27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Tagumpay sa edukasyon, hindi hadlang ang pagiging katutubo at kahirapan

- Advertisement -
- Advertisement -

“Hindi hadlang ang pagiging katutubo at ang kahirapan sa pagkamit ng tagumpay sa edukasyon,” ito ang naging pananaw ni Kim Inde, 23 taong gulang mula sa Brgy. Mainit, Brooke’s Point, Palawan.

Si Kim ay naging top 9 sa 2023 Philippine Midwives’ Licensure Examination.

Ayon kay Kim, siya ay isa sa limang anak nina Renecio at Nelita Inde mula sa katutubong Palaw’an at kapwa magsasaka ng niyog ang kanyang mga magulang.

“Dumating sa punto na halos wala na kaming saging at kamote na lamang kapag hindi pa panahon ng pag-aani at pagkokopra. Nagtiyaga ang aking mga magulang sa paghahanap ng ibang pagkakakitaan sa pamamagitan ng paggawa ng suka o coconut venigar at pagbebenta ng saging at gulay,” ang kuwentong pagbabalik-tanaw ni Inde.

Si Kim Inde habang masayang hawak ang baby na kanyang inaasikaso sa Ancing Paanakan. (Larawan mula sa Ancing Paanakan FB Page)
Laking pasasalamat naman ng pamilyang Inde nang makapasok sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps noong taong 2014.

Ayon kay Kim, nakatulong sa kanyang pag-aaral noong siya ay high school ang nasabing programa. Ito rin ang nagbukas sa kanya ng maraming oportunidad sa edukasyon.

“Malaking tulong ang 4Ps lalo na sa financial needs ng aking pamilya at maging sa aking pag-aaral. Ang cash grants na aming natanggap noon ay responsableng inilalaan ng aking mga magulang sa edukasyon at kalusugan – sa maayos na paraan,” pahayag ni Kim.

Hindi nagpatinag si Kim sa kahirapang naranasan ng kaniyang pamilya noon. Nagsumikap siya na makapagtapos ng pag-aaral sa kursong Diploma in Midwifery noong Agosto 2023 sa University of the Philippines-Leyte.

Kumuha siya ng Licensure Examination for Midwives noong Nobyembre 2023 kung saan mula sa 4,119 na kumuha ng pagsusulit ay isa siya sa 2,800 na nakapasa at napasama pa sa mga topnotcher na may average rating na 90.60 porsiyento.

Sa kasalukuyan, siya ay boluntaryong nagtatrabaho bilang midwife sa kanilang health center habang hinihintay ang formal deployment sa Department of Health (DoH) bilang siya ay naging iskolar ng DoH.

Ayon kay Kim, magpapatuloy siya sa pag-aaral sa UP Open University upang makapagpatuloy sa kanyang minimithing propesyon.

Payo nito sa mga kapwa katutubo at mga mag-aaral, “Keep on holding and pursuing sa ating mga pangarap sa buhay. Hindi madali ang buhay estudyante. Maraming beses nating iniisip na sumuko, thinking na imposible na nating maabot ang mga pangarap natin, but lahat ng bagay ay nasa control naman ng Panginoon. Let’s just lay it down to Him and hold to His words.” (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -