26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Kontra demanda ni Andrew Tan

- Advertisement -
- Advertisement -
ABANGAN natin ito. Kumbaga sa sama ng panahon, umaalimpuyong sigwa ang hahambalos sa Datem bunga ng freeze order na nakamit nito sa korte upang para na ring ganap na ilugmok ang gadambuhalang empresang Megaworld Corporation. Sa nakaraang kolum, napag-alaman natin na bukod sa lahat ng ari-arian na pinanghahawakan ng Megaworld, saklaw pa rin ng freeze order ang mga banko nito, na kinabibilangan ng lahat ng pinakamalalaki sa industriya ng pagbabanko, tulad ng Asia United Bank, Union Bank of the Philippines, Bank of the Philippine Islands, Banco De Oro, China Bank, Philoppine Savings Bank, East West Bank, Maybank, Metropolitan Bank and Trust Co., at Rizal Commercial Banking Corp. Sa nakaraan din na kolum, nabanggit na inaasahan na palalawakin pa ng Sheriff ng Korte ang bilang ng mga bankong pagsisilbihan ng freeze order upang sumaklaw sa Land Bank of the Philippines, Philippine National Bank, Security Bank, at United Overseas Bank.
Sa ganyang kalagayan, di ba tila masyado nang nasiksik sa pader si Andrew Tan at sa gayo’y magpakawala na rin ng matinding kontra-bigwas. Sa isang pahayag sa media, winika ng Megaworld tycon ang ganito: “Kakatwa at sala sa katwiran ang hiling ng Datem na i-freeze ang kabuuang yaman ng Megaworld samantalang ang halagang P873.234 na kanyang hinahabol na  bayaran sa kanya ay .02% lamang ng kabuuang yaman ng Megaworld.”
Ayon kay Tan, nungka ang nakagawa ng panlilinlang ang Megaworld sa mga pakikitungo nito sa Datem.
“Kung meron mang panlalansi rito, iyon ay ang maningil ka ng kabayaran para sa trabahong hindi tapos,” pahayag ni Andrew Tan.
Interesanteng pansinin na sa halip na maghain ng motion for reconsideration bilang paraan upang mapawalang-bisa ang freeze order, mas mamarapatin pa ni Andrew Tan na sagutin punto por punto ang aniya’y mga gawa-gawa’t malisyosong akusasyon ng Datem laban sa Megaworld. Paniwala ni Andrew Tan na tanging sa ganitong paraan malilinawan ang korte sa kontrobersyang ito, Megaworld ang nasa matuwid, Datem ang bulaan.
“Maliwanag, ang paghingi ng Writ of Preliminary Attachment (WPA) ay malisyosong taktika ng Datem upang makalikom ng simpatiya ng publiko at siraan ang integridad ng Megaworld at mabuting katayuan nito sa daigdig ng negosyo,” mariing pahayag ni Ginoong Tan.
Bilang patunay ng kanyang paliwanag, naglabas ang ehekutibo ng  Megaworld ng mga graph na nagpapakita sa progreso ng trabaho sa ilan sa mga proyektong ginawa ng Datem bilang pagtupad sa kontrata nito sa Megaworld.
Nasa itaas ang naging takbo ng trabaho sa Condo Tower 2 sa BGC. Pansinin na kada palapag ay halos isang taon ang inabot ng pagkaantala ng konstruksyon ng karamihan. Sa katunayan, sa kaso ng Ika-Labing-Apat na Palapag, ang pagkaantala ng konstruksyon ay inabot ng apat na raan at labintatlong araw – mahigit pang isang taon.
Ang isa pang graph na ipinakita ng Megaworld sa media ay ang takbo naman ng trabaho sa BGC TOWER 1. Dito ipinakikita naman na sa average, mahigit isandaang araw naantala ang pagtatapos ng maraming palapag.
Ano ang ipinakikita ng mga graph na nasa itaas? Na napakalaki ng pagkukulang ng Datem sa usapin ng napapanahong pagdeliber sa Megaworld ng napagkasunduang proyekto. At ayon sa kanilang kontrata (IV – General Conditions),
sa ganitong kalagayan, obligadong magbayad ang Datem sa Megaworld ng tinatawag na liquidated damages na nagkakahalaga ng 0.1% ng kabuuang presyo ng proyekto. Sa ipinakikita ng mga graph na malaking atraso ng Datem sa pagdeliber ng tapos na proyekto, kayo na ang magkuwenta kung gaano kalaki ang dapat na bayarin pa ng Datem sa Megaworld bilang, ayon sa kanilang kontrata, liquidated damages. Kung bakit sa halip na Megaworld, Datem pa ang walang kaabug-abog ay biglang sugod sa korte, humihingi ng pagpigil sa lahat ng ari-arian ng Megaworld Corporation upang tiyakin ang kabayàran sa ipinaniningil niyang serbisyo.
Sabi nga ni Ginoong Tan, kakatwa’t di-kapani-paniwala. Pero gaano kagaling ang Datem sa paghabi ng kasinungalingan upang sukdulan na maging ang matatalinong huwes ay kanyang mapaglinlangan?
30
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -