26.8 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Ang Propesor

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

Salin mula sa Tuesdays with Morrie

WALONG taong gulang siya noon. Isang telegrama ang dumating galing sa ospital, at dahil ang kanyang tatay, isang immigrant mula sa Rusya, ay hindi makabasa sa Ingles, kinailaingan ni Morrie na ibalita rito ang pagkamatay ng kanyang nanay. Binasa  niya ang telegrama na para siyang isang estudyante sa harapan ng klase.

“Ikinalulungkot naming sabihin sa inyo…” simula nito.

Sa araw ng libing, dumating ang mga kamag-anak ni Morrie sa hagdan ng kanilang tenement building sa mahirap na bahagi ng Lower East Side ng Manhattan. Ang mga lalaki’y nakasuot ng itim na amerikana, ang mga babae’y naka-belo. Ang mga bata sa kapitbahay ay papasok pa lang sa eskwelahan, at habang dumaraan sila, napayuko si Morrie, nahihiya na.


Makikita siya ng mga kaklase na ganito ang kalagayan. Isa sa kanyang mga tita, isang babaeng malaki, ay humila kay Morrie at nagsimulang umiyak: “Ano na ang mangyayari sa iyo ngayong wala ka nang nanay? Ano ang mangyayari sa iyo?”

Umiyak si Morrie. Tumakbo ang kanyang mga kaklase.

Sa sementeryo, nanonood si Morrie habang nagpapala sila ng lupa sa puntod ng kanyang nanay. Pinilit niyang alalahanin ang mga magagandang alaala nang buhay pa ito. Ang nanay niya’y may tindahan ng kendi na kanyang binantayan hanggang siya’y magkasakit. Pagkatapos nito’y madalas na itong matulog o umupo sa may bintana, mukhang mahina at namayat na.

Minsa’y sisigaw ito at tatawagin ang pangalan ng anak para kunin ang kanyang gamot, at ang batang si Morrie, habang nagpipiko sa kalye, ay nagkukunwaring hindi ito naririnig. Sa kanyang isipan, naniwala siyang mapapaalis niya ang sakit ng nanay niya kapag hindi niya ito pinakinggan.

- Advertisement -

Paano pa kaya haharapin ng bata ang kamatayan?

Charlie ang pangalan ng tatay ni Morrie, at pumunta ito sa Amerika para makatakas sa army ng mga Russian. Nagtatrabaho ito sa pagawaan ng mga winter coat, pero kadalasa’y wala itong trabaho. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral at halos hindi marunong magsalita ng Ingles. Sagad ang kahirapan niya, at ang pamilya’y madalas mangailangan ng tulong mula sa gobyerno.

Ang kanilang apartment ay isang madilim, masikip, at malungkot na lugar sa likod ng tindahan ng kendi. Wala silang mga luho. Walang kotse. Minsan, para kumita ng pera, sina Morrie at ang kanyang kapatid na si David ay naglilinis ng mga hagdan ng mga tao para makaipon ng mga barya.

Pagkamatay ng kanilang nanay, ang dalawang bata’y ipinadala sa isang maliit na hotel sa kakahuyan sa may Connecticut. Doon, may ilang pamilya ang nakatira sa isang malaking cabin at nagluluto sa isang kusina. Inisip ng kanilang mga kamag-anak na baka makabuti sa mga bata ang sariwang hangin doon.

Noon lamang nakakita ng luntiang kapaligiran ang magkapatid, kaya nahilig silang tumakbo at maglaro sa kapatagan. Isang gabi matapos maghapunan, naglakad sila at nagsimulang umulan. Sa halip na pumasok sa loob, naglaro sila sa ilalim ng ulan ng ilang oras.

Kinabukasan, paggising nila, tumayo na sa kanyang kama si Morrie.

- Advertisement -

“Halika na,” sabi nito sa kanyang kapatid. “Tumayo ka na diyan.”

“Hindi ko kaya.”

“Ano ang ibig mong sabihin?”

May takot sa mukha ni David. “Hindi ako… makagalaw.”

Mayroon siyang polio.

Siyempre naman, hindi naman ito dahil sa ulan. Pero ang isang batang nasa edad ni Morrie ay hindi pa ito maiintindihan. Sa mahabang panahon — habang ang kanyang kapatid ay dinala at inuwi at dinala muli sa isang espesyal na ospital at pinilit magsuot ng brace para sa kanyang mga paa, na dahilan kaya siya iika-ikang maglakad — ay naramdaman ni Morrie na siya ang dahilan.

Kaya tuwing umaga, nagpunta siya sa mga synanogue — siya lang, dahil hind naman relihiyoso ang kanyang tatay — at tumayo siya sa harap ng mga lalaking nakasuot ng mahaba at itim na mga damit at humiling siya sa Diyos na alagaan ang kanyang namatay nang nanay at maysakit na kapatid.

At tuwing hapon, tumayo siya sa ibaba ng mga hagdan sa subway at nagbenta ng mga magasin, at ibinigay ang konting kita niya sa kanyang tatay para pambili ng pagkain.

Sa gabi, pinanood niya ang kanyang tatay na kumakain nang tahimik, inaasahan—pero hindi naman nangyari—na magpakita ito ng pagmamahal, pag-aalala, o kausapin man lang siya.

At sa gulang na siyam na taon, naramdaman niya na parang nakadagan sa kanyang balikat ang bigat ng isang bundok.

Pero may salbabidang nagligtas kay Morrie nang sumunod na taon: ang kanyang bagong madrasta, si Eva. Siya’y isang maliit na immigrant mula sa Romania, simple lang ang itsura, kulot ang kayumangging buhok, at may enerhiya para sa dalawang babae.

Mayroon siyang liwanag na nagpainit sa madilim na kapaligiran na binuo ng kanyang tatay. Nagsasalita siya habang tahimik ang kanyang bagong asawa, kinantahan niya ang mga bata kapag gabi na. Naaliw si Morrie sa malamyos nitong boses, sa kanyang mga leskyon sa eskwelahan, sa malakas na karakter ng kanyang bagong nanay.

Nang bumalik ang kanyang kapatid mula sa espesyal na ospital, suot pa rin ang kanyang braces sa binti dahil sa polio, natulog ang dalawa sa isang kamang may gulong sa kusina ng kanilang apartment, at hinahalikan sila ni Eva bago sila matulog sa gabi. Hinihintay ni Morrie ang mga halik na iyon na parang tutang naghihintay ng kanyang gatas, at naramdaman niya, sa kaibuturan ng kanyang puso, na mayroon na siya uling isang nanay.

Pero hindi pa rin sila nakatakas sa kanilang kahirapan. Nakatira na sila noon sa Bronx, sa isang apartment na may isang kuwarto sa isang pulang gusali sa Tremont Avenue, katabi ng isang Italian beer garden kung saan nagpupusoy ang mga matatandang lalaki kapag gabi na. Dahil sa Depresyon noong 1930s, mas konti ang trabahong dumating sa kanyang tatay. Minsan, sa kanilang hapag-kainan, tinapay lamang ang inihahain ni Eva.

“May iba pa po bang pagkain?” tanong ni David.

“Wala na,” ang sagot ni Eva.

Kapag pinatutulog na nito sina Morrie at David, kumakanta siya ng mga awiting Yiddish. Kahit na ang mga kanta’y malungkot at mahirap. May isa tungkol sa isang babaeng nagtitinda ng sigarilyo:

Bumili na po kayo ng aking sigarilyo.

                        Sila ay tuyo, hindi nabasa ng ulan.

                        Maawa na po kayo, maawa na po kayo.

Pero kahit na ganito ang kanilang sitwasyon, tinuruan ni Eva sina Morrie at David na magmahalan at alagaan ang isa’t isa At mag-aral. Walang ibang gusto si Eva kundi kahusayan sa pag-aaral, dahil nakita nito na edukasyon lamang ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Siya mismo ay nag-aral din sa night school para pagalingin ang kanyang Ingles. Ito ang nagpalalim ng pagmamahal ni Morrie sa edukasyon.

Nag-aral siya sa gabi, sa tabi ng lampara sa mesa sa kusina. At sa umaga, nagpupunta siya sa synagogue para sa Kaddish—ang mga panalangin para sa mga namatay na—para sa kanyang nanay. Ginawa niya ito para laging buhay sa kanya ang alaala ng kanyang nanay.

Nakagugulat na sinabihan si Morrie ng kanyang tatay na huwag nitong pag-usapan ang pagkamatay n kanilang nanay. Gusto kasi nito na isipin ng batang si David na si Eva ang kanyang nanay.

Malaki itong pabigat kay Morrie. Sa pagdaan ng maraming mga taon, ang nag-iisang ebidensya ni Morrie tungkol sa kanyang nanay ay ang telegrama na nagbabalita ng pagkamatay nito. Itinago niya ito nang araw na dumating ang telegrama.

Itinago rin niya ito sa buong buhay niya.

Nang teen-ager pa si Morrie, dinala siya ng kanyang tatay sa pabrika ng winter coat kung saan ito nagtratrabaho. Ito’y noong panahon ng Depresyon. Ang ideya ay para makakuha si Morrie ng trabaho doon.

Pagpasok pa lamang niya sa pabrika’y naramdaman na niyang parang nagsara ang mga pader sa paligid niya. Madilim at mainit ang kuwarto, ang mga bintana’y natatabunan ng dumi, at magkakadikit ang mga makina, umaandar na parang mga gulong ng tren. Lumilipad ang mga buhok ng fur, na nagpapakal sa hangin, at ang mga manggagawang nagtatahi’y nakayuko sa kanilang karayom habang nagmamartsa ang boss pataas at pababa ng pasilyo, sinisigawan silang bilisan pa ang pagtratrabaho. Halos hindi makahinga si Morrie. Nakatayo siya katabi ng kanyang tatay, naninigas sa takot, ipinagdarasal na huwag rin siyang masigawan ng boss.

Nang dumating ang pahinga para sa pananghalian, dinala si Morrie ng kanyang tatay sa kanyang boss at itinulak ito sa harapan, tinanong ito kung may trabaho para sa kanyang anak. Pero halos wala na ngang maibigay na trabaho pa para sa matatandang mga manggagawa, at wala namang gustong mawalan ng trabaho.

Isa itong regalo para kay Morrie. Ayaw niya sa lugar na iyon. Gumawa siya ng pangako na tinupad niya hanggang sa dulo ng kanyang buhay: hindi siya gagawa ng trabahong gumagamit sa iba pang mga tao, at hindi niya papayagan ang sariling kumita mula sa pawis ng iba.

“Ano ang gagawin mo?” tanong ni Eva.

“Hindi ko po alam,” sagot ni Morrie. Ayaw naman niya ng abogasiya, dahil ayaw niya sa mga abogado, at ayaw din niya ng medisina, dahil hindi niya kayang makakita ng dugo.

“Ano ang gagawin mo?”

At dito nagsimula kung paanong nagging titser ang pinakamagaling kong naging propesor.

“Ang titser ay nakakaapekto sa eternidad; hindi niya malalaman kung saan hihinto ang kanyang impluwensiya.”

–Henry Adams

Ang kopya ng nobelang Tuesdays with Morrie ay mabibili sa National Bookstore. Mabibili rin doon ang libro ni Danton Remoto na Happy Na, Gay Pa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -