26.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Bumaba na ang ‘fertility rate’ ng Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG 1950, ang fertility rate (iba ito sa birth rate) sa Pilipinas ay pitong bata ang ipinapanganak ng bawat babae. Napakataas nito ngunit normal lamang sa isang bansa na pagsasaka ang pangunahing pinagkikitaan.

Noong taong 2000, pagkalipas ng 50 na taon, bumaba na ang fertility rate sa bahagyang mababa sa apat na anak na iniluluwal ng bawat babae. Lumulobo pa rin ang populasyon ng Pilipinas ngunit hindi na kasing dami. Nagkaroon na rin ng indastriyalisasyon sa Pilipinas kung saan maraming ina ang nagtatrabaho na sa opisina o pabrika sa mga lungsod.

Ngayong 2023, bumaba na ang fertility rate natin sa 2.454 na anak para sa bawat babae. Ito ay 1.01 porsiyento bumaba mula sa 2022 na kung saan 2.479 ang fertility rate. Noong 2021, 2.504 ang fertility rate pero 2.530 naman ito noong 2020.

Ang birth rate naman nitong 2023 ay 19.579 bagong-silang na sanggol sa bawat 1,000 tao, mas mababa ng 1.0 porsiyento kaysa sa nagdaang taon. Ano ang dahilan ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga sanggol na iniluluwal ng bawat babae sa Pilipinas?


Ayon kay Peter Zeihan na isang geopolitical strategist at may-akda ng apat na aklat tungkol sa demographics at globalization, marami ang mga anak habang ang isang pamilya ay naghahanap-buhay sa pamamagitan ng pagsasaka. Maliit ang gastusin para sa mga anak at malaki naman ang tinutulong nila sa pagtatrabaho ng pagsasaka.

Ayon din kay Zeihan, kapag nanirahan na ang isang pamilya sa lungsod sa loob ng isang makipot na apartment, nagiging masikip, mahirap, at magastos na magpalaki ng bata, kung kaya iniiwasan na ng mga ina na dumami pa ang kanilang anak na lalampas ng dalawa.

Eto na nga ang nangyari sa maraming bansa sa buong mundo na nagkaroon ng malawak, matagal, at mataguyod na industriyalisasyon (ang pag-unlad ng pagawaan at industriya) pati na ang urbanisasyon (ang pag-lipat ng mga mamamayan mula sa mga probinsiya papunta sa mga lungsod.

Alam niyo ba na unang nangyari ito sa Japan, Germany, at Italy, tapos sumunod na rin ang South Korea, Taiwan, Thailand, Poland, Russia, Spain, Singapore, Vietnam, at ang mga bansa ng Scandinavia at Baltic? Pa-kaunti ng pa-kaunti ang kanilang mga anak hanggang sa kumulang na ito sa 2.1 na anak para sa bawat babae.

- Advertisement -

Alam ba rin ninyo na kapag mas mababa na ang fertility rate kaysa 2.1 na anak para sa bawat babae, dahan-dahan ng liliit ang populasyong ng isang bansa? Ibig-sabihin, dapat magkaroon ng dalawa o tatlong anak ang bawat babae, para mapalitan ang bilang ng mga tao sa buong populasyon na namamatay dahil sa sakit, sakuna, o pagtanda.

Malaki ang problema ngayon ng mga bansang matagal ng nakulangan ng mga batang sanggol sapagkat pagkatapos ng 20 taon, bawas na rin ang magiging trabahador (labor force) nila para punuin ang mga trabaho na kailangan gawin sa loob ng bansa. Kung hindi ito mayaman na bansa tulad ng Japan, liliit din ang kikitain ng bansa.

Isa pang magiging kakulangan ay ang dami ng taong puwede nilang magawang sundalo sa kanilang sandatahang lakas at kapulisan. Babawas din ang dami ng mga bagets na gustong gumastos at bumili ng makabagong produkto at serbisyo.

Isa itong dahilan kung bakit gusto ng ibang bansa sa Europa (Europe) na magpapasok ng lahat ng uri ng manggagawa o trabahador, para hindi babagsak o hihina ang kanilang ekonomiya. Ito ang malaking dahilan kung bakit nakakakuha ng trabaho ang mga Filipino sa ganung mga bansa.

Yung populasyon ng mundo na umabot na sa 8 bilyong tao ay ang pinakamataas na aabutin sa kasaysayan ng ating planeta. Hindi na ito tataas pa mula ngayon sapagkat liliit na ang bilang sa sunod na taon.

Ang Pilipinas naman ay inaasahan na bababa sa 2.0 na anak para sa bawat babae sa taong 2050 tapos dahan-dahan na rin itong bababa na kasing-tulad ng ibang bansa sa mundo na nababawasan ng populasyon, maliban sa maraming bansa sa Africa.

- Advertisement -

Ang populasyon ngayon ng Pilipinas ay 117.3 milyong tao at inaasahan na tataas pa ito sa 150 million pagdating ng 2050 ngunit hindi na ito kagaya ng “pre-industrial pyramidal demographic pattern” at mag-uumpisa na mag-stabilize at bahagya na lang na lalaki pa.

Maganda sana kung maaagapan ng Pilipinas itong ikinakatakot na pagbaba ng ating populasyon. Wala pang nakikitang solusyon kung paano paparamihin uli ang pagdami ng mga bagong-silang na sanggol kapag humina na ang fertility rate ng isang bansa.

Tandaan po natin na habang pinapatagal pa ng mga babae ang edad kung kailan sila magkaka-anak, mas nagiging delikado para sa kanila ang pagbubuntis at pagsilang ng mga sanggol.

Kailangan talaga na maging mababa ang presyo ng (1) gastos sa tirahan, (2) ang gastos na pang-araw-araw, (3) ang pag-aral o edukasyon ng mga bata, at (4) ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin upang patuloy na ganahan ang mga ina at ama ng tahanan para dagdagan pa nila ang kanilang mga anak lampas sa isa o dalawa.

Sana habang maaga pa ay makapaghanda na ang ating pamahalaan at mga institusyon ng mga makabuluhang polisiya para matulungan ang mga pamilya at ina sa mga lungsod sa pag-aaruga at pagpapalaki ng kanilang mga anak.

Ayaw nating mabawasan ng biyaya dahil kulang na ang ating mga kabataan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -