MATAPOS na lagdaan ng Pilipinas at ng Estados Unidos ang “123 Agreement” kasabay ang pagdalo ni Pangulo Ferdinand Romualdez Marcos, Jr., sa katatapos lang na 2023 APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) summit sa San Francisco, USA, maayos na pagkakalooban ng Estados Unidos ang makabago at adelantadong nuclear energy technology kasabay ang nuclear fission materials (radioactive elements tulad ng uranium-235).
Hindi armas na nuclear ang layon nito ngunit ang mapayapang paggamit ng enerhiyang nuclear. Ibig sabihin, matutugunan sa loob ng tatlo hanggang sampung taon ang mabilisang pagpadala at pagtayo ng iba’t-ibang klase ng nuclear fission powerplants sa maraming probinsiya at isla ng Pilipinas.
Tandaan natin, ilang dekada na nagpapatakbo ang Estados Unidos ng nuclear-powered aircraft carriers at nuclear-powered attack submarines na gumagamit ng ganitong uri ng mini nuclear power plants. Ligtas at maaasahan ang mga iyan.
Bakit ba ito napakahalaga sa Pilipinas? Alam niyo ba na ang elektrisidad o kuryente sa Pilipinas ay isa sa pinaka-magastos sa buong mundo? Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw magtayo ng mga pagawaan o gusali ng industriya dito sa bansa natin ay dahil sobrang mahal ang bayad sa kuryente para patakbuhin ang mga makinarya at pagawaan ng mga appliances at produkto na kailangan ng buong mundo.
Dahil dito, inunang itayo at ilagay ng mga mayayamang korporasyon ang kanilang gusali at pagawaan doon sa ating mga katabing bansa tulad ng South Korea, Taiwan, Singapore, China, Thailand, Malaysia, at Vietnam. Naunahan tuloy nila tayo sa pagyaman.
Hindi katakataka kung bakit unang umusbong ang mga bansang ito kaysa sa Pilipinas. Maski ang Indonesia, na isang kapuluan din tulad ng Pilipinas, ay mas nakamit ang murang elektrisidad, at kasama ang kanyang napakaraming likas na kayamanan (natural resources), mas mabilis pa magtayo ang mga bansa na ito ng sariling industriyalisasyon kaysa sa bansa natin.
Ang tanging lamang lang ng Pilipinas sa mga ito ay ang kagalingan ng mga Filipino sa pagsalita ng wikang Ingles, kaya napiling dito ipatayo sa Pilipinas ang maraming call center at business process outsourcing (BPO) tulad ng unang ginawa sa India.
Ngunit hirap ang Pilipinas na magtayo ng maraming conventional-fuel electricity powerplant noon sapagkat naging mahal ang presyo ng langis at krudo na dating ginagamit sa pagpapatakbo nito.
Hirap din ang Pilipinas sa pagkonekta ng iba’t-ibang isla at probinsiya ng bansa dahil sa sobrang laki ng gastos para sa pisikal na inprastruktura na kailangan para sa mga puwerto at daungan ng barko (ports and harbors), paliparan, daanan ng tren (railways), at kalsada.
Nakabit na ang digital infrastructure ng Pilipinas sa Asya, Norte Amerika, Australia, at sa buong mundo gamit ang mga submarine data cables na inilalatag pa rin sa sahig ng dagat (seafloor). Sa ngayon, dinadamihan pa ang internet interconnectivity sa lahat ng malalaking isla ng Pilipinas para aabot sa pinakamaliit na baranggay at paaralan ang internet at cellphone connections.
Itinatayo na rin sa iba’t-bang probinsiya ang lahat ng uri ng renewable energy plants tulad ng liwanag ng araw (solar), lakas-hangin, imbakan ng tubig (hydroelectric), at geothermal energy mula sa matinding init galing sa ilalim ng lupa (katabi ang mga bulkan).
Kabisado na ng ating Kagawaran ng Enerhiya (DoE, Department of Energy) ang mga ganyang uri ng pagkalap at pagkumpuni ng elektrisidad.
Ngunit kahit na ano karami pa ng renewable energy powerplants ang itayo sa Pilipinas, kukulangin pa rin ito para lalo pang pausbungin ang ekonomiya ng Pilipinas kung nais natin maging tunay na developed country.
Hindi sapat ang enerhiya na makukuha sa mga ito dahil pasulyap-sulyap, kaunti lang, at di kasing-tindi ang enerhiya galing dito o kaya ay nasa limitadong lugar lang ito mapagtatayuan ng gusali at planta.
Dito na tayo darating sa makabago at ligtas na paraan ng pagkalap ng matinding enerhiya na kailangan ng mga pagawaan at makinarya.
Kayang ipagkaloob ng maliliit na advanced nuclear power plants ang kahit na anong lakas na kakailanganin ng kahit na anong advanced materials fabrication facility na gustong itayo ng foreign investor sa tabi lang ng panggagalingan ng hilaw na materyales (raw materials) at ng mga tao na magtatrabaho dito.
Isipin ninyo, kung mayroon isang mina ng nickel o chromium o ginto o kahit na anong likas na yaman sa isang isla o bundok. Paano kung maglagay doon ng isang ligtas na micro nuclear reactor? (Siyempre, kailangan may bantay-seguridad din ito laban sa mga terorista at magnanakaw.)
Magiging mura ang halaga ng mga materyales at produkto nito at magiging mataas ang dagdag-halaga (value-added) nito. Dito na lilipat ang mga mamamayan ng isang probinsiya para magka-hanapbuhay at siguradong trabaho.
Hindi ba’t magkakaroon sila ng kayamanan kahit na hindi na sila kailangan pang lumuwas ng bansa natin? Doon na lang sila sa kanilang sariling probinsiya magta-trabaho. Pero dahil may pera at sahod na sila, kaya na nilang bigyan ng magandang kabuhayan, negosyo, at edukasyon ang kani-kanilang pamilya at kamag-anak sa sarili nilang baranggay o purok.
Maaring itayo ang mga mini nuclear power plant sa tabi ng isang ligtas na lugar at kabitan na lang ito ng maraming power transmission cables para lahat ng bayan at munisipyo sa isang isla o kabundukan ang mabibigyan ng kuryente.
Kasama ang mura at maaasahang internet at telekomunikasyon, maraming mamayang Filipino sa nagkalat na maliliit na isla ang makikinabang sa pag-usbong ng agrikultura, maliliit na industriya, edukasyon, turismo, at mabuting pamamahala na dulot ng mura at maaasahang elektrisidad.