Ipinagdiwang noong Oktubre 31, ang World Savings Day upang bigyang-diin ang halaga ng paglalaan ng pera para sa hinaharap.
Layunin nitong itaas ang kamalayan tungkol sa kahalagahan ng pag-iipon ng pera at pagbuo ng maayos na mga gawi sa pananalapi upang maging handa para sa panahon ng kagipitan at magarantiya ang isang matatag na kita sa pagreretiro.
Dahil dito, ibinahagi ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang P10 Challenge kung saan hinihikayat na i-budget ang gastusin, magtabi ng P10 kada araw at i-bangko ang naimpok pagkatapos ng isang buwan.
Narito ang ilang tips mula sa PDIC upang maisakatuparan ang P10 Challenge:
1. I-budget lagi ang sweldo.
2. Bumibili ng kape araw-araw? Skip muna sa mamahaling kape.
3. Iwasan muna ang add to cart. Ang hindi kailangan, pwedeng ipagpaliban para ipon ay mapaglaanan.
4. Panay ang kain sa labas? Dine at home para bawas gastos.
5. Laging may additional gastos sa grocery? Gumawa ng list at sundan ito. Mas masusunod ang iyong inilaan na budget kapag nakalista ang igo-grocery.
6. Ibenta ang mga bagay sa bahay na hindi na ginagamit. Luluwag na ang space sa bahay, dagdag pa sa ipon ang mga nabentang bagay.
7. Magbaon imbis na bumili ng pagkain. Masarap na mas healthy pa, may ipon ka pa.
8. Usong damit o kailangang gamit, pwedeng preloved para tipid. Looking good ka na, may dagdag savings ka pa.
9. Mag-ingat sa “deserve ko ito” mentality para hindi ka basta bili nang bili. Deserve mo ring makatipid at mag-ipon sa bangko para magandang kinabukasan mo’y sigurado. Madami mang gustong bilhin, ipagpaliban muna ang hindi kailangan. In the long run, ma-achieve mo ang financial security na deserve mo and more.
10. Sulitin ang discounts and vouchers kapag bibili online.
11. I-recycle ang mga leftovers dahil sarap nito ay hindi pa over. Magluto ng bagong putahe gamit ang mga leftovers para busog ka na, nakatipid ka pa. Huwag sayangin ang pagkain.
12. I-cancel ang app subscriptions na hindi ginagamit.
13. Subukan ang “No Spend Day” sa isang linggo. Hindi lang tayo ang may deserve ng break. Deserve rin ng wallet natin iyan.
14. I-unplug ang appliances na hindi ginagamit para bumaba ang electricity bill.
15. Napapadalas ang pagmi-milk tea? Magtipid para maibangko ang perang naitabi.
16. Gumamit ng budget-tracking app para bantayan ang buwanang gastusin. I-limit ang gastos para sigurado ang ipon.
17. Skip the gimik at pumirmi sa bahay. Kung sa bahay lang, pahinga ka na, tipid ka pa.
18. Gamitin ang “24-Hour Rule” para maiwasan ang impulse-buying. Bilhin lang kapag talagang kailangan after waiting for a day. Kapag hindi natuloy ang pagbili, ang perang natipid, sa bangko itabi.
19. Bili nang bili ng bottled water? Gumamit ng refillable water container sa loob at labas ng bahay. Nakatipid ka na, sa kalikasan, nakatulong ka pa.
20. Para makatipid, bumili ng gulay at prutas na nasa panahon o “in season.” Masarap na ang kain, mura pa ang bilihin.
21. Mag-staycation na lang sa bahay when you want to relax.
22. Magtanim ng sariling gulay sa bahay para makabawas sa gastos. Hindi kailangang lahat ng gulay ay bilhin, kung sa bahay ay madaling patubuin, pwede nang itanim para may anihin.
23. Nagkalat ang mga barya mo? Ipunin ito at idagdag sa iyong ipon sa bangko. Walang libo na hindi nagsisimula sa barya.
24. Gumamit ng energy-efficient appliances para bawas gastos.
25. Laging magbaon para kahit saan mapunta, less ang gastos. Gawin itong habit para sa bangko ay makapagtabi.
26. Sa grocery, buy in bulk to save money. Sa tingi-tinging pagbili, ang gastos ay mas malaki. Kapag namili ng bultuhan, gastusin ay pwedeng bawasan.
27. Tipid pa more sa commute? Subukang maglakad o mag-bike. Nakatipid ka na, naka-exercise ka pa.
28. I-update muna ang ipon bago ang gadgets. Okay lang kung hindi bago, basta sa budget, kasama ang ipon.
29. Para makatipid sa grocery, subukan bumili ng mga generic. Hindi kailangang branded ang bilhin para kalidad ang produkto at pagkain.
30. Kung kaya naman, mag-DIY o do it yourself sa decors at repairs. Ang ibabayad sa gagawa, matitipid mo pa.
Tara all, ipon tayo! Simulan mo sa mga barya at lalaki rin iyan.
Kapag napalago, maniguro at ibangko para mas protektado ang ipon mo.
Sayang ang ipon kapag walang proteksyon kaya buti pang sa bangko ang huling destinasyon.
Mag-ipon para sa future, let’s do the P10 Challenge today! (JCR/AMB/PIA Region 1)