25.4 C
Manila
Martes, Disyembre 31, 2024

Bakit kakaunti ang kumukuha ng kurso sa mga programa sa graduate school?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang linggo tinalakay ng aking mga estudyante ang papel ng human capital o tao bilang yaman at knowledge capital o kaalaman bilang yaman sa pagpapaunlad ng isang ekonomiya. Ang human capital ay natutungkol sa mga katangian ng isang tao na magagamit niya upang maging isang produktibong manggagawa. Kasama rito ang iba’t ibang uri ng kasanayan at katangian na hinubog sa pag-aaral mula sa mababang paaralan na lalong pinatingkad sa  kolehiyo at iba pang uri ng pagsasanay. Ang mga katangiang ito ay nagpapataas sa kakayahang kumita ng isang indibidwal sa buong buhay niya sa pamamagitan ng pakikibahagi sa proseso ng produksiyon. Samantala, ang knowledge capital ay mga katangian ng mga tao, kompanya at institusyon na nauuwi sa pagpapalawak ng kaalaman, mga imbensyon, inobasyon sa bagong produkto at makabagong pamamaraan sa pamamagitan ng pananaliksik na lalong pinatitingkad sa mga programa sa graduate school na nagbibigay ng espesyalisadong pagsasanay.

Ang knowledge capital ay hindi lamang nakatuon sa pagpapataas ng produktibidad ng isang tao ngunit sa maraming epekto na kumakalat sa iba’t ibang sektor tulad ng pagpapataas ng produktibidad ng capital at iba pang mga sangkap sa produksiyon at nagpapahusay sa kapaligiran sa trabaho. Kahit mahalaga ang knowledge capital hindi lamang sa  indbidwal ngunit higit sa lahat sa lipunan, kakaunti lamang ang kumukuha ng mga kurso sa mga programa sa graduate school kung saan ito ay binubungkal at pinatitingkad. Ilan sa mga nabanggit na dahilan kung bakit matamlay ang enrollment sa mga programa sa graduate school maliban sa MBA o Master’s in Business Admininstration ay ang sumusunod:

Una, napakalaki ng isinakripisyo sa pag-aaral sa graduate school. Bakit pa mag-aaral sa graduate school kung maari na silang makapagtrabaho at kumita nang malaki pagkatapos ng kanilang kurso sa kolehiyo. Kung mag-aaral pa sila, ipagpapaliban nila ang pagtatrabaho at mawawalan sila ng kita.

Ikalawa, kahit na may dagdag sa sahod na makukuha sa pagtatapos sa mga programa sa graduate school o ang tinatawag na pribadong benepisyo sa pag-aaral hindi ito sapat upang punan ang mga pribadong gastos at isinakripisyo sa dagdag na pag-aaral. Samakatuwid, napakataas ng gastos sa pag-aaral sa graduate school dahil hindi lamang ito natutungkol sa matrikulang binabayaran ngunit sa kitang ipinagpapaliban upang mag-aral.

Ikatlo, hindi nakikita o nalalasap ng mga indibidwal ang malawak na benepisyong panlipunan mula sa mga programa sa graduate school tulad ng inobasyon, imbensyon at pagtaas ng produktibidad ng iba’t ibang sangkap sa produksiyon. Ito ay maituturing mga positibong eksternalidad. Ang nakikinabang dito ay ang buong lipunan.


Ika-apat, ang limitadong pondo ng pamahalaan ay nakalaan sa mababa at mataas na paaralan  at hindi sapat ang pondo ng pamahalaan upang tustusan ang mga programa sa graduate school.

Dahil sa mahahalagang benepisyo sa lipunan ng mga gradwadong programa na tinutumbasan ng mataas na gastos kinakailangan ang sabsidi mula sa pamahalaan upang malasap ng indibidwal ang mga dagdag na benepisyo ng pag-aaral. Ang sabsidi ay upang tustusan ng pamahalaan ang dagdag na gastos higit sa pribadong gastos. Sa ganitong paaraan, maeenganyo ang mga mag-aaral na kumuha ng espesyalisadong programa sa graduate school na makabag-aambag sa knowledge capital ng bansa.

Dahil dito ang libreng edukasyon sa kolehiyo sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan ay hindi angkop at di sapat upang maenganyo ang mga estudaynate na kumuha ng mga kurso sa graduate school.

Hindi angkop dahil malaking bahagi ng libreng edukasyon ay patungkol sa mga programa sa kolehiyo na hindi naman dapat tulungan dahil naisasapribado nila ang benepisyo ng pag-aaral sa kolehiyo. Ang layunin nito ay mapalawak ang akses sa pag-aaral sa kolehiyo lalo na sa mga maralitang estudyante.

- Advertisement -

 

Di sapat dahil ang libreng edukasyon ay binabayaran lamang ang matrikula at hindi kasama ang isinakripisyong kita ng mga mag-aaral. Kung talagang gusto ng pamahalaan na maenganyo ang mga mag-aaral na kumuha ng kurso sa graduate school dapat bayaran sila sweldong tatanggapin kung sila ay nagtatrabaho. Halimbawa, kung tumatanggap ang isang nagtapos ng kolehiyo ng sweldong PHP 30,000 bawat buwan kailangang may honorarium ang mga mag-aaral ng PHP 30,000 bawat buwan kasama ang libreng matrikula.

Higit pa sa kakulangan ng pondo ng pamahalaan ang isa pang dahilan kung bakit hindi rin masuportahan ng pamahalaan ang mga mag-aaral sa graduate school ay ang panganib na masayang ang kanilang pondo sa pagtustos sa pag-aaral sa mga espesyalisadong programa. Dahil may hawak na silang MA at PhD ang mga ito ay maaaring lumisan sa ating bansa at magtrabaho sa ibang bansa. Hindi lamang ang mataas na sweldo ang kanilang habol ngunit ang isang kapaligirang lubusan nilang mgagamit ang kanilang pinag-aralan at lalo pa nilang maipatataas ang kanilang kaalaman bunga ng karanasan, mahusay at makagabagong kagamitan.

Dahil sa panganib na ito, nagdadalawang isip ang mga pamahalaan sa papaunlad na bansa na bungkalin ang kanilang espeyaslisadong programa kahit alam nila ang potensyal na kontribusyon nito sa pangkalahatang lipunan may panganib na hindi ito lubusang matatamasa ng bansa dahil marami sa mga pinag-aral na mga espeyalisadong programa ay maaaring lumilisan ng bansa.

- Advertisement -
Previous article
Next article
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -