28.8 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Matipid na transportasyon at enerhiya

- Advertisement -
- Advertisement -

SABI noong iba, minalas daw ang Pilipinas dahil sa watak-watak na heograpiya (geography) nito. Dahil ang bansa natin ay isang biyak-biyak na kapuluan (archipelago) na nakapatong sa gilid ng isang tectonic plate at nasa silangan ng malaking kontinente ng Asya, may doble-malas rin na hindi maalis-alis sa Pilipinas.

Isa nitong masasabing kamalasan ay ang mga madalas na lindol at pag-alburuto ng mga bulkan na dulot ng Philippine Mobile Belt. Ang resulta ay ang pag-kumpulan ng mga bitak (earthquake fault) at mga bulkan na lagusan ng tunaw na bato (lava). Maliban sa Palawan, halos lahat ng bahagi ng Pilipinas ay makakaranas ng minsanang sumasabog na bulkan o madalas na lindol at pagyanig.

Ang pangalawang masasabing kamalasan ng Pilipinas ay ang laging pagtama ng mababagsik na bagyo (typhoon) na nagpapalakas ng hangin, ulan, at dilubyo mula sa Habagat (basang-hangin na galing sa timog-kanluran). Mayroong umaabot ng higit sa dalawampung bagyo sa bawat taon ang hahataw o dadaplis sa bandang gitna hanggang hilaga ng ating bansa.

Sa bawat taon, maraming nasisira at nasasayang sa mga gusali at istruktura ng Pilipinas dahil sa mga sakuna at kapahamakan na dulot ng lupa, dagat, at hangin. Dito tayo parang laging gumagastos para lamang pabagsakin at sirain ng kalikasan ang ating agrikultura, gusali, at kagamitan.

Ano naman ang kahirapan na dulot ng pagkahati-hati ng lupain ng Pilipinas sa iba’t-ibang pulo at isla? Di kagaya ng ibang bansa na halos isang buong lupa ang kanilang teritoryo, hiwa-hiwalay ang lupain ng Pilipinas na napapalibutan naman ng maliliit na karagatan (sea), look (bay), o ng kipot na dagat (strait).


Ngunit sanay na ang mga Filipino sa mga madalas na disgrasya na dulot ng kalikasan. Kayang lampasan at ayusin ng mga Pinoy ang ganitong sakuna bagamat masakit at mabigat na suliranin ito taon-taon. May solusyon din ang ating hiwa-hiwalay at pinag-tabi-tabing isla, ngunit magastos ito.

Imbes na makakadaan o makakalakbay ang mga tao gamit ang pag-andar lamang sa lupa tulad sa ibang bansa, kailangan pa tayo madalas na sumakay pa sa bangka o sa malaking barko upang makapag-biyahe at mag-angkat ng kargamento. Mahirap ba ito o madali? Ang sagot diyan ay: depende.

Alam niyo ba na mas-madali at mas mura ikarga at ibiyahe ang mabibigat na kargada kagaya ng bakal, bato na mineral, likido kagaya ng langis, at iba pang mabibigat na bagay sa tubig-dagat (o sa ilog) kaysa kung sa lupa ipapadaan ang mga ito? Barko at daungan ang solusyon.

Napakamura at madaling ikarga sa barko ang mga mabibigat na kargamento na dadalhin sa kabilang dako ng planeta, o kahit sa katabing bansa lamang. Hindi na kailangan pang maglagay ng riles ng tren o ng malaking kalsada kung saan sobra-sobrang gastos ang kakailanganin.

- Advertisement -

Kung mayroong bulto-bultong produkto kagaya ng abaca, copra, asukal, mineral, bakal, o kahit na maliliit na produkto, sasakyan, hayop, o tao, mura at madali lang ibiyahe ang mga ito sa mga barko na bumabiyahe patungo at mula sa iba’t-ibang lungsod ng Pilipinas o karatig bansa.

Ayan ay kung nasa tabing-dagat ang lungsod na patutunguan. Halimbawa: Manila, Cebu, Davao, Singapore, Hong Kong, Seoul, Tokyo, Perth, San Francisco, Vancouver, at London.

Kung sakaling mayroon isang produkto o materyales na ginagawa o pinagtitipon dito sa Pilipinas ng mga manggagawang Filipino, hindi mahirap o mahal ito ipadala kahit saan sa mundo gamit ang sasakyang pandagat.

Dahil naman sa Philippine Nautical Highway System, na mayroong Western (Panay), Central (Cebu), at Eastern (Samar) Nautical Highways, madali at napabilis din ang pagbiyahe ng mga pasahero at magagaang na kargamento mula Luzon hanggang sa Mindanao (at pati ang pabalik na biyahe).

Tinatawag din ito na Road Roll-on/Roll-off (RO/RO) Terminal System, dahil madaling isakay at ibiyahe ang mga motorsiklo, kotse, truck, at bus (kasama ang mga pasahero nito) mula sa Luzon papunta at pabalik sa Visayas at Mindanao.

Kinakailangan lang na may mga lugar sa Pilipinas na kayang gumawa at magtipon-tipon ng anumang mahalagang produkto dahil (1) malapit ito sa pinanggagalingan ng hilaw na materyales (raw materials), (2) maraming manggagawa na masigasig at madaling turuan, o (3) may mura at maaasahang panggagalingan ng kuryente.

- Advertisement -

Sa tatlong bahagi na ito, kulang na lang ang mura at maaasahang suplay ng elektrisidad para matayuan ng mga pabrika at malalaking industriya doon sa mga isla at probinsiya ng Pilipinas. Kapag nagkaroon na ng mura at maaasahang kuryente, dadami at uusbong na rin ang manufacturing sa Pilipinas kagaya doon sa mga karatig bansa.

Darating na sa madaling panahon na ang murang kuryente at mabilis na internet ay kakalat na sa Pilipinas, kasama ang mga pisikal na inprastruktura kagaya ng mga malawak na kalsada, mabilis na tren, modernong mga daungan ng barko, at mga ligtas na paliparan.

Kapag nabuo ang mga ito, kakayanin na rin ng mga manggagawang Filipino na magtrabaho dito sa loob ng bansa na may mataas-taas na sahod kagaya ng mga lumuluwas para magtrabaho doon sa labas ng bansa.

Yung mga kabataan natin na nakapagtapos pa lang sa kolehiyo ay madaling makakahanap ng trabaho na hindi kakailanganin magtiis sa hirap o iwanan ang pamilya.

Abangan ninyo ang darating na mga taon at dekada sapagkat mabubuo na rin ang lahat ng mga sangkap para umunlad ang ekonomiya ng Pilipinas. Kaunting tiis na lang, Kabayan!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -