HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na pabilisin ang pag-reset ng power distribution rate para sa Manila Electric Co. (Meralco).
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng pahayag ni dating Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Agnes Devanadera sa isang pagdinig sa Mababang Kapulungan na dati nang nakasanayan ng Meralco na sagutin ang pagpapasweldo sa mga consultant ng ERC na inatasang tumukoy ng weighted average cost of capital (WACC), na kalaunan ay nagre-reflect sa electricity bill ng mga konsyumer. Gayunpaman, sa ngayon ay hindi na rin ito ginagawa.
Ayon kay Gatchalian, hindi nararapat na bayaran ng Meralco ang pagpapasweldo sa mga consultant ng ERC na siyang regulator.
“Habang inaasahan natin na ang bagong distribution rate ay magiging mas paborable para sa ating mga konsyumer, asahan natin ang isang refund kung naaangkop,” sabi ni Gatchalian. Binigyang diin niya na dapat suriing mabuti ng ERC ang mga bahagi ng pagtukoy sa WACC ng Meralco, na nananatili sa 14.97 porsiyento simula pa noong 2015. Ang WACC ay isang mahalagang papel sa pagtukoy ng distribution rates.
“Dapat siguruhin ng ERC na patas at tama ang lahat ng babayaran na pinapasa ng mga distribution utilities sa mga konsyumer. Hindi dapat nagbabayad ang mga konsyumer ng higit pa sa nararapat,” ani Gatchalian.
Batay sa pinakahuling timeframe ng ERC, ang huling pagpapasya para sa fifth regulatory period rate reset para sa mga distribution utilities (DUs), kasama na ang Meralco, ay sa Marso 2024. Kung tutuusin, atrasado na ito ng higit isang taon mula sa orihinal na petsa na ginawa ng ERC para makumpleto ang pag-reset ng rate ng Meralco.
Nauna nang sinabi ng Meralco na ang lahat ng bahagi ng electricity bill ay dumaan sa legal at regulatory approval at sila ay sumusunod sa anumang kautusan batay sa pagsusuri ng rate ng ERC.