26.8 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Misa binomba sa Marawi: Delikado ba ang Pasko?

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pagbomba ng Misang Katoliko sa palaruan o gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi nitong Linggo, Disyembre 3, kung saan apat agad ang namatay at 43 ang nasaktan, sadyang mag-aalala o mangangamba ang marami sa seguridad ng Paskong darating.

Mga biktima ng pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi City nitong Linggo Dis. 3, 2023 habang nagmimisa. CONTRIBUTED PHOTOS

Sa Disyembre 15 hanggang 24, magkakaroon ng Simbang Gabi at Misa de Gallo nang siyam na araw sa libu-libong simbahan sa buong bansa, kabilang ang daan-daan sa Mindanao. Bagaman maghihigpit ang kapulisan at pamunuang bayan, hindi mapagtitibay ang seguridad sa lahat ng napakaraming lugar.

Hindi kataka-taka kung may kinalaman sa digmaang Hamas-Israel ang atake. Milyun-milyong Muslim sa buong daigdig ang nag-aalma sa paglusob ng Israel sa Gaza Strip, ang luklukan ng Hamas sa Timog Israel, karatig ng Ehipto at Dagat Mediteraneo.

Ayon sa mga alagad ng kalusugan ng gobyernong Hamas sa Gaza, lampas 15,700 ang namatay sa digmaan, kabilang ang 11,000 babae at bata. Mahigit doble ito ng mga Palestinong napatay sa tunggalian sa buong Israel, kabilang ang West Bank karatig ng Jordan, mula 2008 hanggang Setyembre, bago sumiklab ang kasalukuyang digma noong Oktubre. Samantala, mga 2,000 mamamayang Israel ang nasawi mula 2008, kabilang mahigit 1,500 na pinatay ng Hamas noong Oktubre.

Sa libu-libong nasasawi, maging ang Estados Unidos, pangunahing kaalyado ng Israel, nagbabalang dapat pangalagaan ang mga sibliyang di-lumalaban. Pangamba ng US na magsilakbo at lumahok sa giyera ang mga karatig na bansang Muslim, kabilang ang Iran at Syria, at maging ang Turkiya, Ehipto at Saudi Arabya, mga bansang may maayos na ugnayan sa Amerika.


Terorismo at iba pa

Sa tumitinding galit sa Israel ng mga radikal na armadong Muslim sa Gitnang Silangan at sa ating rehiyon ng Timog-Silangang Asya, dapat lalong paigtingin ang mga programa kontra terorismo, lalo na ng pakikipagtulungan sa mga karating bansang Muslim gaya ng Indonesya at Malaysia.

At lalo pa ang pagsasanib-puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o Sandatahang Lakas at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) laban sa terorismo.

Sa katunayan, napakamatimbang ang pahayag at pagkilos ng pamahalaang BARMM hinggil sa pagbomba sa Marawi. Kung walang gaano itong sabihin o gawin, baka isipin ng mga teroristang wala silang dapat ikatakot sa BARMM. Lalo silang lalakas ang loob sa pag-atake.

- Advertisement -

Gayon din, ano ang wika ng pamahalaang rehiyon matapos mapatay noong Disyembre 2 ang pinunong Abu Sayyaf na nagplano ng mga pagbomba sa Jolo, kabilang ang Katedral noong 2019 at dalawang pasabog sa lungsod noong 2020.

Magugunitang noong halalan, sumuporta kay dating bise-presidente Maria Leonor Robredo si Murad Ebrahim, ang Punong Ministro ng BARMM at tagapamuno ng Moro Islamic Liberation Force (MILF).

At pihadong hindi natuwa ang mga Muslim sa agarang pagkampi sa Israel nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez pagsiklab ng giyera laban sa Hamas.

Noong Nobyembre 30, biglang umatras sa planong biyahe ni Pangulong Marcos sa Dubai para sa pandaigdigang pulong tungkol sa pagbabago ng klima sa mundo. Ibig daw niyang tutukan ang pagsagip sa mga marinong Pilipinong nasa barkong Israel na inagaw ng mga terorista sa Gitnang Silangan. Subalit hindi kataka-taka kung nahinto ang paglipad dahil sa posibleng banta sa Pangulo kung tumuloy siya.

At isa pang pangyayaring mainam isaisip hinggil sa pagbomba sa Marawi: ang planong buhaying muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sa totoo lang, may panganib tumindi ang labanan ng CPP-NPA at AFP, gaya ng nangyari sa nagdaang mga negosasyon para sa kapayapaan. Kung magkagayon, pihadong magsasamantala ang ibang radikal na grupong kontra gobyerno.

- Advertisement -

Ingat lang tayo

Sa gayong mga pangyayari, marapat lalong mag-ingat ang sambayanan, lalo na ang mga lungsod na dating inaatake ng mga terorista. Pangunahing kailangan ang mas maigting na pagtutulungan ng kapulisan, pamahalaang lungsod at barangay, at AFP.

Sa paglapit ng kampanya para sa halalan ng Mayo 2025, lalong dapat magmatyag hindi lamang sa mga pagpaslang ng mga magkaribal na pulitiko, sampo ng mga lokal nilang tagasuporta. Problema rin ang paghahangad kumita ng mga rebelde hindi lamang sa pangingikil sa nangangampanya, kundi sa mga salering aarkilahin ng magkalabang kandidato,

Hindi malayong inatake ang MSU dahil hindi ito inaakalang target ng mga radikal na grupo, dahil dating propesor doon ang malaong pinuno ng separatistang Moro na si Nur Misuari. Subalit ito na nga ang aral: aatakihin ang mga lugar na walang pangamba at malamang wala ring paghahanda laban sa terorista.

Samantala, lalong mahalaga ngayong awat muna sa mga tagisang politika sa bansa, lalo na ang paninira sa Pangalawang Pangulong Sara Duterte ng mga pulitikong ibig magbunsod ng karibal na kandidato sa pagkapangulo sa 2028, alinsunod sa pakay ng US na hindi magkaroon ng isa pang Presidente Rodrigo Duterte.

Dahil dito, nanganganib ang magandang samahan ng Marcos-Duterte na nagwagi sa halalan at nagtaguyod ng malakas na gobyerno. At kung may ganitong girian sa pambansang pulitika, pihadong may mga armadong radikal na ibig magsamantala.

Ingat tayo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -