HINIKAYAT ng Philippine Ports Authority ang mga pasahero ng pantalan na mag-suot ng facemask ngayong holiday season bunsod ng naitatalang pagtaas ng kaso ng influenza sa bansa.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, bagamat hindi naman required ang pagsusuot ng facemask, mas makabubuti pa rin aniyang sundin ang mga basic health protocols gaya ng pagsiguro na mayroong tamang bakuna, paggamit ng alcohol, at ang palagiang paghuhugas ng kamay upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
“The Philippine Ports Authority has issued guidelines encouraging our riding public going to the PPA terminals to observe yung dating mga health precautions including the wearing of masks, including the constant and regular washing of hands, as well as yung as much as possible maintain social distancing. Encourage, again, we will not require it but we will encourage and we will put the appropriate reminders to the public.”
Matatandaang noong kasagsagan ng pandemic nagkaroon ng “No Mask, No Entry” ang PPA upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Paglilinaw ng PPA General Manager, hindi naman aabot sa ganito ang sitwasyon sa mga pantalan bagkus hinihikayat lamang nito ang publiko na tiyaking maayos ang kalusugan at nararamdaman bago magtungo sa mga pantalan lalo na’t nagsisimula na rin ang peak season ngayong Disyembre sa pag-uwi ng mga tao sa kani-kanilang mga probinsya.
Nauna nang inanunsyo ng Department of Health na ang pagtaas ng kaso ng influenza sa Pilipinas ay dahil na rin sa nararanasang malamig na panahon.
“Mas mabuti na yung sigurado, hindi po natin nakikita ang virus pero mas lamang ang maingat. Ngayong Disyembre pa naman ang dagsa ng mga kababayan natin na uuwi kasama ang kanilang pamilya. Salubungin po natin ang mga mahal natin sa buhay nang may ngiti at malayo sa sakit”, palalala ni Santiago.
Sa datos ng PPA, sa ikatlong linggo ng Disyembre nagsisimula ang dagsa ng mga tao sa pantalan. (PPA/PIA-NCR)