NATAPOS kamakailan ang 28th United Nations Climate Change Conference (COP28) kung saan inaprubahan ang mga hakbang na kailangang maisakatuparan upang simulan na ang unti-unting pagpapahinto sa paggamit ng fossil fuel, ang itinurong pangunahing sanhi ng pagbabago ng klima ng mundo.
Sa pangwakas na pananalita ni UN Secretary-General Antonio Guterres sa pagwawakas ng COP 28 nitong Disyembre 13, 2023 na inilathala sa website ng UN, sinabi niya na sa kauna-unahang pagkakataon, matapos ang maraming taon na pagharang na mapag-usapan ito, tinukoy sa nasabing kumperensya na ang fossil fuels ang siyang pangunahing sanhi ng climate change.
Ang mga halimbawa ng fossil fuel ay coal, petrolyo, natural gas, oil shales, bitumens, tar sands at heavy oils.
Halos 200 kinatawan na dumalo sa pagpupulong ang nagkaisa na desisyunan ang kauna-unahang ‘global stocktake’ kung saan nagkasundo na resolbahin ang nagbabagong klima ng mundo bago matapos ang 2030, pangunahin na dito ang mithiin na mapanatili ang global temperature limit sa 1.5 degrees Celsius, ayon sa press release ng UN Climate Change.
Sa panawagan ni Guterres nang ihayag nya ang kanyang pambungad na pananalita sa pagsisimula ng World Climate Action Summit noong Disyembre 1, sinabi niyang kinakailangang tigilan ang paggamit ng fossil fuel dahil imposible aniya na makamit ang limit na 1.5 degrees Celsius kung hindi ito ihihinto. Nakalathala sa website ng UN ang panawagan ni Guterres.
Bagama’t hindi napagdesisyunan na lubusang huwag gamitin ang fossil fuel, sa pangwakas na pananalita ni UN Climate Change Executive Secretary Simon Stiel na nakasaad sa press release ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCC), sinabi niyang ito na ang simula ng wakas ng fossil fuel. “Ngayon, kinakailangang ang lahat ng mga gobyerno at negosyo ay isakatuparan ang mga ipinangako nila nang walang pag-aatubili (Now all governments and businesses need to turn these pledges into real-economy outcomes, without delay),” ani Stiel.
Bilang reaksyon sa desisyon, sinabi naman ni UN Secretary General Guterres: “ Sa mga kumontra sa maliwanag na hangarin ng COP28 na i-phaseout ang fossil fuels, nais kong sabihin na hindi ito maiiwasan sa ayaw at sa gusto nila. Umasa na lamang tayo na kung mangyari ito ay hindi pa huli ang lahat. (To those who opposed a clear reference to a phaseout of fossil fuels in the COP28 text, I want to say that a fossil fuel phase out is inevitable whether they like it or not. Let’s hope it doesn’t come too late.)”
Ayon sa press release ng UNFCC, ang global stocktake ay ikinokonsiderang pangunahing resulta ng COP28 dahil naglalaman ito ng lahat ng elemento na tinalakay na ngayon ay magagamit ng mga bansa upang makalikha ng mas mainam na plano na kinakailangan sa 2025.
Sa naturang stocktake, tinanggap ang sensya na nagsasabing ang global greenhouse emissions ay kinakailangang mabawasan ng 43% bago mag 2030 mula sa level noong 2019 para malimitahan ang global warming sa 1.5 degrees Celsius. Subalit dito rin binigyang-diin na malayong makamit ng mga kasali sa kumperensya ang kanilang Paris Agreement goals.
Nanawagan din ang stocktake sa mga kasapi dito na umaksyon upang matriple ang renewable energy capacity at madoble naman ang energy efficiency improvements hanggang 2030. Nasa listahan din na ito palakasin ang pag-aksyon para ma-phase down ang coal power, ma phase-out ang fossil fuel subsidies at iba pang hakbang para sa tuluyang paghinto ng paggamit ng fossil fuel sa isang maayos at makatarungang paraan sa pangunguna ng mga mayayamang bansa.
Sa loob ng dalawang linggong kumperensya ay ginanap ang World Climate Action Summit na dinaluhan ng 154 pinuno ng iba’t ibang bansa. Nagkaisa sila sa pagpapatakbo ng loss and damage fund at funding arrangements–ang kauna-unahang pagkakataon na isang mahalagang desisyon ang nagawa sa unang araw pa lamang ng conference. Nagsimulang dumating ang mga ipinangakong pondo na umabot sa halagang USD700 million matapos ipukpok ang gavel.
Sa isang hiwalay na video, sinabi ni Executive Director of the United Nations Environment Programme Inger Andersen na ang hustisya at aksyon ay laging magkaakibat. Binigyang diin nya ang kahalagahan ng pagsunod sa mga ipinangako sa COP. Aniya, ang paglalagak ng kontribusyon sa loss and damage fund ay isang mahalagang hakbang upang makuha ang climate justice.
Ayon pa sa statement ng UNFCC, napagkasunduan rin na ang secretariat ng Santiago Network for Loss and Damage ay ilalagak sa UN Office for Disaster Risk Reduction at sa UN Office for Project Services. Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang technical assistance sa mga papaunlad na bansa lalo na sa mga malubhang naaapektuhan ng climate change.
Nagkaisa rin ang mga lider na dumalo sa target para sa Global Goal on Adaptation (GGA) at sa framework nito kung saan nalaman kung paano magiging resilient sa masamang dulot ng pagbabago ng klima at malaman ang ginagawa ng mga bansa para rito. Napagkasunduan, ayon sa GGA framework, ang adaptation targets, at ang pangangailangan sa pondo, teknolohiya at suporta sa capacity-building upang makamit ang mga ito.
Samantala, ang pinakabida sa naturang kumperensya ay ang climate finance na tinawag ni Stiel na “great enabler of climate action.”
Ito ay matapos makatanggap ang Green Climate Fund (GCF) ng panibagong pledges mula sa anim na bansa nitong COP28 kaya umabot nasa sa USD12.8 bilyon ang lahat ng pledges mula sa 31 bansa at inaasahang madaragdagan pa ito.
Nitong COP28, walong donor governments din ang nagpahayag ng kanilang mga bagong commitment sa Least Developed Countries Fund at Special Climate Change Fund na umabot na sa $174 milyon habang napunta naman sa Adaptation Fund ang mga bagong pledges na halos umabot sa $188 millyon.
Sa kabila nito, ayon sa global stocktake, hindi sapat ang mga halagang ito para suportahan ang transisyon sa clean energy ng mga papaunlad na bansa, isakatuparan ang kanilang national climate plans at adaptation efforts na mangangailangan ng trilyon-trilyong halaga.
Upang makakalap ng ganitong kalaking halaga, isinasaad ng global stocktake ang kahalagahan ng reporma sa multilateral financial architecture at pabilisin ang pagsasakatuparan ng bago at makabagong pagkukunan ng pondo.
Nito ring COP28, nagpatuloy ang mga pag-uusap hinggil sa pagtatakda ng ‘new collective quantified goal on climate finance’ para sa taong 2024 kung saan titingnan ang mga pangangailangan at prayoridad ng mga papaunlad na bansa. Ang bagong adhikain na magsisimula sa USD 100 bilyon kada taon ay magsisilbing building block sa disenyo at kalaunan ay katuparan ng national climate plans na kinakailangan magkaroon sa 2025.
Dahil sa layuning unti-unting alisin ang fossil fuels, nagkasundo rin na ang mitigation work programme na inilunsad noong nakaraang taon ay magpapatuloy hanggang 2030 kung saan bawat taon ay magkakaroon ng dalawang global dialogues.
Kabilang sa mga dumalo sa COP28 bukod sa mga world leaders ay mga kinatawan mula sa civil society, negosyo, katutubo, kabataan, pilantropiya, at mga pandaigdigang samahan. May 85,000 katao ang dumalo sa COP 28 upang magbahagi ng kanilang mga ideya, solusyon at bumuo ng partnership at koalisyon.
Binibigyang pagpapahalaga sa naturang okasyon ang kahalagahan na palakasin ang bawat isa para umaksyon laban sa climate change, partikular na ang pagkakaroon ng action plan para sa Action for Climate Empowerment at Gender Action Plan.
Kasabay ng mga pormal na negosasyon, ang Global Climate Action ay naglaan ng lugar sa COP28 para magtulungan at ipakita ng mga gobyerno, negosyo at civil society ang kanilang mga real-world climate solutions.
Naglunsad ang High-Level Champions ng Marrakech Partnership for Global Climate Action ng kanilang roadmap para sa implementasyon ng 2030 Climate Solutions. Ito ay isang set ng mga solusyon mula sa napakaraming non-party stakeholders kaugnay ng epektibong pamamaraan na kinakailangang palakasin at paramihin para mangalahati ang emissions mula sa buong mundo, solusyunan ang kakulangan sa pagpapalit at patibayin ang katatagan bago mag-2030.
May ilan ring patalastas nitong kumperensya upang palakasin ang sistema sa pagkain at pampublikong kalusugan at bawasan ang emissions na kaugnay ng agrikultura at methane.
Kaugnay naman ng ‘enhanced transparency framework’ nitong COP28, ang mga negosasyon ay naglatag ng bagong panahon ng pagsasakatuparan ng Paris Agreement. Ayon sa UN Climate Change, pinagbubuti nito ang pag-uulat kaugnay ng transparency at ang mga review tools na maaaring gamitin ng mga kalahok dito kung saan ang mga ito ay ipinakita at ipinasubok nitong COP28. Ang final version ng reporting tools ay lalabas sa June 2024.
Sa susunod na taon napagkaisahan na gawin ito sa Azerbaijan mula 11-24 ng Nobyermbre 2024 at ang COP30 naman ay gaganapin sa Brazil sa 10-21 Nobyember 2025.
Ang mga susunod na dalawang taon ay napakahalaga. Sa COP29, kinakailangang malaman na kung magkano ang climate finance goal samantalang sa COP30, kinakailangang handa na ang bawat kalahok na bansa na ipakita ang kanilang kontribusyon na pangbuong bansa, na sakop ang lahat ng greenhouse gas at tugma sa 1.5 degree Celsius na temperature limit.
Ayon kay Stiel: “Ang aking huling mensahe ay sa mga ordinaryong tao mula sa lahat ng dako na itinataas ang kanilang boses para sa pagbabago. Bawat isa sa inyo ay nagdadala ng tunay na pagbabago. Sa mga darating na mahahalagang taon ang inyong mga boses at determinasyon ay magiging mas mahalaga. Wag kayong titigil. Narito pa tayo sa laban na ito. Mananatili kaming kasama sa bawat paghakbang ninyo. (My final message is to ordinary people everywhere raising their voices for change. Every one of you is making a real difference. In the crucial coming years your voices and determination will be more important than ever. I urge you never to relent. We are still in this race. We will be with you every single step of the way.)
Sinabi naman ni COP28 President Dr. Sultan Al Jaber: “Kinakailangang makahanap ng bagong paraan ang mundo. Sa pagsunod sa ating North Star, natagpuan natin ang daan na iyon. Nagtrabaho tayong maigi upang matiyak ang mas magandang bukas para sa ating mamamayan at sa ating planeta. Dapat nating ipagmalaki ang ating makasaysayang nagawa.”(The world needed to find a new way. By following our North Star, we have found that path,” said COP28 President, Dr. Sultan Al Jaber during his closing speech. “We have worked very hard to secure a better future for our people and our planet. We should be proud of our historic achievement.)
Sa isang video ng UN Climate Change kay Professor Petteri Taalas, Secretary-General ng World Meteorlogical Organization (WMO), inisa-isa niya ang limang mahahalagang tuklas mula sa provisional State of the Global Climate in 2023 report, kung saan nabasag ang lahat ng climate records. Ang naturang report ay nalathala nitong Nobyembre 13. 2023 upang ipaalam sa negosasyon sa COP28.
Ayon dito, ang taong 2023 ang pinakamainit na taon na naitala; patuloy na tumataas ang greenhouse gases; pinakamataas na sea surface temperature at pagtaas ng sea level at pagkatunaw ng yelo sa dagat ng Antartica; matinding weather na nagdulot ng kamatayan at pagkawasak ng mga ari-arian gaya ng forest fires at heat waves; at kinakailangan na mamuhunan upang pagaanin ang pag-angkop sa climate change at early warning strategies.
###