ng Estados Unidos bunga ng Asia Pacific pivot na isinagawa nito simula noong 2008. Tinawag ng noon ay US State Secretary Hilary Clinton ang pagbaling ng Estados Unidos mula Gitnang Silangan tungo Indo Pacific bilang American Pacific Century. Ito ang pamagat ng isang komprohensibong artikulo na inilathala Diplomatic Post noong 2012. Subalit, tila huli na nang mapagtanto niya na ang “American Pacific Century” ay mahirap nang makaalagwa sa harap ng malawakang reklamasyon ng China sa inaangking karagatan. Sa isang iglap, ang South China Sea ay naging West Philippine Sea. Natatandaan ko na unang ginamit ni Clinton ang ganung turing sa komemorasyon noong 2012 ng Mutual Defense Treaty (MDT) na ginanap sa proa ng USS Fitzgerald na nakadaong noon sa Manila Bay. Sa isang pahayag, ibinoses ni Clinton ang pagkadismaya ng US sa paglakas at paglawak na ng presensya ng China sa “West Philippine Sea.”
Ang mga nasa itaas ang may kahabaan at di-maiwasang pasakalye para sa tinutumbok na melodiya ng piyesa sa araw na ito: ang pang-gaan sa isip na kahanga-hangang hinahon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagharap sa tensyon sa South China Sea. Bago ang Asean-Japan Summit, matigas ang paninindigan ni Bongbong na hindi niya ipamimigay ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas. Sinimulan niyang ipahayag ito sa kanyang inagurasyon, pinangalawahan sa unang SONA, at paulit-ulit sa bawat may pagkakataong ulitin sa paglala ng tensyon sa South China Sea. At kada uulitin, iisipin mo na palapit na nang palapit si Bongbong sa pagdedeklara ng giyera sa China. Masdan kung gaano kasugid niyang hinihikayat ang pagsuporta ng iba’t-ibang bansa. Sa ano ba nanghihikayat si Bongbong ng suporta kung hindi sa away? At sa pagsulpot ng Asean-Japan Summit, halos titiyakin mo na nasa ibabaw ng adyenda ni Bongbong ang patuloy na pagkuha ng suporta para sa Pilipinas sa away nito sa China. Una pa muna, sa Dulong Silangan, ang di pa lutas na hidwaan ay ang sa pagitan ng China at Japan. At tulad sa US na laging nakahandang gumatong sa tuwing may pag-init sa pagitan ng China at Pilipinas, ang Japan man ay mayroong, wika sa English, “ax to grind” laban sa China. Tandaan ang Nanking massacre nang salakayin ng Japan ang China noong 1938. Libong Chino ang namatay sa insidenteng iyun. Kaya may malalim na historikong lamat ang relasyong Chino-Hapones, at ang lamat na ito ang tiyak na aasahan ng marami na kakasangkapanin ni Bongbong sa nagpapatuloy niyang paghahanap ng kakampi sa away sa China. Tunay nga, dahil labas sa pormal na summit, nagkaroon ng bi-lateral na pag-uusap sina Presidente Marcos at Premier Kishida at nagkasundo ang dalawa sa isang tinatawag na mutual access o magkatumbas na karapatang pumasok sa kanya-kanyang karagatan upang doon magsagawa ng pinagsanib na military exercises. Kagyat sa isang masugid na tagapagmasid, ang kasunduan ay inaasahang higit pang makapagpapasiklab sa China. Ewan kung ang kasunduan ay maaari ngang ikonekta sa muling pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) sa mga bankang pangsupply ng Philippine Coast Guard (PCG). Subalit naging tanong nga ito kay Bongbong sa isang panayam sa media matapos ang bilateral meeting kay Kishida.
“Hindi ba panahon na upang pauwiin si Ambassador Huang Xilian sa China bunga ng paulit-ulit na pambobomba ng China Coast Guard sa mga bangka ng Philippine Coast Guard?”
Totoong nakakabigla ang sagot ni Bongbong. Pagkaraan ng maraming beses na pag-ulit sa paninindigang labanan ang China sa bintang na kinakamkam nito ang teritoryo ng Pilipinas, aasahan mong mabilis niyang sasang-ayunan ang maingay na panukala ng maraming mambabatas na ideklara nang persona non-grata si Chinese Ambassador Huang Xilian.
Subalit hindi, at ang sagot ni Bongbong ay ito:
“Kung siguro ako personally ang pinag-uusapan (If I am the one being personally talked about), (maybe I’ll be upset but you are not talking about me; you are talking about the Philippines. It does not serve any purpose for us to lose our temper or overreact) marahil mabubuwisit ako subalit hindi ako ang pinag-uusapan ninyo; pinag-uusapan ninyo ang Pilipinas. Walang ibubunga kung mauubos ang ating pasenya o di kaya ay sumobra ang reaksyon),” wika ni Marcos sa mga reporter sa Tokyo, Japan.
“I wish we could talk about it over the table as opposed to colliding with each other’s ship in the open seal…(Sana nga ay mapag-usapan natin ito sa mesa imbes na makipagbanggaan ng barko sa malawak na karagatan. ..)” dugtong pa ng Pangulo.
Dito tayo maaaring makahinga ng maluwag. Sa mahaba-haba na ring paglalakbay sa karagatan ng utak ni Bongbong, ngayon natin natagpuan ang nakatagong lawa na pinamumugaran pa rin ng dalisay na adhikain na ang mga di pinagkakasunduan sa ngayon, hangga’t di bumibitaw sa pag-uusap, ay pasasaan ba’t malulutas pa rin sa mahinahon na paraan.
30DT ay maaari lamang gumana sa panahon ng digmaan. Ang mga insidenteng nagaganap sa pagitan ng PCG at CCG ay dapat na tingnan lamang bilang di maiiwasang bunga ng kanya-kanyang pagsisiksp ng China at Pilipinas na pangalagaan ang kanya-kanyang interes sa pinag-aagawang karagatan. Sa ngayon mas tinitingnan pa ng sektor sa seguridad ng bansa ang pagpapalakas ng kapasidad ng Pilipinas na pangalagaan ang inaangking dagat. At nabanggit na, mas gugustuhin ito ng China. Ibig sabihin, makakawala na ang Pilipinas sa pundiyo ng America at sa pakikitungo sa China tatayo na ang Pilipinas sa sarili niyang mga paa.
Ang digmaang tinutungo ng Project Myuoshu ay matatabunan na ng dayalogo na sa lahat ng sandali ay nakahandang ialok ng China upang wakasan ang sigalot sa Pilipinas.