25.1 C
Manila
Miyerkules, Enero 22, 2025

Agaran at matagalang epekto ng pagpasok ng dayuhang capital

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Hunyo 6, 2023 tinalakay sa kolum na ito ang papel ng dayuhang capital sa pagsulong ng buong ekonomiya. Ang dayuhang capital ay pumapasok sa bansa upang punan ang kakulangan ng pondo sa bansa upang tustusan ang pangangapital ng mga kompanya sa iba’t ibang industriya. Sa artikulong ito ang pakay ko ay suriin ang agaran at matagalang epekto ng dayuhang capital sa mga sector ng isang ekonomiya. Kadalasan ang dayuhang capital ay pumapasok sa mga kompanya sa sektor ng pagmamanufaktura o manufacturing dahil ang mga kompanya dito matitindi sa paggamit sa capital relatibo sa paggamit ng paggawa bilang mga produktibong sangkap. Samantala, kakaunti ang pumapasok na dayuhang capital sa agrikultura dahil ang sector na ito ay matindi sa paggamit ng paggawa relatibo sa capital. 

Kahit na ang mga industriya sa manufacturing ay matitindi sa paggamit ng capital gumagamit din ang mga ito ng mga manggagawa. Sa pagpasok ng dayuhang capital sa manufacturing mangangailangan ito ng mga manggagawa bilang kasangkap sa dagdag na capital. Makukuha lamang ng manufacturing ang dagdag na paggawa kung maglilipatan ang mga manggagawa mula sa agrikultura tungo sa manufacturing. Ang insentibo sa mga manggagawa sa agrikultura na lumipat sa sector ng manufacturing ay kung ang presyo ng paggawa o pasweldo ay tataas.  Ang pasweldo ay tumataas dahil tumataas ang demand sa paggawa bunga ng pangangailangan sa mga manggagawang ihahalo sa dagdag na capital sa manufacturing bunga ng pagpasok dayuhang capital samantalang ang suplay ng paggawa ay hindi gaanong tumataas.  Bunga nito, ang produksiyon ng sector ng agrikultura ay bumababa dahil nababawasan ito ng mga manggagawa na naglilipatan tungo sa sector ng manufacturing. Samantala, sa sector ng manufacturing ang dagdag na capital bunga ng dayuhang capital at dagdag paggawa bunga ng paglilipatan ng mga manggagawa ay magpapataas sa produksiyon nito. Samakatuwid, ang agarang epekto ng pagtaas ng pasweldo bunga ng pagpasok ng dayuhang capital ay ang pagpalawak ng kapasidad ng ekonomiya na may kiling sa produksiyon ng produktong manufacturing.

Ngunit ang kwento ay hindi nagtatapos dito. May pangmatagalang epekto ang pagtaas ng presyo ng paggawa relatibo sa presyo ng capital. Ito ang pagtaas ng proporsyon sa paggamit ng capital relatibo sa paggawa sa dalawang sector dahil nagiging mura ang presyo ng capital. Sa pagtaas ng proporsyon o ratio ng capital sa paggawa mapipilitang ibaba ng manufacturing ang kanilang produksiyon dahil mas marami nang capital ang kakailangan nito upang madagdagan ng produksiyon at hindi nila makukuha ito sa agrikultura na isang industriyang matindi sa paggamit na paggawa. Samantala, maaaring magdagdag ng produksiyon ang agrikultura dahil kaya nilang gamitin ang maraming capital na ipinagpapaliban ng manufacturing dahil naging matindi na rin ito sa paggamit ng capital bunga ng pagbaba ng presyo ng capital sa paggawa at pagtaas ng presyo ng paggawa. Samakatuwid, ang matagalang epekto ng pagtaas ng presyo ng paggawa ay pagtaas ng produksiyon ng agrikultura at pagbaba ng produksiyon ng manufacturing.

Hindi lamang sa pagbabago ng ratio ng capital sa paggawa naipatutupad ang pagbabago sa estruktura ng produksiyon. Naisasagawa din ito sa pagbabago sa presyo ng mga produkto. Sa pagtaas ng presyo ng paggawa tataas ang presyo ng produktong agrikultura na matindi sa paggamit ng paggawa at ito ay nagiging insentibo sa mga prodyuser na itaas ang kanilang produksiyon. Samantala, sa pagbaba ng presyo ng capital bababa rin ang presyo ng produktong manufacturing na matindi sa paggamit ng capital. Ang pagbaba ng presyo ng manufacturing ay magpapababa sa produksiyon sa sector na ito.

Ano ngayon ang netong epekto ng dayuhang capital sa dalawang sector ng ekonomiya? Sa malapitang takbo, pabor ang pagpasok ng dayuhang capital sa manufacturing at masama ang epekto nito sa agrikultura. Ngunit sa matagalang takbo, sa pamamagitan ng pagbabago sa presyo ng mga produktibong sangkap at presyo ng mga produkto tumataas ang produksiyon ng agrikultura at bumababa ang produksiyon ng manufacturing.

Kung mas matingkad ang agarang epekto ng pagbabago ng presyo ng paggawa sa paglilipat ng paggawa kaysa matagalang epekto ng pagbabago ng relatibong presyo ng mga produktibong sangkap ang netong epekto ay pabor sa manufacturing. Makikinabang lamang ang agrikultura kung ang agarang epekto ay mas maliliit sa matagalang epekto. Sa pag-aaral nina Rivera at Tullao, 2023, lumalabas na hindi malinaw ang epekto ng pagpasok ng dayuhang capital sa dalawang sector ng ekonomiya. Nangangahulugan ba ito na halos pantay lamang ang agarang epekto ng pagtaas ng presyo ng paggawa sa paglilipat ng mga manggagawa mula agrikultura patungong manufacturing kaysa matagalang epekto ng pagtaas ng presyo ng paggawa sa estruktura ng paggamit produktibong sangkap? Ang isyung ito ay isang mahalagang hamon sa mga ekonomista na saliksikin kung ano talaga ang epekto ng pagpasok ng dayuhang capital sa mga sector sa ating ekonomiya.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -