MGA pagkaing may hatid na benepisyong pangkalusugan ang kadalasang hinahanap ng mga health enthusiasts, katulad ng mga produktong agrikultural na hindi ginagamitan ng mga pestisidyo at pataba.
Ang ganitong demand sa masustansiya at ligtas na pagkain sa merkado ang nagsilbing pundasyon upang mabuo ang San Jose Organic Farmers Association (SJOFA) na sa kasalukuyan ay pangunahing pinagmumulan ng mga organikong produkto kabilang ang gulay, bigas, suka, turmeric, wine, at maging mga organikong pataba sa bayan ng San Jose.
Ayon kay Teresita Salomon, founding member ng SJOFA, sa kasalukuyan ay may sampung aktibong kasapi ang higit limang taon na nilang samahan at naniniwala siyang malaki ang pangangailangan ng munisipalidad sa kanilang organic products. Aniya, bagama’t nalimitahan ang exposure ng kanilang organic trading post dahil sa pandemya, nararamdaman niyang dahan-dahang bumabalik ang kanilang mga kliyente.
Sinabi ni Malou Hartshorn, Focal Person sa Organikong Pagsasaka ng tanggapan ng Municipal Agriculturist Office (MAO) San Jose, tuwing Miyerkules ang market day para sa mga organikong produkto ng mga kasapi ng SJOFA. Tiniyak ni Hartshorn na tanging masustansya, ligtas at mataas na kalidad ng organikong produkto ang mabibili sa organic trading post na matatagpuan sa harap ng gusali ng MAO. Aniya, malaking tulong ang trading post sa exposure ng mga organic products at patunay din ito sa suporta ng Pamahalaang Lokal at ng Department of Agriculture sa organikong pagsasaka.
Hinimok din ni Hartshorn ang publiko na subukan ang lasa ng mga organikong produkto ng San Jose. Bukod aniya sa masarap at mabuti sa katawan ang mga mabibiling pagkain sa kanila, pagpapakita din ito ng suporta sa SJOFA upang patuloy na makapag-produce ng mga organic products.
Sa ilalim ng Republic Act 10068 o Organic Agriculture Act of 2010, patakaran ng pamahalaan na itaguyod, palaganapin, paghusayin, at ipatupad ang organikong agrikultura sa bansa. (VND/PIA MIMAROPA)